Balisa ang mag-asawang Norma at Samuel. Hindi pa kasi nakakabalik ang binata nilang anak. Ito lang ang nag-iisang anak ng mag-asawa. Nagpaalam ito sa kanila kaninang umaga na may pupuntahan lang sa kabilang sitio at hanggang ngayong alas singko na ng hapon ay hindi pa rin ito nakakabalik.
"Sundan mo na kaya sa kabilang sitio, Samuel. Ako'y di napapanatag sa isiping wala pa rito ang ating anak." Suhesyon ng babae sa asawang balisang tinatali ng tuyong hibla ng abaka ang tuyong dahon ng niyog.
"Ako'y pupunta na. Hala pumaroon ka na sa kusina. Kunin mo iyong posporo." Utos naman ng lalaki. Agad na pumunta ang babae sa kusina at kinuha ang pansindi.
Sinindihan ng lalaki ang tuyong dahon ng niyog. Ito ang gagawin niyang pang-ilaw sa daan. Hindi kasi uso sa kanila ang flashlight. Walang kuryente ang iilang bahay na nakatirik sa sitio nila. Malayo ito sa karangyaang meron ang bayan nila. Kung baga malayo ang sitio nila sa sibilisasyon.
"Mag-iingat ka huh. Umuwi kayo kaagad pagnakita mo." Tugon ng babae. Lumabas si Mang Samuel sa bahay nila. Nagsimula na siyang maglakad paalis bitbit ang sinindihang tuyong dahon ng niyog.
Nakadungaw sa kanilang bintana si Aling Norma habang tinitingnan ang papalayong bulto ng asawa. Malamig na ang ihip ng hangin. Nakakadagdag ito sa pagtaas ng mga balahibo ng babae.
Sinarahan niya ang bintana ng kanilang bahay at naglakad papuntang kusina. Maghahanda na sya ng kanilang hapunan. Iluluto niya ang paboritong putahe ng anak.
Masarap ang kain nito kapag tinolang manok ang kanilang ulam. Panlabing walong taong gulang na ngayon ng binata nyang si Salde. Kaarawan nito ngayon kaya naisipan niyang katayin ang inahin nilang manok at ihanda para rito.
Nagdidilim na ang paningin ng binata. Dumodoble ang mga nakikita nya sa paligid dahil sa bigat ng kanyang ulo. Tatlong bote ng Blue Label ang naubos nilang magbabarkada.
Minabuti nya pa ring lakarin ang madilim na daan. Tanging silaw ng isang lighter ang nagsisilbing ilaw nya sa daan. Pinahiram ito ni Babi sa kanya. Si Babi ang isa sa mga barkada niya at pinsan niya ito mula sa pamilya ng kanyang ina.
Natigilan sya sa paglalakad ng makita sa di kalayuan ang bulto ng isang babae. Sa tantya nya kasing edad ito ng Inang Norma nya.
Kaya naman agad nyang ikinaway ang kaliwang kamay upang makita sya nito. Dahil siguro sa tulak ng alak kaya biglang humilab ang tyan nya. Lumapit sya sa isang puno at doon sumuka.
Nalalasan nya pa ang sabaw ng adobong manok na naging pulutan nilang magbabarkada sa kanilang inuman. Agad nyang pinunasan ang bibig at tumayo. Bumaling sya sa daan. Nagbabakasaling nakalapit na ang babae.
Ngunit hindi niya ito nakita. Kumurap pa sya ng dalawang beses iniisip na baka nadadala lang sya sa sobrang kalasingan.
O baka naman nagmamalik-mata lang ako, anang isip ng binata.
Kung kaya't pinagpatuloy nya ang paglalakad. Pasuray suray pa sya sa daan. Mga ilang hakbang palang ang nagagawa niya ng makita na naman nya uli ang bulto ng babae. Ngunit ang mas nagpagising sa kanyang lasing na isipan ng makitang may bitbit ang babae.
Kung hindi sya nagkakamali, isa iyong duguang pusa. Kitang kita niya ang pagtulo ng dugo nito sa lupa. Laslas ang leeg nito. Nakalaylay na sa lupa ang mahahabang bituka ng pusa. Kung paano nya nakikita ng malinaw ito, iyon ay dahil bitbit sa kanang kamay ng babae ang isang gasera. Maliwanag ang sakop ng silaw nito.
Nanlambot ang tuhod ng binata. Hindi dahil takot sya sa patay na pusa kundi dahil nakakatakot ang mukha ng babae.
Naglakad ito papalapit sa kanya. Napahakbang sya paatras. Kinabahan siya.
Naalala nya bigla ang mga kwento tungkol sa mga multo at aswang.
Ngunit multo o aswang nga ba ang kaharap niya?
Nawala bigla ang kalasingan nya. Damang dama niya ang pagtulo ng pawis mula sa kanyang sintido.
Ilang hakbang nalang ang layo nito sa kanya ng biglang may matigas na bagay ang ipinalo sa likod nya.
Naramdaman nya ang pagtulo ng dugo sa bandang tenga nya. Tumama kasi ito sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo.May tao sa likod nya. Malakas ang pagkapalo nito sa kanya.
Bago nagdilim ang kanyang paningin nakita nya ng malapitan ang bulto ng babaeng sinasabi nya.
"S-Sally...?"
BINABASA MO ANG
Casa del Sorro (Fox Hunt)
Mystery / ThrillerSYNOPSIS: May ilang mga bagay sa mundo na hindi kayang makita ng mga ordinaryong tao lamang. Hindi dahil sa kapos sila sa kakayahan kundi dahil sa hindi angkop ang oras para makita nila ito. May tatlong Sitio sa isang bayan ang nababalitang may kaba...