Sumapit ang Sabado. Ngayon ang araw na siyang napag-usapan namin ni Ken kung kailan namin isasagawa ang panibagong cover-up raket ko para sa kaniya.
Nandito pa rin ako sa aking unit, nag-aayos ng aking sarili sa anyo ni Celeste na siyang iniharap ko noon kay Allison. Sinubukan kong sungkitin ang lahat ng detalye ng naging hitsura ko noon upang hindi maging kahina-hinala kay Allison ang biglaan kong pagsulpot muli.
Kita ko sa repleksiyon ng salamin ang alinlangang ekspresiyon ni Margaux na noo'y nakasandal sa may pintuan habang pinagmamasdan ako sa aking pagpapaanyo. Ibinaba ko muna ang aking hawak na mascara saka huminga nang malalim.
"Bakit mukha kang nalugi diyan? Hati pa rin naman tayo sa masisingil natin kay Ken ah," imik ko sa kaniya.
"Sheb, sa tingin mo ba hindi tayo papalya ngayon? I mean, you're still covering up for Jay," pagbuga niya ng hangin, hindi pa rin naaalis ang lamukot sa kaniyang mukha.
Nagpatinga-tingala ako sa kisame na tila may hinahanap doon na ikinakunot naman ng noo ng aking kaibigan. "Wala naman akong naririnig na butiki ngayon," pabiro kong saad.
"Hay," mabigat niyang buntong, iiling-iling.
"Hoy sheb. Huwag kang maghay-hay diyan. 'Di ba ikaw yung kinontak ni Ken kasi kailangan niya ng tulong natin. Sumang-ayon lang ako sa 'yo. Ikaw nagma-manage nitong raket natin kaya dapat noong sa simula ka na lang sana nag-alinlangan," sumbat ko sa kaniya ngunit wala akong ipinakitang senyales ng pagiging yamot.
Tahimik siyang lumapit sa 'kin, bakas sa mukha ang patuloy na pag-aalangan at pag-aalala. Kumapit siya sa magkabila kong balikat saka bumaba sa lebel nito. Tinitigan niya ako sa aking repleksiyon, bumubuntonghininga. Wala akong kibo at panay lang ang aking pagkurap.
Inayos niya ang pagkakapaling ng aking peluka saka marahang binawasan ang pulbos sa aking mukha. Kinabig din ng kaniyang hinlalaki ang aking labi at pinaputlaan nang kaunti ang kulay nito. Muli siyang kumapit sa 'king balikat sabay higpit ng hawak dito.
"Atakihin na natin 'yang Allison na 'yan," bulong niya sa 'kin, setting her mood on fire.
Lumawak ang ngiti sa 'king labi saka ko siya sinuklian ng isang tango ng pagsang-ayon.
ᴥ ᴥ ᴥ ᴥ ᴥ ᴥ ᴥ ᴥ ᴥ ᴥ
Sa mall kami dumiretso ni Margaux kung saan magaganap ang nakaplanong date nina Ken at Allison. Masyadong malawak ang mall at saka maraming tao kaya naman pasimple kaming ina-update ni Ken kung nasa'n na sila. Nabanggit na rin naman niya kanina ang kanilang mga suot kaya hindi na siguro sila gano'n kahirap matunton.
"Nasa second floor na raw sila. Yung sa samgyeopsal," siwalat sa 'kin ni Margaux.
Agad kaming pumunta sa kinaroroonang sinabi sa 'min ni Ken. Hindi na kami masyadong nagmadali nang sabihin niya rin sa 'ming doon na raw sila kakain. That will give me enough time to think kung pa'no ako makakapasok sa eksena.
"There they are," si ni Margaux nang makarating na kami sa tapat ng open-air samgyeopsal house, pointing at Ken and Allison's direction. Gumilid muna kami para hindi kami mapansin ni Allison at para maiwasan na rin ni Ken na magpalingon-lingon sa 'min. That will draw some suspicion if Allison ever notices that.
Iginala ko ang aking mata sa paligid. Doon ko lang nakitang magkatabing-magkatabi lang ang kainang 'yon sa eskinitang patungo sa mga palikuran. May nabuo nang mga senaryo sa aking isipin ngunit kinakailangan ko pang maghintay ng ilang mga minuto bago makatiyempo nang sa gayon ay magmukhang natural lang ang mga pangyayari.
"Margaux. Time," senyas ko sa kaniya.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone upang makalkula ang oras na kinakailangan namin. "Nag-text siya nang mga 15 minutes na ang nakakalipas. By the time na nakapunta tayo rito, palagay ko ay nakapag-order na sila ng meal package. It will not take a while to come. Kung ano mang pinaplano mo, you better tell me para magawan natin 'yan ng maayos na tiyempo," saad niya sa 'kin.
BINABASA MO ANG
Recruit the Cover Girl
Romance[ON-HOLD] Kailangan mo ba ng babaeng magpapanggap bilang girlfriend mo? Naghahanap ka ba ng babaeng panakip sa tunay mong pagkatao? In need of a muse sa t'wing maiiwan ka sa ere ng syota mo? Eh babaeng panangga para pagselosin ang ex mong aali-aligi...