1- Andrew
HINDI mag kamayaw ang mga bisita sa malaking hardin sa mansion ng mga Ortega.
Halos lahat ng kilalang mga pulitiko sa bansa ay naimbita sa isang mahalagang okasyong iyon ng pamilya.
Kasal ng panganay na anak ng mag asawang Ortega.
Si Raven Ortega. Isang sikat na businessman at nag iisang tagapamahala ng kumpanya ng mga Ortega.
Ang kanyang napang-asawang si Nica Corpuz. Ay mula naman sa isang simpleng pamilya ng mga magsasaka sa hacienda Ortega.
Minahal nila ang isa't isa sa kabila ng magkalayo nilang estado. Marami mang pinag daanang hirap at balakid sa kanilang pagmamahalan. Pero sa huli nagwagi pa rin ang pag-ibig na bumuklod sa kanilang pag iisa.
"Masaya ka ba, Nic?"
Ngumiti si Nica sa asawa bago naglalambing na yumakap rito.
"Sobra! Sana wala ng humadlang pa sa pagmamahalan natin?" Naramdaman ni Nica ang mainit na labi ni Raven sa ulo niya.
"Wala kang dapat ipag-alala, sweetheart. Hindi na ako papayag na may humadlang pa sa'tin."
Napangiti si Nica sa sinabi ng kanyang asawa. Mahigpit niya itong niyakap.
Pero ang sayang nararamdaman niya ay panandaliang naglaho nang matanaw ng mga mata niya ang isang pamilyar na pigura.
Andrew?
Pakiramdam ni Nica, para siyang nasa isang bangin at malapit ng mahulog.
Hindi niya gusto ang matiim na titig ni Andrew sa direksiyon niya.Lalo na sa gawi ng kanyang asawa na kasalukuyan pa ding nakayakap sa kanya. Kinabahan siya bago saglit na nag angat ng tingin kay Raven.
Nakangiti ito habang nakatingin sa gawi ng kanilang mga bisita na kapwa nagkakasayahan.
"Ahm...sweetheart magsi-cr lang ako saglit." May pag aatubili sa kanyang tinig. Mabuti na lamang at hindi iyon nahalata ng kanyang asawa.
Tumingin ito sa kanya at nakangiting tumango. Nakahinga pa siya ng maluwag dahil sa pagpayag nito.
Nang makalayo na si Nica sa tabi ng kanyang asawa. Saka siya lumihis upang lumabas ng hardin. Hindi na siya nagulat ng may humila sa kamay niya.
"Nica.."
Mahigpit na niyakap ni Andrew si Nica. Nagulat ito kaya mabilis na dumistansya. Nag aalala na baka may ibang taong makakita sa tagpong iyon.
"Andrew? Anong ginagawa mo dito? Hindi ka dapat naririto. Alam mong selebrasyon ngayon ng kasal namin ni Raven," usisa nito sa binata. Puno ng pangamba.
Ngunit sa halip na sumagot. Muling kinabig ni Andrew si Nica. Mas humigpit ang yakap nito sa babaeng minamahal. Ipinapadama sa yakap ang walang humpay na pangungulila.
"Nica, mahal na mahal kita..sana mapagbigyan mo ako. Please...kailangan kita hindi na ako magtatagal."
Pilit humiwalay si Nica sa pagkakayakap ni Andrew. Puno ng pagtataka ang mga mata nito.
"A-anong ibig mong sabihin?"
Matagal bago ito sumagot. Malalim na paghinga ang sunod-sunod nitong pinakawalan bago malungkot na tumingin kay Nica.
"May taning na ang buhay ko. May brain cancer ako Nica, at i-isang buwan na lang ang itatagal ng buhay ko. Alam kong kalabisan ang hihilingin ko dahil may asawa kana. P-pero sana, sana mapagbigyan mo ako na makasama ka sa huling sandali ng buhay ko." Napatda si Nica sa narinig. Nabahala siya para kay Andrew.
Hindi siya makapaniwala na meron itong karamdaman.
Hindi maaari.
**
TULALA si Nica buong gabi matapos malaman ang kalagayan ni Andrew.
Si Andrew Labreza na una niyang naging kasintahan. Mabait at maalagang kasintahan si Andrew.
Pero dahil mayaman at tinutulan din ng mga magulang ang pakikipag relasyon nito kay Nica, kaya napilitan ang dalawa na maghiwalay.
Isa iyong kalbaryo sa buhay ni Nica. Minahal niya si Andrew ng higit sa buhay niya. Pero dahil sadyang napakabuti at mapagmahal nitong anak kaya mas pinili nitong hiwalayan si Nica.
Masakit sa una, pero ginawa ni Nica ang lahat para makalimot. Hanggang sa dumating sa buhay nito si Raven.
Mahal ni Nica ang asawa at sa dami ng hirap na pinag daanan nila para lang maikasal. Hindi niya kaya ang magtaksil sa asawa.
Pero sa narinig niyang sinabi ni Andrew at sa kalagayan nito. Nagdadalawang isip na siyang buwagin ang pangakong binitiwan niya sa harap ng altar.
"Sweetheart? Ang lalim yata ng iniisip mo? Hindi ka pa ba matutulog?" Ang nag aalalang tinig na iyon ang nagpabalik kay Nica sa kasalukuyan.
Sinikap ni Nica na maging masaya sa harap ng kanyang asawa. Ayaw niyang magkaroon ito ng pagdududa. Kaya yumapos siya sa asawa at humalik dito na puno ng pagmamahal.
Nang gabing iyon pinagsaluhan nila ang walang hanggang pag- ibig para sa isa't-isa.
Kasabay niyon ang isang desisyon na alam niyang pagsisihan man niya ay magdudulot naman ng maganda sa nalalapit na paglisan ni Andrew.
"Wagas na pag-ibig ang nagbubuklod sa dalawang tao. Pero ito rin ang nagdudulot ng pagkawasak sa bawat maling desisyon at maling pagpapasya, kawalang tiwala at paghihinala."
♥♥♥
saharazina