COUNTER PLAY
Chapter 10
Kung noong mga nakaraang araw ay panay ang titig sa kanya ni Hannah maski hindi ito umiimik, ngayon ay kabaliktaran. Hinding hindi naman siya nito tinitingnan. Kinakausap siya nito pero hindi tumitingin sa kanya.
Ngayon ay pinapanuod niya ito habang pinapaliguan si TJ.
“Ako ma magbibihis kay TJ.” Sabi niya nang buhatin ni Hannah ang anak nila at balutan ng towel.
“Okay. Pakilagyan ng cream yung binti ni TJ, may insect bite siya.” Bilin nito sa kanya at iniabot na sa kanya si TJ.
“Okay, nasaan ang cream?”
“Nasa drawer lang.” Sagot nito. “Bihisan mo siya agad, lalabas lang ako saglit.”
“Saan ka pupunta? Gusto mo samahan ka na namin?” Tanong niya rito.
“Hindi na, d’yan lang ako sa kapitbahay, kay Mrs. Martinez. Nakikisuyo kasi na tingnan ko ang apo niya.”
“Okay.” Sagot niya. Nasa kwarto na silang tatlo. Siya para bihisan si TJ habang si Hannah naman ay kinuha ang bag na dinadala nito sa tuwing papasok sa trabaho.
“I’ll be right back.” Si Hannah at pumisil ng marahan sa pisngi ni TJ bago lumabas. Kasunod na narinig niya ang pagbukas -sara ng front door.
“Now, bihisan na raw kita at lagyan ng cream. Anong kumagat sa binti mo?” Tanong niya sa anak na inihiga niya sa gitna ng malaking kama. Sinipat niya ang binti nito at may malaking pantal ito roon. Nilagyan niya ng diaper ang anak at isinuot niya rin dito ang pang itaas na inihanda ni Hannah.
“Dapat ay kinagat mo rin ang kumagat sa’yo. Ang kaso ay wala ka pang ngipin.” Sabi niya pa sa anak na nasa ere na ang dalawang paa at tila ba sinisipa siya. Ngumiti siya rito at hinalikan ang dalawang munting paa nito.
“Aling drawer kaya ang sinasabi ng magandang Nanay mo?”
Binuksan niya ang unang drawer sa bed side table pero wala roon ang cream, natawa pa siya dahil bukod sa charger ng cellphone ang nakita niya sa loob ay naroon din ang ilang historical romance na mga libro ni Hannah.
“Anak, h’wag kang malikot, titingnan ko lang iyong isa pang drawer.” Saad niya sa anak na nakatingin lang sa kanya. Tinungo niya ang dresser na malapit lang din sa kama at binuksan ang unang drawer. Parang may bumundol sa dibdib niya at bumikig sa lalamunan niya.
May dalawang maliit na kahon doon. Kinuha niya iyon at binuksan, tulad ng inaasahan niya ay naroon sa loob ang singsing na ibinigay niya rito. Ang wedding ring nila at ang engagement ring na galing sa kanya.
Napatingin siya sa sariling daliri. Ang sa kanya ay itinapon niya sa gitna ng dagat sa paniniwalang pinagtataksilan siya ni Hannah. Pero heto si Hannah at itinatago pa rin ang mga singsing kahit pa ba labis niya itong napasakitan.
Naramdaman niya ang paghapdi ng mga mata niya pero huminga siya ng malalim upang pigilan ang emosyon niya.
Kulang pa, kulang na kulang pa ang panunuyo niya rito. Kailangan pa niyang husayan at patunayan dito na nararapat siyang bigyan ng isa pang pagkakataon.
Gumawa ng ingay si Jabril kaya’t ibinalik niya sa drawer ang dalawang kahita.
“’Nak, saang drawer kaya nakalagay ang cream na sinasabi ng Nanay mo?” Tanong niya at binuhat si Jabril. Hinalikan niya ang sintido nito at hinanap ang cream na nasa drawer lang pala kung saan nakalagay ang mga damit ni TJ.
-
“Hannah?” Tawag niya nang dumating ito. Dumeretso naman ito sa kusina at naghugas ng kamay.