Lagundin. . . Malolos, Bulacan. Bayang malapit lamang sa Maynila. Matagal na ang isang oras na paglalakbay paroon at parito. Sa bayang ito ng katagalugan, may isang kasaysayang binuo ng isang pag-ibig. Pag-ibig na ayaw pakupasin ang panahon. Nagpasalin-salin sa bibig ng tao. At paboritong kwento ng matatanda para sa kani-kanilang mga anak na di maglalaon magiging binata at dalaga na. Dito natin bubuksan ang simula ng isang magandang kasaysayan ng pag-ibig.
Abot ang nerbiyos ni Laura. Hindi siya makaalis sa harap ng salamin. Matagal na siyang nakaupo sa tokador. Pinagmamasdan ang sarili. Walang pagbabago. Siya pa rin ang simple ngunit magandang si Laura. Hugis puso ang mukha. Na binabagayan ng mahaba, maitim at tuwid na buhok. Ang labi ay mapula at ang mga mata, animo laging iiyak. Nakikiusap. Malamlam na para bang laging sinasabing, "mahalin mo ako".
Bihis na bihis si Laura. Mahabang baro na tinernuhan ng damit pang-itaas na yari sa jusi. Payak na kagandahang hindi mo na makikita sa panahon ngayon. Sa hapong ito, sa ganap na ala-sais, may darating na mga bisita. Dalawang binata. Sina Miguel at Lucho. Dalawang makikisig na binata na kapwa naghahangad ng kanyang pag-ibig. Walang tulak kabigin, wika nga. At kailangang magpasya si Laura sa araw na ito.
Nangako siya sa mga ito na sa araw na iyon ibibigayn niya ang kapasyahan kung sino ang magiging mapalad. Ganyan ang labanan sa pag-ibig, may talo may panalo.
Nagulat lang si Laura nang buksan ang pinto. Pumasok ang kanyang ina, si Aling Perla.
"Handa ka na ba, anak? Mamaya lang, nariyan na ang dalawa mong bisita." wika ni Aling Perla sa anak.
"Natatakot ako, Inang. Hindi mawala ang kaba ko sa aking dibdib." sagot naman ni Laura sa kanyang ina.
"Ganyan talaga yan. Lahat ng babae, daraan sa ganitong pagkakataon. Mapalad ka anak, at ang dalawang magigiting na lalaki ang naghahangad sa iyong pag-ibig. Sino man sa kanila ang mapili mo, wala akong masasabi." sagot naman ni Aling Perla.
"Inang, nanlalamig ang mga palad ko. Ang buong katawan ko ay nanginginig. Baka himatayin ako sa sandaling humarap ako sa kanila." wika naman ni Laura habang kinakabahan.
"Huwag anak. Ipakilala mo na ikaw ay isang babaeng taga Malolos. Matapang at matatag." wikang muli ni Aling Perla sa anak.
"Sino ba Inang ang sa akala n'yo ang dapat kong maging kabiyak ng puso?" pagtatanong ni Laura sa ina.
"Anak lang kita, Laura. Subalit sa isipan at damdamin, sarili mo ang iyong kapasyahan. Ikaw ang mag-aasawa at ikaw ang makikisama, kaya sarili mo ang magiging desisyon mo." sagot namang muli ni Aling Perla.
"Salamat, Inang. Sana hindi ako magkamali sa pagpili." wika naman ni Laura.
Nagulat pa ang mag-ina nang marinig ang kahol ng aso. Saglit lang, narinig na nila ang mga tinig na nagpapa-tao po. Dumating na sina Miguel at Lucho.
At alam nila, patutuluyin na ito ni Tata Pedring
"Nariyan na sila, anak. Ihanda mo ang iyong sarili " pagmamadaling wika ni Aling Perla sa anak.
"Inang", (pahabol pa ni Laura na halatang di mawala ang nerbiyos.)
"Mauuna na ako, anak." saad naman ni Aling Perla.
Lumabas na si Aling Perla. Dumako sa balkonahe na kung saan nag-uusap sina Tata Pedring at ang dalawang binata. Agad-agad namang tumayo ang dalawa nang makita si Aling Perla. Nagbigay-galang. Tumayo na rin si Mang Pedring nang lihim na kalabitin ni Aling Perla. Naiwanan ang dalawa sa balkonahe. Nagpapakiramdaman. Ibig-ibig pawisan. Dahil alam nila, sa hapong ito, isa ang magiging mapalad, isa ang mabibigo sa pag-ibig kay Laura.
Hindi naman nagtagal, lumabas si Laura. Simpleng-simple. Mahinhing-mahinhin. Si Laura na isang tingin mo lang, alam mo, ipaglalaban mo ng patayan, maging asawa mo lamang. Sabay pang tumayo sina Lucho at Miguel. Sabay na nagbigay-galang sa dalaga.
BINABASA MO ANG
Mapaglarong Tadhana
Romance"Ang damdaming nasaktan, kayang kalimutan. Ang isang pagkakamali, maaaring ituwid. Subalit sa papaanong paraan mo palalayain ang pag-ibig na minsang biniro ng tadhana?"