KABANATA 4: Ang Simula Ng Pag-ibig Ni Almira

17 1 0
                                    

   Halos hindi umalis si Manuel sa papag na kinahihigaan ng kaibigan. Nakita niya ang sipag ng mag-lola sa pag-aalala sa kanyang kaibigan. Lalo na si Almira na unti-unting, nagkakaroon ng damdamin kay Miguel. Napapansin ni Manuel ang kakaibang pagtingin ng dalaga sa kanyang kaibigan.
   Ayaw na munang bumalik ni Manuel sa Lagundin, hangga't hindi niya kasama si Miguel.

" 'Yang kaibigan mo, tingin ko, mabait na binata. At 'yang pinsan mong si Laura, karapat-dapat ba sa pag-ibig ni Miguel?" nasambit ni Lola Tasya kay Manuel.

"Opo. Ang pinsan ko po ay tala sa aming Nayon ng Lagundin. Ang kanyang ganda ay dinadayo ng mga kabinataan sa mga Barrio Dampol at Barrio Bagong Sikat." sagot naman ni Manuel kay Lola Tasya.

"Ah, ganoon ba?" agad namang wika ni Lola Tasya.

"At si Miguel naman po ay pinag-aagawan ng mga kadalagahan sa amin. May sariling sakang minana pa sa mga magulang. Si Laura at Miguel, sadyang bagay na bagay. Gusto nilang magkatuluyan talaga." dagdag pa ni Manuel.

"Maganda pala ang kanilang kasaysayan. Sayang nga lang at para silang biniro ng tadhana." sagot naman ni Lola Tasya.

   Gabi, payapa ang hangin. Tahimik. Hindi pa natutulog si Laura. Malayo ang nilalakbay ng isip. Wala na amg bakas ng luha, subalit naroon pa rin ang bakas ng kalungkutan. Wala pa rin siyang balita kay Miguel.
   Nag-aagaw tulog na si Laura ng makarinig siya ng bagting ng gitara. Nagulat siya. Nakiramdam at ang tugtugin, sinasabayan ng isang madamdaming awit.
   Sa Barrio Lagundin uso pa ang harana. Isa itong kaugalian na hindi kumukupas sa paglipas ng panahon.
   Nang tumigil ang tugtog, narinig ang pagtao-po. Kusa nang kumilos si Aling Perla at lumabas, pinagbuksan ang binata at pinapasok.

"Gandang gabi po, Aling Perla. Paumanhin po at nagambala ko kayo sa inyong pananahimik." bati ni Lucho sa tahanan nila Laura.

"Aba eh, paano ba ito, Lucho. Hindi ko alam kung gising pa si Laura." agad na wika ni Aling Perla.

"Wala po 'yon. Ako naman po ay dumadalaw lang. Paki-sabi po kay Laura na, napasyal po ako." wikang muli ni Lucho kay Aling Perla.

"Makakarating Lucho." agad namang sagot ni Aling Perla sa paki-usap ng binata.

"Sige po, paalam na po." sambit naman ng binata.

"Adios, Lucho. At samahan ka nawa ng Maykapal." wika naman ni Mang Pedring sa binata.

   Umaga. Tahimik na inihanda ni Aling Perla ang almusal. Sinangag, tuyo, gatas ng kalabaw at itlog. Mula sa silid, lumabas si Mang Pedring na naghilamos lang at dumulog na sa mesa.
   Mula sa silid, narinig nila kapwa ang pagbukas ng pinto. Kapwa pa sila napalingon. Sa unang pagkakataon, lumabas si Laura sa kanyang silid. Nakabihis na at ayos na ang sarili.

"Inang, Tatang, bakit naman n'yo ako di tinawag? Sarap pa naman ng almusal. Sinangag at tuyo. At naku, may gatas pa ng kalabaw." sambit ni Laura ng makalabas sa silid.

   Nagkatinginan ang mag-asawa. Hindi makapaniwala. Sa loob-loob nila, nakabawi na ang anak nila sa mga nangyari.

"Laura, anak, napasyal si Lucho dito kagabi." bulalas ni Aling Perla sa anak.

"Narinig ko nga ang panghaharana niya." agad namang wika ng dalaga.

"Matiyagang bata. Nanatiling tapat sa iyo. At wala akong nabalitaang niligawan yan dito liban sa'yo, Laura." sabat naman ni Mang Pedring sa anak.

"Alam ko naman hong mabait si Lucho. Lamang kung minsan, inuuna ng isang dalaga ang kanyang puso." wika naman ni Laura.

   Iyon na ang simula nang paglabas-labas ni Laura. At nang malaon, nakikita na siyang nagwawalis sa kanilang bakuran. Talagang nakalimot na ang dalaga sa sakit na nararamdaman. Tumatawa na si Laura. Pero halatang kung nakukuwentuhan man sila, iwas ang sino man na banggitin ang tungkol kay Miguel.
   Si Lucho ay patuloy na nanliligaw kay Laura. Walang gabing hindi siya napapasyal. At hinaharap na siya ng dalaga.

Mapaglarong TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon