~~~~~
Tuwing hapon ay umaalis si tatay para mangisda. Hindi naman kalayuan sa amin ang ilog na kanyang pinupuntahan pero kahit gustuhin naming sumama sa kanya para tumulong ay hindi ito pumapayag bukod sa gabi na ito umuuwi ay lagi daw may kinukuhang bata na hindi na nakikita pa ang katawan sa ilog na iyon. Ang sabi pa ng mga matatanda ay wala daw pinipiling oras mapaumaga man o gabi ay basta nalang naglalaho ang mga bata. Kaya naman hindi na kami nagpupumilit pa sa takot.
Buntis si nanay at pinaglilihian nito ang hipon kaya naman madalas hipon ang ulam namin ngayon. Kaya rin napapadalas ang pagalis ni tatay paghapon. Sa gabi kasi magandang manghuli nito lalo na pagbilog ang buwan.
Isang gabi ay umuwi si tatay na basa ang katawan at walang dalang hipon maski isda. Iyon daw ay dahil sa mayroon na namang hindi magandang nangyari sa kanya. Ikinuwento niya sa amin ang nangyari.
________________________________________________________________________________
Habang nakasakay ang tatay sa bangka para mangsudsud, sa may kalayuan ay nanghuli muna sya ng maliliit na isda para ipangpain . Hindi pangkaraniwan ang ilog na iyon dahil sobrang lawak isa pa ay kadugtong na ito ng dagat. Sa paligid ay may mga punong kahoy na ang iba ay nasa ilog na mismo. Madilim at nakabibingi ang katahimikan ng mga oras na iyon, dahil hindi pa dumadating ang mga mangingisda na kadalasang kasama ni tatay dito.
Nanghuhuli si tatay ng isda ng may nakita siyang ultimong nakahiga na malaking kalabaw sa ilalim ng ilog. Nagtataka man ay dahan dahan syang tumalon para lapitan ito, bumaba sya ng bangka at sinilip ito sa ilalim. Ngunit hindi pala ito isang kalabaw kundi dambuhalang ahas na nakapulupot sa isang malaking bato. Sa takot ay dali dali siyang umakyat sa kanyang bangka at nagsimula ng magsagwan pauwi.
Patuloy lang syang nagsasagwan ng may narinig syang nagsisiyahan buong akala nya ay mga mangingisda din ito ngunit iba ang nakita niya. Mayroong gintong barko sa hindi kalayuan sa kanya. Bagamat alam nya na hindi sya nakikita nito ay tumalon sya ng bangka at sumisid papunta sa punong kahoy na malapit sa kanya at doon nagtago.
Kitang kita nya ang kintab ng gintong barko, sa paligid nito ay may mga tao na tila nagsasaya sa loob nito, naririnig niya ang maingay na tugtugin mula dito gayun din ang sigawan ng mga tao. Hindi niya nakikita ang mga mukha nito kahit pa papalapit ito ng papalapit sa kaniya. Hindi na niya malaman ang gagawin dahil baka makita sya nito at kung anong mangyari sa kanya ng bigla itong lumubog. Naghintay muna sya saglit at baka bumalik ito ngunit hindi na ito lumutang pa doon lang siya dali daling bumalik sa bangka.
Sa pangpang ay nakita nya ang mga kapwa mangingisda na naghahanda ng pumalaot. Agad nyang pinigilan ang mga ito at ikinuwento ang nangyari. Ang sabi sa kanya ng pinakamatanda ay mayroon daw talagang malaking ahas don galing daw yun sa dagat. Pero bihira lang daw yun magpunta sa ilog. Sa ilalaim daw ng punong kahoy sa may ugat nito ay mayroong butas na hinaharangan ng bato. Ang sabi daan daw yun papunta sa dagat. Mayroon daw alimango na nginangatngat ang ugat nito para makapunta sa dagat. Sa laki ng ugat ay hindi nito maputol putol iyon kaya naman kapag napagod ito ay umaalis ito at pagbalik nito ay tumubo na ulit pabalik ang ugat.
Ang sabi yung gintong barko daw ay pagmamayari ng mga elementong hindi natin nakikita. Mayroon pang kwento kwento na doon daw isinasakay ang mga batang nawawala.
~~~~~