HINDI NAMAN PURO lang pag-aaral at debate ang buong buhay at pagkatao ni Aura. Gets ko naman na kung titignan siya sa malayo tila ibang-iba siya sa lahat dahil mukha siyang perpekto sa kahit ano'ng anggulo kaya ang normal na reaksyon ng mga tao ay dumistansya sa kanya. Pero hindi naman siya snob o mahirap maabot. May pagkashunga pa nga itong babaing 'to madalas. Kung kikilalanin siya, makikita mo'ng katulad din siya ng karamihan: may mga kinahihiligan, may mga kahinaan, may mga kinatatakutan at kinaaawayan, may mga masalimuot na kwento, at kung ano-ano pa.
Masugid siyang tagasubaybay ng Korean pop culture. Pwede mo siyang kausapin tungkol sa kilig scenes sa Crash Landing on You at sasabayan ka pa niya sa pagkanta ng mga awit ni IU kahit wala siya sa tono at kahit 'di niya naiintindihan ni isang salita. Tuwing Sabado pagkatapos ng klase, hindi mo 'yan maiistorbo sa panonood ng k-drama, minsan pa nga makakalimutan niyang kumain sa kakanood.
Mathematics ang lowest grade niya noong high school. Hindi siya athletic kaya ayaw niya ng physical activities. Takot siya sa heights at horror house at, simula noong napanood niya ang The Ring at nakita si Sadako na gumagapang papalabas ng balon, ayaw na niyang manood ng horror films.
Hindi lahat ng tao gusto siya. Hindi lahat ng nangyayari sa buhay niya ay kaaya-aya. Hindi siya basta-bastang nag-oopen up dahil hirap siyang magtiwala. At marami siyang sugat sa puso buhat pa noong mga bata kami...
Lawyer ang tatay ni Aura. Hindi lang basta-bastang abogado. Isa sa mga kasalukuyang nakaupong Justice sa Supreme Court. Siya ang pinakabatang associate justice na nailuklok sa Supreme Court. Bukod pa rito, nagsilbi rin itong dekano ng pinakamahusay na law school sa Pilipinas: kung saan namin kinukuha ni Aura ang Bachelor of Laws Degree namin. At, nagsulat ng sandamukal na mga aklat na ginagamit sa iba't ibang law school.
Ang tatay ni Aura ang nagpapaaral sa kanya, si Dean Rafael, pero walang nakakaalam nito pati na ng katotohanan na anak siya ng dating Dean.
Sa probinsiya namamalagi ang nanay ni Aura. Kung pwede lang, hindi niya iiwan si Tita Eloisa pero pursigido si Aura na mag-aral dito sa Maynila. Sikreto lang natin ha...may dalawang dahilan si Aura kung bakit dito niya gustong mag-aral. Una, gusto niyang mapalapit sa mga taong malapit sa Tatay niya. At pangalawa, gusto niyang maging mahusay na abogado para hindi siya ikahiya ng Tatay niya pagdating ng araw.
Kailangan niyang patunayan ang sarili niya araw-araw. Ang hirap kaya nu'n.
Kapag malungkot siya, pakainin mo siya ng ice cream at sasaya na siya. Kahit ano'ng ice cream! Dirty ice cream o ice cream na isang buwan nang nakaburo sa ref, hindi niya tatanggihan. Kapag nakakain siya ng ice cream, nakakalimutan na niya ang lahat ng problema sa mundo. Kahit Coronavirus hindi na mahalaga sa kanya basta may ice cream siya.
Nu'ng bagong salta kami dito sa Maynila, dalawang linggo pagluwas namin mula sa probinsiya, miss na miss ni Aura si Tita Eloisa pero hindi naman kami pwedeng umuwi dahil kasisimula pa lamang ng klase. Araw-araw ko siyang binibilhan ng ice cream galing sa mamang nakaistasyon na sorbetero sa tapat ng gate ng Unibersidad. (Nagkalat ang mga ice cream vendor dito sa Maynila. May naglalako ng dirty ice cream, may Melona ice cream sa mga Korean restaurant, may sundae, Cornetto, at Selecta ice creams sa 7-11, Ministop, Family Mart, mayroon ding sundae sa fast food chains tulad ng Jollibee at Mc Donald's. Samantalang sa probinsiya walang mabibiling ice cream kung hindi bababa sa bayan.) Kaya ice cream ang unang pagkain na naging paborito ni Aura dito sa Maynila.
BINABASA MO ANG
Ang Quasi Boyfriend
Teen FictionJiro has a secret that he wants to keep from everyone else: he is gay. But Ginger, his uber intelligent rival in school, uncovers it accidentally. To cover it up, he pretends to be a straight man and aims to make her fall in love with him. She plays...