Chapter 9

2.9K 104 1
                                    


HUMINTO si Chloe sa paglakad patungo sa entrada ng gusaling pinagtatrabahuhan ni Ruan bilang isang design director. Nasabi nito sa kanya ang pangalan ng kompanyang iyon at lugar na kinaroroonan niyon noong nasa isla sila kaya nagtungo siya roon upang makita ito. Kaya lamang ay napatigil siya nang may maisip.

Ano ba ang ginagawa niya sa lugar na iyon? Bakit ba niya kailangang makausap si Ruan? Pumunta ba siya roon upang sabihin na wala na sila ni Tom at puwede na sila? She must be nuts. May nobya si Ruan! Hindi niya kayang manggulo ng isang relasyon para lamang lumigaya siya.

Tumalikod na siya at bumalik sa sasakyang ipinarada sa parking space. Bago pa niya maisara ang pinto ng kanyang kotse ay nakita niya si Tarrah na nakatayo sa harap ng kotse niya.

"Chloe, what are you doing here?" tanong nito na na may pagdududa sa paraan ng pagtingin sa kanya.

Muli siyang lumabas sa kotse. "Well... I was about to go to their warehouse. Gusto ko kasing bumili ng motorbike. Pero nagbago ang isip ko. Sa ibang araw na lang ako tutuloy." Gusto niyang sipain ang sarili niya sa naisip niyang idahilan.

"Motorbike? Ikaw?" eksaheradong bulalas nito.

Ngumiti siya. "Why not?"

Hindi nawala ang pagdududa sa mukha nito. "Anyway, I heard your breakup with my brother. I'm so sorry about that." Mukhang wala naman sa hitsura nito na sorry ito.

"Well..." Magkibit-balikat na lang siya dahil hindi niya alam ang sasabihin.

"Pero kahit break na kayo ni Kuya, gusto pa rin kitang i-invite sa wedding ko sa October. That's two months from now," maarteng sabi nito.

Natigilan siya. "Wedding? Ikakasal ka?"

"Yes." Ngumiti ito. "Kami ni Ruan."

Parang may biglang sumuntok sa dibdib niya sa sinabi nito. Ikakasal na si Ruan!

"I will just send you the invitation when it's done already. Busy nga kami ngayon sa pagpaplano ng wedding, eh. Sayang, if you and my brother are still together, isasama sana kita sa entourage." Pumalatak pa ito na tila ba nang-iinis pa. "Anyway, I got to go now. Hinihintay na ako ng baby ko. Bye!" At tumalikod na ito.

Itinuloy niya ang pagpasok sa kotse ngunit hindi kaagad niya binuhay ang motor niyon. Para siyang nanlalata. Tila mas masakit pa ang nalaman niya ngayon kaysa sa nalaman niya four days ago sa pad ni Tom.


MAY USAPAN sina Chloe at Adrianne na magkikita sa Greenbelt 5 ngunit wala pa ito. Kaya napagpasyahan muna niyang maglibot. Natigilan siya nang makita si Ruan na lumabas mula sa isang Japanese restaurant kasama ang dalawang hapon na kapwa naka-business suit. Saglit ring napahinto ito nang makita siya.

Alanganin ang ngiting ibinigay niya rito. Bahagyang ngumiti ito at binalingan ang mga kasama. Niponggo ang salitang ginamit nito sa mga kasama. Nauna nang maglakad ang mga kasama nito at naiwan ito. Lumapit ito sa kanya.

"Hi," bati nito.

"Hi," ganting-bati niya.

"How are you?"

"I'm... I'm fine." No, she was not. Nang malaman niya na ikakasal na ito ay lalo siyang nalugmok sa sama ng loob. Ngayong nakita niyang muli ito ay lalo siyang nanghinayang na kahit kailan ay hindi na magkakaroon pa ng pag-asang mapasakanya ito. "Ikaw?"

"I'm good. Are you with someone?"

"Si Adrianne, 'yong best friend ko since college. Kung naalala mo pa siya. Magkikita kami ngayon rito. Sasamahan niya akong mamili ng bagong decorations para sa flower shop namin."

"I see. You look pale. At saka parang nangayayat ka. Talaga bang okay ka lang?"

"I'm okay. Talaga lang nagda-diet ako," sabi na lang niya ngunit ang totoo ay hindi siya gaanong nagkakain dahil lately ay wala siyang ganang kumain dahil sa depression. "By the way, congrats, ha."

"Saan?" kunut-noong tanong nito.

"Alam mo na iyon." Hindi kasi niya mabigkas ang salitang kasal.

"Ahh... alam mo pala 'yon. Sinong nagsabi sa 'yo?"

"Si Tarrah. Congratulations."

"Thank you," nakangiting sabi nito. Mukhang balewala na talaga rito ang mga nangyari sa isla. Mukhang ready na talaga itong ikasal kay Tarrah. "By the way, I haven't talked with Tom lately. How is he?"

Hindi kaagad siya nakatugon. Kung ganoon ay hindi pa pala nito alam na wala na sila ni Tom. Hindi man lang ba nabanggit ni Tarrah rito ang tungkol doon? Wala na rin namang saysay kahit malaman pa nito iyon. Ikakasal na ito.

"He's fine," sabi na lang niya. Ayaw na niyang sabihin dito ang paghihiwalay nila ni Tom dahil baka kaawaan lang siya nito kapag nalaman nito kung bakit sila naghiwalay ng dating nobyo. Hahayaan na lamang niyang malaman nito sa iba ang totoo.

Tumangu-tango ito.

Narinig niya ang pagtawag ni Adrianne sa pangalan niya. Nagpaalam na siya kay Ruan.

"Take care," he said before he walked away.

Pinanood niya ang paglayo nito. Iyon na siguro ang huling pagkakataong makikita niya ito na binata pa ito. Sana puwede pa niyang sabihin rito na mahal niya ito. Ngunit huli na ang lahat. Ikakasal na ito at kung gagawin niya iyon ay baka mapahiya lang siya. Walang kahihinatnan kahit malaman nito ang tunay na damdamin niya.

May iniabot sa kanya si Adrianne. "O."

Panyo iyon. She took it when tears started to pool in her eyes. 

Chloe, The Idealistic Chick (St. Catherine University Series #7) [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon