Uuwe si Nanay Linda ngayon sa probinsya dahil namatay ang kapatid nya na nanatiling naninarahan doon, sinubukan namin syang pigilan dahil narin sa kanyang ikinuwento sa amin noon. Dahi tiyak naman kaming maiintindihan ng mga kapatid nya na nagiingat lamang kami. Mabuti na lamang ay pumayag ito na huwag na lamang tumuloy.
~~~
"Uuwe muna ako sa amin sa bisaya kung ganon!"
"Susunod na lang ako, pero baka matagalan ako. Kailangan ko lang ayusin ang titirahan natin pagbalik."
Galing Maynila ay umuwe ako ng bisaya para doon panandaliang tumira, dahil ang bahay na tinutuluyan namin ng asawa ko sa Valenzuela ay nademolish. Mas maayos kung sa bisaya muna ako maninirahan kahit hanggang manganak lang ako. Sariwa ang hangin dito at maraming masusustansyang pagkain.
Ilang araw na rin ang nakalipas na nandito ako sa amin. Bago umalis si nanay at tatay ay lagi nila akong pinagsasabihan na huwag ako pumunta sa bukid dahil buntis ako at ngangayon na lang ulit ako bumalik doon. Ngunit sinuway ko iyon, dahil wala na kaming tubig na maiinom. Ayaw ko namang hintayin pa si nanay na kumuha mismo sa bukal dahil tiyak na pagod ito at may kalayuan pa ang bukal na pinagkukuhanan namin.
Malakas ang ihip ng hangin ngunit hindi ko ito ininda at nagpatuloy sa paglalakad ng marating ko ang may kasikipang kweba na mayroong mga punong tila yumayakap dito. Maputik at madulas ang daan dahil bukod sa mga tuyong dahon na nakakalat sa daan ay umaagos ang tubig galing sa bukal. Kaya naman dahan dahan akong naglakad papasok sa kweba. Nasa gitna na ako ng biglang nagtayuan ang balahibo ko. Pakiramdam ko'y maraming nakatingin sa akin, kasaba'y non ay ang paghuni at pagbulong na hindi ko maintindihan. Ngunit nagpatuloy parin ako papasok, pagdating sa dulo ay nagmamadali akong kumuha ng tubig at nagtatatakbong umuwi.
Pagkauwe ay nilagay ko sa banga ang tubig at pumunta na ako sa terrace ng aming bahay para hintayin si nanay ng makaramdam ako ng sobrang sakit ng ulo. Kaya naman pumasok na ako sa kwarto ko at nagtalukbong. Nilalamig ako at pinagpapawisan ng malamig. Hindi ko namalayan na pumasok na pala si nanay sa loob.
"Nilalagnat ka, saan ka nanggaling?" nagaalalang sabi nito habang sinasalat ang noo ko.
"Kumuha po ako ng tubig sa bukid dahil wala na tayong inumin, gabi na."
"Sinabi kona sayo na huwag kang pumunta sa bukid at maraming kababalaghan na hindi natin nakikita! Tumuloy ka padin alam mo namang buntis ka!" galit na sabi nito.
Lumalalim ang gabi ay lumalala din ang lagnat ko. Pinaiinom ako ng nanay ko ng gamot ngunit hindi bumababa ang lagnat ko sa halip ay mas lumalala pa ito. Napansin ito ni nanay kaya naman tumawag na ito ng albolaryo kaya lamang ay kailangan itong sunduin ngunit wala pa ang tatay, ayaw naman akong iwanan ni nanay kasama ang mga tulog ko ng mga kapatid. Hindi ako makatulog dahil tuwing pumipikit ako ay may nakikita akong sobrang pangit na lalaking nakaputi. Parisukat ang hugis ng sobrang puti nitong mukha at mistulang luluwa sa laki ang mga mata. Malaki at pango ang ilong nito at ang labi nito ay sobrang itim. Ang katawan nito ay sobrang mataba at pandak. Tuwing nakikita ko iyon ay lagi akong napapasigaw sa takot at dahil don ay ayaw ko ng matulog.
Dahil nakabukas ang pinto ng kwarto ko ay nakita ni nanay na pumasok si tatay at agad na sinabi dito na sunduin ang albolaryo. Ngunit nagpatuloy lang ito sa paglalakad patungo sa kusina kaya naman sinundan na ito ni nanay. Nang umalis si nanay sa kwarto ko ay biglang humangin ng malakas kahit na hindi naman nakabukas ang bintana. Nagtayuan lahat ng balahibo ko ng matumba ang litrato ko kasama ang asawa ko. Bumalik si nanay ng namumutla, tinanong ko kung anong nangyari ngunit umiling lamang ito.
Dalawang oras ang nakalipas ay dumating ulit si tatay akala ko ay kasama na nito ang albolaryo ngunit mag-isa lang ito.
"Nasaan ang albolaryo? Kanina ay tinatawag kita ngunit hindi mo ako pinapansin. Sinundan kita sa kusina ngunit nakaalis kana." agad na sabi ni nanay pagkakita dito.
"Ano? E ngayon nga lang ako dumating! Anong sinasabi mong nandito na ako kanina." naguguluhang turan nito.
"Di balena't sunduin mo na lang ang albolaryo ngayon, nilalagnat si Linda pinainom ko ng gamot ay mas tumataas ang lagnat."
Agad na sinundo ng tatay ang albolaryo para tignan ako. Pagdating nito ay pinulsuhan ako at sinabing hindi ito pangkaraniwang lagnat, na namatanda daw ako sa bukid.
"M-may nagkagusto sa kanyang engkanto."
Binigyan nya ako ng halamang gamot na nakalagay sa baso. Pinayuhan na huwag ng bumalik pang muli sa bukid. Pagkatapos ay umalis na ito. Nang hinatid ni nanay at tatay si Mang Kanor sa labas ng bahay ay sinabi nila saking may nakita silang lalaking nakaputi na agad na nagtago sa likod ng puno ng langka ng malingunan nila. Hindi raw nila naaninagan ang itsura nito.
Isang buwan na ang nakalipas ay hindi parin ako gumagaling, laging masakit ang ulo ko at dahil don ay nanlagas ang buhok ko. Ang mga kamay at paa ko ay wala ng pakiramdam, na kahit siguro putulin ay hindi ako masasaktan. Wala akong ibang maaring inumin na gamot maliban sa sabaw ng halamang gamot na nakababad sa tubig. Sinubukan akong dalhin sa ospital ngunit hindi pa rin ako gumagaling sa halip ay mas lumalala lang ako. Madalas na makita ng mga magulang ko ganon na din ng mga kapatid ko ang lalaking nakaputi, kasabay ng pagkakakita nila doon ay hinihimatay ako.
Natatakot na ang magulang ko para sa bata sa sinapupunan ko. Kaya naman tinawagan na nito ang asawa ko para sunduin ako at doon na lamang magpagaling. Nasa tingin ko ay epektibo dahil gumaling naman ako pagkapanganak ko. Simula noon ay hindi na ako pinauwe ng nanay ko sa bisaya.
~~~
Isa ito sa mga dahilan na kahit gustohin naming magbakasyon sa probinsya nina Nanay Linda ay hindi kami makapunta.