Chapter X: The Invitation
Nagpumiglas si Zed at sinubukan niyang makawala mula sa pagkakasakal sa kanya ni Eon. Ginagawa niya na ang lahat ng kanyang makakaya pero ang lahat ng ito ay nabaliwala lang. Hindi mahigpit ang pagkakasakal sa kanya ni Eon, para lang itong nakahawak sa kanyang leeg. Sinisipa't tinatadyakan din ng binata si Eon at kahit na direktang tumatama ang kanyang mga sipa sa bata, hindi ito kumikibo. Malinaw na wala itong talab kay Eon dahil nakangisi pa rin ito habang nangungutya ang tingin nito kay Zed.
"Ngayon, naiintindihan mo na ba na kailan man ay hindi ka maikukumpara sa aking master? Bago mo siya labanan, kailangan mo muna akong matalo, maliwanag ba?" mayabang na sambit ni Eon.
Nagpumiglas pa lalo si Zed. Naiintindihan niya na ngayon na wala siyang laban kay Eon. Ginawang alikabok ng batang ito ang kanyang Top-tier Epic Armament na sibat sa isang tapik lamang. Isa iyong imposibleng pangyayari pero nagawa itong gawing posible ng batang kinagagalitan niya kanina lamang.
Pero, hindi pa rin matanggap ni Zed na matatalo siya sa isang bata. Marahas siyang tumingin dito at sinabing, "Marahil mas malakas ka sa akin, pero hindi ikaw ang pinaka malakas sa mundong ito! Mayroong mas malakas sa'yo kaya h'wag kang masyadong mayabang!"
"HAHAHA!" humalakhak si Eon bago muling tumingin kay Zed. "Oo. Hindi ako ang pinaka malakas. Gayunpaman, sa maliit na mundong ito, walang sino mang adventurer o nilalang ang makahihigit sa akin, maliban na lang kung nagmula sila sa mas mataas na mundo."
Sa sinabing ito ni Eon, naguluhan si Zed. Napatigil siya sa pagpupumiglas dahil hindi niya lubusang naintindihan ang sinabi ni Eon. Naikwento sa kanya ng kanilang kapitan na mayroon pang mas malaking mundo sa mundong ginagalawan nila, gayunpaman, ang mundong iyon ay mundo ng mga diyos.
'Maaari kayang mundo nga ng mga diyos ang tinutukoy ng batang ito...? Isa rin ba siyang diyos gaya ng nasa kwento ni kapitan..?' sa isip ni Zed.
Wala silang impormasyon tungkol sa matataas na mundo. Ang tangi lang nilang alam ay malalakas at maikukumpara na sa diyos ang mga naninirahan sa matataas na mundo. Mayroong kumakalat na kwento na ang mga diyos ang nag-iiwan ng mga Armaments, Skills at Techniques sa mga abandonadong kuweba.
Pero, hanggang ngayon, wala pa ring nakapagpapatunay nito dahil wala pa namang aktwal na nakakakita sa mga nilalang na nag-iiwan ng mga kayamanan sa mga abandonadong kweba.
Samantala, habang sakal-sakal ni Eon si Zed, mayroon siyang naramdamang presensya sa kanyang likuran kaya naman hinigit niya si Zed at hinarap ang lalaking pinagmumulan ng presensya. Si Seventh, at kasalukuyan itong may komplikadong ekspresyon sa kanyang mukha.
"Kagalang-galang na adventurer... naiintindihan kong nagkamali kami sa aming inasal. Hindi dapat kami nagmataas at hindi dapat kami naging isang hangal," yumuko si Seventh at pinagpapawisan siya dahil sa sobrang kaba.
Nasaksihan niya ang lahat ng nangyari. Ginawang alikabok ni Eon ang isang Top-tier Epic Armament. Kailan man ay hindi pa naririnig ni Seventh na mayroong adventurer na kayang gawin ito. Kahit ang isang malakas na Heaven Rank ay hindi magawang magasgasan ang isang Top-tier Epic Armament pero ang batang ito, ginawa nitong alikabok ang armament ni Zed sa isang tapik lamang.
Kung ang atakeng iyon ay gagamitin sa isang may buhay, siguradong isa lang ang kahihinatnan nito at iyon at walang iba kung hindi ang kamatayan!
Hindi kagaya ni Zed si Seventh. Matanda na ito at maayos nang mag-isip. Naiintindihan niya na kung gusto pa talaga nilang mabuhay na dalawa, at kung gusto nilang mapalapit sa malakas na adventurer na ito, kailangan muna nila na tanggapin ang kanilang pagkakamali.
'Akala namin ay ang lalaking protektor lang ni Finn Doria ang malakas... nagkamali kami, maging ang batang ito ay sobrang lakas din! Hindi na ako magtataka kung pati yung babae nilang kasama ay malakas din!' sa isip ni Seventh. 'Kung makukumbinsi lang sana namin sila na tulungan kami sa aming layunin...'
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]
FantasyTapos na ang kaguluhan sa Ancestral Continent. Pero, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang pakikipagsapalaran ni Finn Doria. Simula pa lang ito ng lahat. Simula pa lang ito ng lahat dahil susubukin pa siya ng kanyang kapalaran. Dahil sa kanyang to...