Chapter LI: Group of Adventurers(2)
"Humihingi ako ng dispensa dahil muntik na kitang matamaan kanina, Finn," kamot-ulong sabi ni Eduardo. Nakangiti siya pero makikita pa rin ang hiya sa kanyang mukha habang humihingi ng pasensya kay Finn Doria. "Mabuti nalang at hindi pangkaraniwan ang pakiramdam mo. Naramdaman mo ang palaso ko kaya nakaiwas ka agad. Ang galing mo!"
Nakapalibot ang anim sa isang naglalagablab na apoy. Magkakasama sila ngayon habang nagkukuwentuhan. Tahimik na ang gabi, maliwanag pa rin ang liwanag ng buwan at ang bawat dahon sa mga puno ay nagliliwanag dahil sa mahiwagang liwanag ng buwan
Kanina lang, matapos mapatay ng grupo ni Oyo ang mga kasamahan ni Wen, kinuha nila ang gamit ng mga ito at gumawa sila ng apoy upang magpahinga.
Dahil gabi, mapanganib pa rin ang kagubatan para sa kanilang lahat kaya hindi na nangangahas na maglakbay pa ang grupo ni Oyo patungo sa lungsod na kailangan nilang puntahan.
Ikinuwento ni Finn Doria ang nangyari sa kanya sa grupo ni Oyo. Sinabi niya ang totoo kina Oyo kung paano inagaw ng grupo ni Wen ang kanyang biktima at kung paano siya muntikang pagnakawan ng mga ito.
Upang makaiwas sa maraming tanong, nagpakilala nalang siyang Rogue Adventurer na nagmula sa napakalayong lugar.
Noong una, hindi naniwala ang grupo ni Oyo sa sinabing ito ni Finn Doria. Hindi sila naniniwalang galing ang binata sa malayong lugar dahil para sa kanila, imposibleng makararating ang tulad niyang 1st Level Legend Rank sa kagubatang ito ng buhay.
Kahit na mukhang sumabak sa labanan si Finn Doria dahil sa kanyang kasuotan at mga galos, hindi pa rin sila gaanong naniniwala sa kuwento ni Finn Doria na nagmula ito sa malayong lugar. Pero, hindi na nila ito gaanong inusisa pa. Iniisip nalang nila na ito ay sikreto ng binata.
Dahil natural lang naman na may sikreto ang bawat adventurer.
Hindi na rin nila pinaghinalaan si Finn Doria dahil nakikita at nararamdaman naman nilang 1st Level Legend Rank lang talaga ang binata. Nag-iingat nalang sila sa kanilang mga sinasabi sa binata.
Sa ngayon, napilitan si Finn Doria na sumama sa mga ito dahil sa pangungulit ni Eduardo. Nag-alok ito na poprotektahan nila ang binata at ihahatid sa kalapit na lungsod.
At dahil wala namang gaanong alam si Finn Doria tungkol sa mga lugar sa kontinenteng ito, pumayag na rin siya.
Maraming nalaman si Finn Doria tungkol sa grupo ni Oyo. Nalaman niyang nagmula ang mga ito sa isang lungsod. Grupo ang mga ito ng Rogue Adventurers na gumagawa ng misyon para maghanap-buhay at mahigit apat na taon na rin silang magkakasama.
Samantala, sa ngayon, tinatapos nila ang kanilang misyon.
Nabanggit ni Eduardo na magtutungo sila sa lungsod ng Erdives, pero, hindi na ito nagbigay ng karagdagang impormasyon pa tungkol sa kanilang misyon na naiintindihan naman ni Finn Doria kung bakit. Pribado ang tungkol sa mga misyon at s'yempre, kailangan nilang maging maingat.
Mabuting mga adventurer ang grupo ni Oyo; ito ang napansin ni Finn Doria. Masiyahin si Eduardo, Mina at Leila habang si Oyo naman na palaging seryoso ay ngumingiti rin paminsan-minsan. Si Samuel ay tahimik lang pero nakikinig siya sa mga kuwento ni Finn Doria. Mukha siyang inosente dahil sa simpleng ekspresyon.
Ibinigay rin ng grupo ni Oyo ang magic crystal ng Seventh Grade Fish-scaled Python kay Finn Doria dahil sabi ni Eduardo, sa binata naman talaga ang bagay na iyon.
"H'wag mo nang alalahanin pa ang tungkol doon. Hindi niyo naman alam kanina na hindi ako kabilang sa grupo ng tatlong iyon," tugon nalang ni Finn Doria kay Eduardo. "Isa pa, nakailang paghingi ka na ng tawad. Binigay ninyo pa sa akin ang magic crystal ng Seventh Grade Fish-scaled Python kaya wala na sa akin ang tungkol sa bagay na iyon."
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]
FantasíaTapos na ang kaguluhan sa Ancestral Continent. Pero, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn Doria. Simula pa lang ito ng lahat. Simula pa lang ito ng lahat dahil susubukin pa siya ng kanyang kapalaran. Dahil sa kanyang to...