BINUKSAN ni Delia ang TV at ito ang bumungad na balita sa kanya, "isang College student ang di-umano'y tumalon mula sa ika-labingtatlong palapag ng Silver Swan University—"
"Bakit ba ganyan ang takbo ng isipan ng mga kabataan ngayon?" tanong ni Delia sa kanyang asawa na kasalukuyang humihigop ng mainit na kape.
"Bumagsak lang sa exam magpapakamatay na," pagpapatuloy nito. "Napagalitan lang magpapakamatay na. Napakababaw! Pagpapakamatay na lang lagi ang naiisip na solusyon sa lahat ng bagay."
"Ewan ko nga ba," sagot ni Efren, ang kanyang asawa. "Ang daming drama ng mga kabataan ngayon. Hindi lang sang-ayunan ng panahon ang mga gusto nila, magpapakamatay na agad."
Napailing na lang ang mag-asawa at pinagpatuloy ang panonood ng balita.
"Magandang umaga po."
Nabaling ang atensyon nila sa bagong gising na anak.
"O? Bakit ganyan ang itsura mo? Ang itim ng paligid ng mga mata mo. Umiyak ka ba?" tanong ni Efren sa anak.
"Puyat lang po. Mid-term na po kasi namin next week."
"Mabuti naman at napupuyat ka kaaaaral at hindi kakabarkada," pangaral ni Delia sa anak. "'Wag kang gagaya sa Ate mo na pagkatapos naming pag-aralin eh magpapabuntis lang sa kung sino-sino!"
"Magkaiba po kami ni Ate."
"Kahit pa!" ani Efren. "Basta gusto ko maging doctor ka! Bilang hindi ko natuloy ang pagiging doctor ko noon, kailangan ikaw ang magpatuloy."
"Tanggalin mo na sa isipan mo ang pagpipinta! Hindi ka yayaman diyan!" pangaral ulit ni Delia. "Ayusin mo 'yang pag-aaral mo para 'di masayang ang binabayad namin sa tuition mo at para 'di mawala ang scholarship mo."
"Ma, Pa, pwede niyo po ba kong ipatingin sa doctor?"
"O bakit, anong nararamdaman mo? Kung kagaya 'yan ng palagi mong inaatungal na may mga boses kang naririnig eh tumigil ka! 'Wag kang hibang! Mag-aral ka na lang!"
Walang ibang nagawa si Maria kung hindi sumang-ayon sa magulang at bumuntong hininga.
PAGKATAPOS niyang mag-almusal ay bumalik siya sa kwarto niya at hinarap ang sandamakmak na libro at papel na kailangan niyang aralin para sa mid-term.
Ngunit lumipas na ang ilang oras, walang pumapasok sa isipan niya. Hindi siya makapag-aral ng maayos. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman.
Ang dami niyang naririnig na hindi naman niya nakikita.
Napagpasyahan niyang tawagan ang kaibigan.
"O Maria, problema mo?"
"Clara...busy ka ba?"
"Ay malamang, teh! Nagre-review ako, may mid-term tayo nalimutan mo na?"
"Sorry..."
"Ano ba kasi 'yun?"
"Gusto ko lang ng kausap."
"Anong drama mo na naman 'yan?"
"Nalulungkot kasi ako na hindi."
"Ano raw?!"
"Hindi ko alam. Wala akong maramdaman."
"Ano teh, anesthesia lang? General o local?"
Hindi sumagot ang dalaga.
"Hay nako, Maria! Mind over matter! Isipin mo na lang masaya ka! 'Wag kang masyadong baliw baliwan diyan. Mag-aral ka na lang."
Hindi ulit siya sumagot.
"Ano na teh? Bahala ka nga. Sige na, mag-aral na tayo. 'Wag ka nang ano diyan, stressed ka lang, kain kang ice cream. Babush!"
At nang natapos na ang tawag, nakaramdam ng lungkot si Maria. Ng tuwa. Ng takot. Ng kaba. Ng saya. Ng wala.
Muli siyang nakaramdam ng wala.
Pinagpatuloy niya ang pag-aaral. Nag-aral siya habang kumakain. Kumakain siya nang marami, maraming-marami. Lahat ng paborito niya ay binili niya.
Kumain
Nag-aaral.
Kumain.
Kumain.
Hanggang bigla siyang nawalan ng gana at muling nakaramdam ng wala.
KINABUKASAN, Lunes, pumasok si Maria na balisa. Pumasok siyang kinekwestyon kung ano ba ang silbi niya sa mundong ito. Kinekwestyon ang sarili kung para ba siya sa mundong ito, dahil baka sa ibang lugar siya nararapat, sa ibang planeta, sa ibang kalawakan.
Pagkarating niya sa classroom ay mabilis niyang inabot ang pinakapaborito niyang jacket sa kaibigan na si Clara.
"O, ano 'to?"
"Sa'yo na lang."
"Ha? Paborito mo 'to, ah?"
"Baka hindi ko na rin magamit," sagot ni Maria, at ngumiti. Isang ngiti na ngayon lang nakita sa kanya ni Clara.
Huling ngiti.
Hindi mo pa malaman kung tunay ba o mapagkubli.
KINAGABIHAN, binuksan ni Delia ang TV at nanood silang mag-asawa ng balita.
Isang estyudyanteng babae ang bumungad sa kanila, umiiyak, at nakasuot ng unipormeng kagaya ng sa anak.
"Sana nakinig ako sa kanya!" sambit ng babae sa TV habang umiiyak. "Sana pinakinggan ko ang mga kwento niya! Sana hindi ko siya binalewala! Sana naging mabuting kaibigan ako sa kanya! Hindi sana nagkaganito. Hindi niya sana ginawa 'to..."
Nagkatinginan ang mag-asawa at bumalik ang tingin sa TV.
"Ito ay hinaing ng isa sa mga kaibigan ng biktima na 'di-umano'y huling nakausap nito bago tumalon mula sa ikabingtatlong palapag ng nasabing paaralan."
Wakas.
BINABASA MO ANG
Super Short Stories (A Compilation)
NouvellesHi! This is a compilation of my short stories, sobrang short na kaya mong tapusin within minutes hehe. I posted these in my facebook already so gusto ko lang i-share dito. Enjoy! ❤️