Naitakda ang kasal nina Miguel at Laura. Naging usap-usapan iyon sa lahat ng sulok ng Lagundin. At lahat ay umayon na tama ang desisyon ni Laura. Mabait na tao si Miguel. Kabaitan at kaibigan ang lahat. May sariling sakahan si Miguel. May sariling bahay. Binata pa lamang, may mga ari-arian na ito na ipinundar mula nang mamatay ang mga magulang. At si Miguel, ay walang kapatid. Nag-iisa siyang namumuhay. Totoo, karaniwang magsasaka lang siya. Pero ang sinasaka niya, sarili niyang lupa.
Si Lucho, mula noon ay hindi naglalalabas. Para sa kanya, isang malaking kahihiyahan ang pagkabigo niya kay Laura. Natuto siyang uminom ng alak. Umiiwas sa mga tao. Bagama't sa totoo lang, wala siyang dapat ikahiya. Lumabas man siya, gabi na lang. 'Yong tiyak niya na wala siyang makakasalubong kahit na sino. Dangan, hindi niya matanggap na hindi siya mapalad kay Laura.
Handang-handa na ang lahat. Gaganapin ang kasal sa susunod na pagbilog ng buwan. At iyon ay tatlong linggo na lamang ang layo. Maraming hayop na alaga si Miguel. Pito ang baboy na pagkalalaki. Ang mga manok ni Miguel ay bumibilang ng libo. Dagdag pa ang dalawang baka na alaga niya at sadyang pinalaki para sa kasal na iyon.
Sa Lagundin, kapag ganoong may kasalang gaganapin, hindi mo man kumbidahin ang mga tao, sadya na silang nagtutungo at nag-aalok ng tulong.
Hindi naman patay na lukan ang partido ni Laura. May mga alaga rin sila na maaari nilang idagdag sa kasalan. Doon ang isang kasalan ay dinadayo. Siguro, buong baryo na ang darating upang makisaya. Kaugaliang hindi minamasama ng lahat. Bagkus, magdaramdam pa kung hindi ka dadalo.
Malawak ang bakuran ni Miguel. Sapat para doon idaos ang maramihang pagluluto at paghahanda. Malawak din ang bakuran ni Mang Pedring. Kung may iluluto kina Miguel, tiyak mayroon din kina Laura. Iyon ang kalakaran.
Dinala na ni Miguel ang damit pangkasal na ipinatahi pa sa Maynila."Miguel, pwede bang maglambing sayo?" wika ni Laura.
"Ikaw naman, para kang bagung-bago. Sabihin mo at kung kaya ko rin lang naman, ibibigay ko." sagot naman ni Miguel kay Laura.
"Namatay 'yong itim na orkidyas na alaga ko. Sa palagay mo, kaya mo akong ikuha sa gubat ng kahit na isa lang? Ilalagay ko sa damit pangkasal ko." wikang muli ni Laura.
"Naku, naunahan mo lang ako. Iyon nga ang sasadyain ko sa linggo, eh. Talagang magsasabi ako sa iyo na papasok ako sa gubat para sa orkidyas na itim." sagot naman ni Miguel.
"Ganoon ba? Mag-iingat ka lang. Tutal naman tatlong linggo pa bago tayo i-kasal." wika naman ni Laura.
"Hayaan mo, sa araw ng ating kasal, nakalagay na sa damit-pangkasal mo ang itim na orkidyas." sagot ni Miguel ng may paninigurado kay Laura.
Dumating ang araw ng linggo. Mag-isang pinasok ni Miguel ang gubat, dala ang kanyang kalabaw. Malayo rin ang gubat. At sa loob noon, madilim sanhi ng mga halaman at puno na malalago. May baon na si Miguel na kanin at ulam. Pati na tubig. Siguro, kung apat na araw lang, mawawala si Miguel sa Barrio Lagundin. Ganoon kalayo ang pupuntahan niya. Kung panganib, ang pag-uusapan, wala naman dapat ikatakot.
Tanging ang kaibigang si Manuel ang nakakaalam ng pagpasok niya sa gubat. Si Manuel ang pinagkatiwalaan niya pag umaalis siya at malalayo ng ilang araw. Si Manuel, bukod nga sa kaibigang matalik, pinsan pa ito ni Laura. Halos sabay silang nagbinata.
Iniwanan ni Miguel ang kanyang kalabaw sa bukana ng gubat. Hindi na ito makakapasok sa loob. Masalimuot at masikip sa gubat. Nagsalabat ang mga baging. Talagang katawan lang ang makakapasok doon.
Matatayog ang puno sa loob ng gubat. Nilulumot na. Talagang matatanda na. Pero sa Lagundin, walang mangahas pumutol ng puno doon. Kung meron man, mangilan-ngilan at kailangang humingi ng permiso sa munisipyo.
Doon sa bukana ng gubat siya magpapalipas ng gabi. Hihintayin na niya ang umaga sa bungad. Nagparikit siya ng mga sanga ng kahoy. Malamig sa gubat, daig pa ang Baguio. May dala ring termos si Miguel para sa kape. Nahiga siya sa ilalim ng malaking puno.
![](https://img.wattpad.com/cover/216550864-288-k968884.jpg)
BINABASA MO ANG
Mapaglarong Tadhana
Romance"Ang damdaming nasaktan, kayang kalimutan. Ang isang pagkakamali, maaaring ituwid. Subalit sa papaanong paraan mo palalayain ang pag-ibig na minsang biniro ng tadhana?"