"Eugene, let Mariana play with your video games naman, o. I'll just show her mom to the house," sabi ni Miss Mandaue, nang mag-apply si inay bilang katulong sa bahay niya way way back. Hawak ako ni Miss Mandaue sa kamay at hinila ako sa sala ng malaking mansyon nila para ipakilala sa anak niyang naglalaro ng video games.
Iyon ang unang beses naming pagkikita ni Eugene. This is what happened.
Tumitig siya sa 'kin na tila naiinis habang may hawak na joystick. Bahagyang salubong ang maarko niyang kilay. Maamo ang mga mata niya pero matalim tumingin. Matangos ang ilong, namumula-mula ang mga labi. May madilaw na berdeng na uhog na sumisilip sa ilong.
"Upo ka sa tabi ni Eugene, Mariana," sabi ni Miss Mandaue, na nanay ni Eugene. "Anita, igala kita sa bahay." Sabi niya sa nanay ko. Nag-uusap ang dalawa habang paakyat sa malawak na hagdan ng mansyon.
Sumalampak ako sa sahig, sa tabi ni Eugene. Bumalik na si Eugene sa paglalaro ng Super Mario. Titig na titig sa TV. Sumisinghot. Salubong ang kilay. Sumisilip ang uhog, nawawala, sumisilip.
"Pahiram naman," sabi ko. Nag-beautiful eyes ako. Kirat ako, kaya kapag nagpacute ako, mukha raw akong nababahing na nakatapak ng thumb tacks.
"'Yoko nga," sabi niya.
"Sabi ng inay mo, pahiramin mo daw ako."
Di siya sumagot. Napapaangat pa ang puwit kapag nakakatapak ng goomba sa laro.
"Pahiram naman!" sabi ko, akmang aagawin ang joystick pero itinaas niya. Dahil dumukwang ako, magkalapit na ang mga mukha namin. Amoy marshmallow siya.
"Ayoko nga eh!" sabi niya. "Pahiran kita ng uhog!" Pinalaki niya butas ng ilong. Di lang uhog meron, nagkakaning kulangot din.
Atras ako. "Kadiri ka," sabi ko.
Suminghot lang siya. Tumingin uli sa TV. "Bakit kita pahihiramin? You're not my sister. Anak ka ng magiging maid namin."
Wala akong nasabi. Nang mga sandaling iyon, napatingin ako sa kanya. Ngiting-ngiti siya habang patuloy sa paglalaro ng video game. Halos labas ang dila, sasabitan na ng sumisilip na uhog. Hindi na niya ako pinapansin.
Paano ba yan.
Gusto ko talagang maglaro ng video game.
Kailangan kong gumawa ng paraan.
Kaya dahil di naman niya ako pinapansin, mabilis akong nakalabas ng bahay. Sa may garden nila, kung saan berdeng berde ang damo, may mga bulaklak sa paligid, may swing at maliit na slide. May treehouse. May mga puno. Walang tao.
Ngumiti ako, tapos ay humarap sa pader ng bahay nila. Huminga ako ng malalim, bago mabilis na tumakbo palapit sa pader. Ibinangga ko ang sarili ko. Tumama ang noo ko, at napaatras ako dahil sa impact. Alam ko na magkakaroon ako ng bukol.
Iginala ko ang paningin ko sa paligid. Nakakita ako ng isang bato. Pahaba at medyo matulis. Dinampot ko iyon, itinaas ng bahagya ang puting bestidang suot ko. Gumuhit ako ng mga galos sa binti ko. Madudugong galos. Pinukpok ko din ang buto ko sa tuhod. Dumugo. Ibinaba ko ang laylayan ng bestida, namarkahan yon ng dugo.
Ihinagis ko kung saan ang bato. Kinagat ko ang mga labi ko, umisip ng malulungkot na bagay. Mayamaya pa, luhaan na ako.
I was ready.
Bumalik ako sa loob ng mansyon. Saktong pagdating ko sa sala, pababa na rin sina Miss Mandaue kasama si inay.
Doon ako bumunghalit ng iyak.
"Anak, bakit?" sabi ni inay, lumapit sa 'kin. "O, ano'ng nangyari sa 'yo?" Lumuhod siya nang makita ang mga sugat ko. "Naglaro ka sa labas?"
"O-o-opo," sabi ko, pinanginig ang tinig. "Ayaw po ako ni Eugene paglaruin, eh." Tinuro ko si Eugene na natigilan na.
"Anak, hindi naman dapat--"
"Eugene is this true?" sabi ni Miss Mandaue sa anak, tumaas ang tinig. Namaywang na ang ginang, nanlilisik ang mata kay Eugene na may takot na sa mata at may uhog pa din.
"Mama, kasi--"
"S-sabi niya po di naman po niya ako s-sister. Anak lang daw po ako ng m-maid," sabi ko pa. Wala ng pakialam kahit natigilan ang nanay ko at halatang naawa sa akin at sa sarili.
"My god!" gigil na sabi ni Miss Mandaue. "Eugene, why did you say that?"
"Ma..." sabi ni Eugene, nabitawan ang joystick.
"Go to your room," sabi ni Miss Mandaue, gigil na gigil.
"Ma, sorry, 'wag mo kong paluin, ma..." sabi ni Eugene, umabot na hanggang sa baba ang uhog. "Magso-sorry ako sa kanya, ma."
"Go to your room. I will count to three..."
Tumakbo si Eugene patungo sa kuwarto niya, itinataas pa ang nahuhubong short.
Bumaling sa 'min si Miss Mandaue, nakangiti. "Sweetheart, you can play now," sabi niya sa 'kin, itinuro ang naiwang joystick. Tapos ay tumingin si Miss Mandaue sa 'kin. "Anita, sa banyo sa may kusina may first aid kit. Bantayan mo muna ang anak mo. Pupuntahan ko lang si Eugene."
Hindi makaupo si Eugene sa silya sa dami ng latay na natanggap niya sa mama niya. But I didn't care back then. I was smiling, habang yuko ang ulong nililinis ng mama ko ang mga sugat ko. Mabilis naman ang mga daliri ko sa pagpindot ng joystick. Nakuha ko ang gusto ko.
It was that moment I knew, I am going to do everything I can to get what I want.
And now, now that I am already a teenager... I only want one thing.
I want to go viral.
READING COMPREHENSION (CHOS!)
What can you say about Mariana? Is she going to be a likable character?

BINABASA MO ANG
Viral Famewhore
RomanceKung dati, ang pangarap ng mga kabataan... doktor, teacher, engineer... ngayon mas gusto naming maging vlogger. Maging sikat. Mag-viral. Anak ako ng maid, mahirap kami, pero may talent naman akong magsulat. Kailangan ko na lang gawin ang lahat para...