Chapter XVIII: Showing Off(3)
Nagpalakpakan ang karamihan sa mga manonood hanggang halos lahat na ay pumapalakpak dahil sa ipinakitang pagpapasikat ng mga Formation Masters. Tama nga sila, ito na ang simula ng bagong panahon, ang panahon kung saan uunlad na ang buong kontinente sa tulong ng mga Formation Masters ng Craftsman Alliance.
Habang naglalakad paalis sa gitna ng koloseo ang grupo nina Augustus, isa pang grupo ng anim ang mabagal na naglalakad naman papunta sa gitnang bahagi ng koloseo. Lahat ng anim na ito ay nakasuot ng itim na uniporme, at bawat isa sa kanila ay makikitaan ng kaba habang nililibot nila ang kanilang paningin sa mga manonood sa koloseo. Ang grupong ito ay walang iba kung hindi sina Earl, ang grupo ng mga Blacksmiths ng Craftsman Alliance.
Habang hindi pa nagsisimula ang mga Blacksmiths sa kanilang pagpapasikat, si Gin naman, ang kapitan ng Dark Crow ay bumaling kay Sixth at seryosong nagtanong, "Sixth. Anong masasabi mo sa formation na iyon ng Craftsman Alliance?"
Ngumiti naman nang pagkatamis-tamis si Sixth at namumulang tumugon, "Sa totoo lang kapitan, isa iyong kahanga-hangang formation. Sa pagkakaintindi ko habang nilalabanan ko ang formation na iyon, kaya noong lumaban sa higit pang Adventurers, pero s'yempre mga Legend Ranks lamang."
Huminto siya sandali at napahawak sa kanyang baba na para bang nag-iisip. Makalipas ang ilang sandali, muli siyang nagsalita, "Nakakapanghinayang lang kapitan dahil hindi nila pinakawalan ang atake kanina. Gusto ko pa naman sanang maranasan kung gaano kalakas ang atakeng iyon."
Seryosong nakikinig si Gin sa paliwanag ni Sixth. Tumango siya rito at muling nagtanong, "Kung ikukumpara mo ito sa formation na gawa ng Imperial Clan, alin ang mas kahanga-hanga?"
Muling napaisip si Sixth. Nagtagal siya ng ilang segundo bago sumagot, "Kung lakas at tindi ng enerhiya ang pag-uusapan, ang mga formation ng Imperial Clan ang mas malakas. Gayunman, kung totoo ang sinasabi ni Augustus Reeve na kaya pang palakasin ang kanilang Ultimate Golden Lion Formation, ibig sabihin ay basura lamang ang formation ng Imperial Clan."
Tumango ulit si Gin at tumugon, "Pareho tayo ng iniisip. Ang formation na gawa ng Formation Masters ng Craftsman Alliance ay talaga namang kahanga-hanga. Maaari itong ilipat at mayroon itong dalawang katangian. Kaya pa rin itong palakasin na kailan man ay hindi ko naririnig na kakayahan ng ibang formation."
"Ang tanging ipinagtataka ko lamang ay kung saan nila ito natutunan... sa mataas na mundo ba?" pabulong na tanong ni Gin sa kanyang sarili. Napatingin siya sa kinaroroonan nina Finn Doria at mag-anak ni Eon. Nakatingin siya sa tatlong protektor ni Finn Doria habang malalim na nag-iisip.
Habang abala sina Gin at ang iba pang miyembro ng Dark Crow sa pag-iisip, si Earl naman, ang pinuno ng mga Blacksmiths ng Craftsman Alliance ay lumipad at hinarap ang mga manonood upang bumati. Makikita pa rin ang kaba at pagkabalisa sa kanyang mga mata habang inililibot niya ang kanyang tingin sa paligid.
Huminga si Earl ng malalim at kinakabahang nagsalita, "Mga panauhin ng Craftsman Alliance. Bago magsimula ang aming grupo, nais ko munang ipakilala ang aking sarili sa inyong lahat."
Huminto siya sandali sa pagsasalita. Hindi pa rin naalis ang kaba sa kanyang mga mata noong muli siyang magsalita, "Ako si Earl Larson, dating Rogue Adventurer ng Sacred Dragon Kingdom. Pero ngayon, haharap ako sa inyo bilang pinuno ng mga Blacksmiths sa Craftsman Alliance. Isa itong oportunidad na ipinagkaloob sa akin ng Craftsman Alliance na aking ipinagpapasalamat nang sobra at ngayon, isang karangalan para sa akin ang humarap sa inyong lahat at ipakita ang kayang gawin ng aking kinabibilangang faction."
"Nasaksihan niyo na ang isa sa ipinagmamalaki ng Craftsman Alliance. Nakita niyo na kung gaano katindi at kaiba ang formation na kayang gawin ng aming mga Formation Masters. At s'yempre, bilang pinuno ng mga panday, kaming mga Blacksmiths ay hindi magpapahuli," nakangiting hayag ni Earl. "Sa pagpapasikat ng aming grupo, mayroon kaming dalawang ipapasikat sa inyo. At ang una ay walang iba kung hindi ang pagbuo ng mga armaments."
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]
FantasyTapos na ang kaguluhan sa Ancestral Continent. Pero, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn Doria. Simula pa lang ito ng lahat. Simula pa lang ito ng lahat dahil susubukin pa siya ng kanyang kapalaran. Dahil sa kanyang to...