Papalubog na ang silahis ng araw ng hapong iyon ang kulay kahel na mga ulap ay unti-unting nagiging abuhin. Nagbabadya ang malakas na pag-ulan. Ilang sandali pa ay nangitim ang kalangitan at bumugso ang malalaking tipak ng ulan.
Maaga silang nag hapunan ng gabing iyon sapagkat napakalamig ng panahon. Hindi rin inaasahang mawala ang kuryente ng gabing iyon kaya ginamit nila ang lumang lampara para mailawan ang buong kabahayan.Maagang nakatulog ang kanyang ina at pamangkin. Ang kanyang nakatatandang kapatid ay nagtatrabaho sa lungsod para masupurtahan ang pag aaral ng anak. Single mother ito at wala ng balak pang muling mag-asawa tila namuhi na sa mga lalaki.
Hindi siya dinadalaw ng antok kaya naisipan niyang basahin ang librong ibinigay ng tagabantay sa silid aklatan. Iyon na lamang ang pagtiya-tiyagaan niya hanggang sa dalawin ng antok. Gamit ang isang lumang gasera ay kinuha niya ang libro sa ilalim ng divider. Napamulagat siya ng simulang buksan iyon. Lumiliwanag ang libro at malinaw na malinaw niyang nababasa ang mga nakasulat, hindi katulad noon na kapag akma niyang babasahin ay hirap na hirap siyang titigan ang mga letra ng libro dahil sa sobrang kalumaan. Kunusot kusot niya ang mga mata. At sinabi sa sarili na ganon lamang iyon sapagkat nagkasundo marahil ang liwanag na nagmumula sa gasera kaya naging malinaw ang mga letra.
Walang tigil na nagpalipat-lipat sa mga suhay ng matayog at nagtataasang tuwid na mga kawayan si Ada. Walang ibang hangad ng mga sandaling iyon kung hindi ang makatakas sa mga humahabol sa kanya. Purong lupa ang kulay ng kanyang panlalaking kasuotan. Yakap yakap niya ang malaking tipak ng tinapay na kung tawagin ay tipa.
Nais lamang niyang bigyan ng makakain ang kanyang ina. Sakim ang mga namumuno sa kapitolyo kaya nagawa niyang magnakaw ng kapirasong tipa para sa inang nagugutom.Bigla siyang tumigil sa pagtakbo ng makitang napapaligiran siya ng mga kawal na mandirigma ng palasyong Lamara. Lakan ang mga tawag sa mga mandirigmang kawal ng palasyo. Magagaling ang mga ito sa pakikipaglaban kung kaya't hindi masakop sakop ng iba't-ibang kaharian ang kaharian ng Lamara.
"Wala ka ng matatakasan binibini kung kaya't sumuko ka na lamang at humarap sa hari para mabigyan ka ng karampatang kaparusahan sa iyong kapangahasan."
Napatingin siya sa nagsalita, nakikilala niya ito, ito ang pinunong mandirigma ng kahariang Lamara at hindi matatawaran ang galing nito sa pakikipagdigma. Noon pa man ay usap usapan na ang natatangi nitong kakisigan. Matangkad at napakakisig ng pangangatawan nito. Hindi maikakailang magandang uri ng lalaki ang pinunong mandirigma. Ngunit hindi sa itsura siya nito namangha kundi sa pagtawag nito sa kanya ng Binibini. Kailan man ay walang tunay na nakakakila sa kanyang kasarian kundi ang kanyang ina lamang. Namuhay siya sa katauhan ng isang binata, subalit paanong nabatid ng mandirigmang ito ang kanyang tunay na anyo?
"Wala akong kinuha ni ano paman!"
Napapiyok siya sa pagsisinungaling.
"Hindi mo maaaring ipagkaila sapagkat ang tipa ay naaamoy ko pa."
Napamulagat siya sa sinabi nito.
"Napakalakas ng iyong pang-amoy ginoo maihahalintulad ka sa isang mabangis na leopardo."
Nginisihan niya ito habang abala ang isip kung paanong matatakasan ang mga kawal.
"Tatanawin kong isa iyong papuri binibin..."
Hindi ito nakahuma ng pasabugin niya ang pulbos sa mga ito, dinurog na mga dahon ng ibat ibang halaman na may kemikal na nagbibigay ng pansamantalang pagkabulag. Kailangan niyang kumilos sapagkat ilang minuto lamang ang itatagal ng kanyang mga pulbos na kung tawagin ay tagabulag.
Muli siyang tumalon at nagpalipat-lipat sa mga suhay ng kawayan. Hindi niya matatawag na lambana ang sarili sapagkat wala siyang pakpak na makakatulong sa kanyang paglipad.
Nag-igtingan ang mga kamao ni Lakim ng unti-unting maglaho ang epekto ng kemikal na tagabulag. Mga natatanging salamangkero lamang ang nakaka alam ng mga pambihirang pulbos na iyon. At hindi siya makapaniwalang naisahan ng isang maliit na binibini na kung kumilos at manamit ay maihahaluntulad sa isang ginoo.
Akmang hahabulin ng mga kawal ang bigino ng pigilan niya ang mga ito. Bigino ang tawag niya sa mga binibini na kung umasta ay mga ginoo. Habol tanaw na lamang nila ang Bigino na nagpalipat lipat sa mga kawayanan. Ngunit isa lamang ang kanyang napansin. Walang pakpak ang Bigino at masasabi niyang mahusay ito sa pagtalon ng mataas na tila animo'y lumilipad.
"Nasisiguro kong isa siya sa uri ng mga mababang lambana."
Narinig niyang wika ng kasamahan na mandirigma. Kinukusot kusot pa nito ang mga mata ng mga sandaling iyon.
"Paano nyo maipapaliwanag ang mga pulbos na tagabulag? Tanging ang mga maalam na mga salamangkero lamang ang nakaka alam kung paano iyon gawin?"
Hindi rin makapaniwala ang isa.
"Tiyak na ninakaw niya iyon."
Napatango siya sa huling sinabi ng kasamahang mandirigma. Sa nakikita niya ay isang mahusay na magnanakaw ang Bigino.
"Mahuhuli rin natin sya. Sa ngayon ay patuloy nyong bantayan ang buong kaharian at tiyakin ang kaligtasan ng mga nasasakupan lalong lalo na ang mga maharlika."
Malakas na utos niya sa mga ito.
Nakangiting isinukbit ni Ada sa tuyong sanga na nakapaskil sa kanilang dampa ang telang tumatakip sa mahaba niyang buhok. Linapitan niya ang ina at inilahad dito ang malaking tipa. Sabik na kinuha nito ang tinapay hinati sa dalawa at ibinigay sa kanya ang isa.
"Ang paborito nating tipa."
Isinubo nito ang maliit na piraso.
"Napakasarap diba ina?"
Mabilis itong tumango
"Bukas ay bibili ulit ako, ilalako ko sa kalmiro ang karne ng mga usang mahuhuli ko sa pangangaso."
Kalmiro ang tawag nila sa lugar kung saan laganap ang kalakalan at bentahan ng iba't-ibang uri ng panindang kailangan ng mga lambana sa kanilang pang araw-araw.
Napayuko siya, ayaw niyang magsinungaling sa ina. Hindi siya nangangaso hindi niya maatim na patayin ang mga usang malayang namumuhay sa kagubatan. Sinubukan niyang magtinda ng mga kakaibang dahon sa kalmiro ngunit walang tumangkilik sa mga dahong itinitinda niya. Walang alam ang mga tao sa kalmiro na maaaring ipanlunas sa mga karamdaman ang mga dahong ilinalako niya. Hindi ito naniniwala sa kanya sapagkat hamak lamang siya at ang mga salamangkera lamang ang nakaka alam ng mga dahong panlunas sa mga karamdaman.At doon nagkakamali ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Mga Lambana Sa Gulod
FantasyBata pa lang ay sabik na sa pag-ibig si Ada, yong tipong nangangarap kahit nakadilat. Ambisyosa siya at kahit hindi naman mukhang Diyosa ay nangangarap ng isang makisig na prinsepe. Ayaw niya ng basta-bastang lalaki. Mataas nga ang standard akala mo...