CHAPTER 11 : Burgers and Buns

150 35 11
                                    

ALLEN

“Allen?!” dinig kong pag-awit ni Hans sa aking pangalan mula sa labas ng apartment. Nag-aayos ako ng aking damitan nang narinig kong kusa na niyang binuksan ang screen door at pumasok.

Tumalikod ako upang harapin siya. I gently smiled giving him a questioning look. Mula sa kaniyang mga mata, alam kong may problema na naman siyang dinadala.

Hindi siya umimik bagkus ay tumakbo siya papalapit sa ‘kin at sinugod ako ng isang mahigpit na yakap. Nanigas ako sa aking posisyon dahil sa gulat. Hindi ko pa nararanasang maging ganito si Hans.

Inihaplos ko ang isang kamay sa kaniyang likod at hinagod-hagod ito. Dahan-dahang pagtapik naman ang ginawa ko sa kaniyang ulo na minsa’y sinasabayan ng malambing na paghaplos sa kaniyang buhok. Sa bawat hagod ko’y nararamdaman ko ang unti-unti niyang paghikbi.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko, Allen,” hagulgol niya. “Hindi ko alam kung sino ako. Kung ano ba ang gusto ko. Kung saan ba ako pupunta. Gulong-gulo na ako sa sarili ko, Allen.” Ramdam ko ang unti-unting pagkabasa ng aking damit bunga ng kaniyang pagluha.

Pilit ko siyang pinatatahan ngunit tuloy lang siya sa kaniyang pagsusumamo. “Hans, nandito lang ako,” bulong ko sa kaniya.

Bahagya siyang tumigil at kumalas mula sa pagkakayakap. Tumingala siya sa akin, mugto ang mga mata at basang-basa ang mukha dahil sa naghalong pawis at luha. Pinahid ko ito gamit ang magkabilang hinlalaki ngunit pinigil niya ako sa pamamagitan nang mahigpit na paghawak sa aking mga kamay.

“Buti nga nandito ka pa, Allen,” mahina’t nanghihina niyang bulong. “Ikaw na lang ang pahinga ko sa mundong ‘to.”

Umawang ang aking mga labi kasabay ng pag-iinit ng aking mga pisngi. Bumilis ang pagpintig ng aking puso na tila sasabog sa hindi maintindihang pakiramdam.

Hindi pa ako nakakain ng paruparo ngunit bakit parang ang dami nito sa tiyan ko?

Ipinulupot ni Hans ang kaniyang mga kamay sa aking batok dahilan upang makapa ko ang kaniyang baywang.

“Ang suwerte ko at nakilala kita,” bulong niya na siyang kumiliti sa buo kong sistema. Muli niya akong niyakap kasabay ng muli niyang pagsubsob ng mukha sa aking dibdib.

Labis kong ‘di mawari ang nadarama ngunit ang alam ko, sa mga sandaling iyon, labis akong sumaya.

∞∞∞∞∞

Idiniretso ko sa lababo ang kutsarita matapos kong magtimpla ng hot chocolate para sa aming dalawa ni Hans upang pakalmahin ang aming mga sarili. Nakaupo siya ngayon sa aking kama habang pinaglalaruan ang kaniyang mga daliri.

“Oh,” imik ko habang iniaabot ang tasa ng kaniyang inumin. Umismid siya at saka ito tinanggap. Naupo ako sa kaniyang tabi upang aluin siya tungkol sa nangyari.

Naikuwento niyang na-bully siya at si Ielle nina Gerald at Danzel. Hindi pa raw ito natapos dahil maging si Andrei ay nakisawsaw na rin. Kinutya raw ni Andrei si Ielle bilang walang alam, linta kay Anthony, at pabuhat lang para sa mga nakararami samantalang tinawag daw nitong baklang pabuhat at pasubo si Hans.

Maging ako ay nasasaktan dahil isa pala ako sa mga dahilan kung bakit sila kinakaaway ng gano’n. Kesyo masyado ko raw sinasanggol si Ielle at masyado raw kaming naglalandian ni Hans. Higit sa lahat, lubos akong nasaktan sa katotohanang pare-pareho ko silang malalapit na kaibigan. Hindi ko inaasahang may ganitong mangyayari paglipas ng mga buwan.

Halos kasingsahol na rin ng naging atraso at pagtrato sa ‘kin ni Demi ang nangyari. History repeats itself.

Nababakas pa rin sa mga mata ni Hans ang pagkalungkot at ang hinanakit. Marami nang hidwaan ukol sa iba’t ibang relasyon ang naranasan nito kaya hindi nakapagtatakang nasasanay siyang maapi.

Daylio: How Are You? (LGBTQ+) [Published as "Dayloh" under Paperink Publishing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon