The Killer App 22: Treehouse
Hindi naging madali para kay Heaven ang gumising ng umagang iyon. Napapasok si Topaz sa loob ng kwarto ng dalaga ng marinig nito ang sigaw ng dalaga habang natutulog.
Nanaginip siya tungkol sa kaniyang Ina.
Umiiyak siyang nagising at niyakap siya ng mahigpit ni Topaz ng minutong iyon habang pinapakalma ito. Lumapit naman din kaagad si Aling Emelda upang abutan siya ng tubig nasa tabi nito si George na nakatingin sa kanilang dalawa.
Alas onse na ng umaga ng bumaba mula sa kwarto nito si Heaven. Nakapag-ayos na siya ng kaniyang sarili at nakapagmuni-muni na rin.
"Pasensya na kung nag-alala ka kanina." sabi nito kay Topaz habang paupo ito sa may hapagkainan.
"Okay lang, kumain ka na. Alam kong nagugutom ka na."
"Sorry, wala akong gana." maluntay na sagot na dalaga sa kaniya.
Malayo ang tingin ni Heaven at tila hindi ito masundan ni Topaz. Tumayo siya at hinila niya ang kamay nito at pumunta sila sa bakuran. Dinala niya ito sa paboritong lugar niya, ang Tree house.
"May Tree House kayo?" muling nagkakulay ang awra ng mukha ni Heaven ng minutong iyon habang pinagmamasdan nito ang maliit na tahanan na nakasabit sa isang puno.
"Tara!"
Yaya pa niya rito saka niya ito inalalayan sa pag-akyat sa hagdanan. Hindi kasi niya sigurado kung okay pa ba ito, dahil halos limang taon na niyang hindi ito ginagalaw o pinupuntahan.
Samantala, dahan-dahan naman ang kilos ni Heaven paakyat sa puno at ganoon din ang ginawa ni Topaz nang sila na ay makaakyat ng maayos ay binuksan na ni Topaz ang Pintuan ng kaniyang Trees House na kung saan nadoon parin nakatago sa ilalim ng paso ang susi nito. Ipinasok niya sa doorknob at nang makapasok na ang susi ay saka naman niya ito pinihit paikot pakaliwa at bumukas na ang pintuan.
Marami nang alikabok sa Treehouse kaya inabutan niya ng panyo si Heaven para ipangtakip nito sa kaniyang ilong at bibig saka kinuha ni Topaz ang walis at dustpan sa gilid ng pintuan.
"Anong gagawin mo?"
"Hindi ba obvious? Maglilinis." napailing nalang si Heaven at naghanap rin ng gagawin. Hanggang napansin niya ang isang pamunas kinuha niya ito at pinunasan nito ang upuan, lamesa at mga litrato sa loob ng bahay na iyon. Ibinaba niya lahat ng kalat na siyang winalis at inilagay naman ni Topaz sa basurahan.
Pagod na pagod ang dalawa sa paglinis sa Tree house hanggang sa napahiga nalang sila sa sahig na gawa sa kahoy.
"Si Daddy ang nagpagawa nito sa akin. Napansin raw niya kasi na sobrang lungkot ko noong dumating ako rito, kaya tinanong niya si George kung anong magpapasaya raw sa akin. Siyempre ang isinagot ko ay ang muli kong makasama ang pamilya ko." napatingin sa kaniya si Heaven pero hindi ito napansin ng binata kasi nakatingala lang siya sa kisame at ramdam parin ng katawan niya ang pagod.
Kitang-kita ni Heaven sa direksyon na iyon ang tangos ng ilong ni Topaz. Ang malambot na kulay pulang labi. Ang mahabang pilik-mata at kulay abo na mga mata. Hanggang sa nakaramdam siya ng init ng dumako ang mga mata nito sa matigas na braso ng binata na kung saan batak na batak na lumabas ang muscle niya roon at napalunok siya ng laway.
"Pero, sinabi ni George na imposible raw na magawa iyon ni Daddy. Hindi raw siya Diyos, mas lalong hindi raw siya magician. Natawa talaga ako noon kay George sa sinabi niyang iyon."
"Hanggang sa sinabi ko na, lugar na kung saan ako pwedeng magtago. Makapag-isip. Lugar na tahimik at malapit sa kalikasan, sabi ko pa. At nang araw na rin na iyon, nakarinig ako ng mga tunog ng chainsaw, martilyo, pako, at pinuputol na kahoy, tapos kinabukasan inabot sa akin ni George ang susi ng Treehouse, sabi niya bigay raw sa akin ni Daddy. At hinihiling lang raw niya ay huwag na akong malungkot. Kaya sa tuwing nararamdaman kong malungkot ako, dumideretso lang ako dito. Dito ko inilalabas lahat ng mga iniisip ko o dumadaloy sa isip ko."
"Dito mo rin ba plinano ang lahat?" tanong ni Heaven sa kaniya.
"Oo. Dito ko plinano ang lahat. Kung paano makapasok sa grupo na iyon at paano ko mahahanap ang mga tao sa likod noon."
"Tapos?"
"Pagbabayarin ko sila. Sa ginawa nila hindi lang sa akin, kundi sa mga batang katulad ko na tinanggalan nila ng karapatang maging masaya, kasama ang mga mahal nila sa buhay."
"Pagkatapos. Kapag nagawa mo na ang gusto mo, ano nang susunod mo na plano?"
"Hindi ko alam." walang ganang sagot niya.
"Ah? Paanong hindi mo alam?" kunot noong tanong ni Heaven saka siya napatayo, at tumayo na rin si Topaz ng minutong iyon saka pinagpag ang pwitan nito dahil sa alikabok.
"Wala pa akong plano." giit pa nito.
"Jusko, Topaz. Hindi pwede iyan. Dapat mayroon." sabi pa ni Heaven.
"Ano ba sa tingin mo ang gagawin ko pagkatapos ng lahat ng ito?"
"Bumalik ka sa pag-aaral. Magtapos ka, at hawakan mo ang naiwang negosyo ng Daddy mo, ipakita mo sa kaniya na hindi siya nagkamali na ikaw ang napili niya na magmana ng lahat ng ito."
Hindi maipaliwanag ni Topaz ang nararamdaman, tila para bang may kakaibang enerhiya na nanghahatak sa kaniya palapit kay Heaven at nang makalapit na ito ay bigla nalang niyang hinalikan ang labi nito.
Nagulat naman si Heaven sa nangyari pero parang ayaw ng katawan o ng labi niya na bumitaw sa pagkakadikit sa labi ni Topaz pero sabi ng kaniyang isip na hindi tama ito. Kaya naitulak niya ito at saka niya pinunasan ang labi at lumabas na nang Treehouse.
BINABASA MO ANG
The Killer App (Completed)
Teen FictionMay kinaiinisan ka ba? Binully, pinahiya, sinaktan o pinagsamantalahan? Now is the time para makaganti ka sa kanila. Use the Killer App. #TheKillerApp All Rights Reserved 2020 04/29/2020