Prologue

65 1 0
                                    

Telling You A Story

"Goodbye, class!"

Patago akong ngumiti sa anunsyo ng teacher namin sa harapan. Sumabay akong tumayo sa mga kaklase kong ngayon ko lang nakilala dahil unang araw ng klase at isa ako sa mga transferee.

Hindi ko naman gustong lumipat dito. May mga kaibigan na ko sa dati kong school kaya lang, napilitan si Mama na ilipat kami dahil sa pakikipag-away ni Ate sa isang anak ng teacher.

"Goodbye, Ma'am!"

Agad akong humawak sa handle ng de-gulong kong bag. Handa na sanang maglakad palabas ng room kung hindi kami pinabalik sa upuan dahil by row daw ang paglabas.

"Huwag magtakbuhan! Sa waiting area lang pupunta ang mga wala pang sundo."

Bumuntong hininga ako kasabay ng pagsandal ng kaliwang pisngi ko sa kamay na nakahawak sa handle ng bag, dahilan para mapatingin ako kanan. Nagulat akong nakatingin din sa akin ang katabi ko. Ibabaling ko sana ang tingin ko sa kabilang direksyon nang tawagin niya ako.

"Neslie ba pangalan mo?" kita ang bungi niyang ngipin sa pagtatanong.

Tumango ako.

Ngumiti siya ng malawak at inilahad sa akin ang karton ng gatas na kanina niya pang iniinom. "Katunog nitong inumin ko. Nestlé."

Sumimangot ako at lumingon na sa kabilang direksyon. Biro ba 'yon? Hindi ako natawa, ah?

Nagmamadali akong lumabas ng classroom nang tawagin ang row namin. Dinig ang kaluskos ng gulong ng bag sa sahig, tumakbo ako papuntang waiting area. Luminga linga ako para hanapin si Ate dahil sinabi niyang dito ko siya hintayin pero wala pa siya.

Umupo muna ako sa dulo ng mahabang bench, malapit sa gate, para rin matanaw kung sakaling nandyan na ang service.

Dalawang taon ang tanda sa akin ng kapatid ko. Madalas mapuna ng mga kamag-anak ang pagkakaiba naming dalawa. Mas madaldal siya kaysa sa akin kaya siya rin ang madalas na tinatanong kapag may nangangamusta kay Papa na nasa abroad. Namana ko ang pagkatahimik ni Papa at siya naman ang nakamana sa pagkamadaldal ni Mama. Kaya ayoko ring lumipat dahil alam kong mahihirapan nanaman akong makahanap ng kaibigang makatitiis sa pagkatahimik ko.

"Wala ka pa ring sundo?"

Liningon ko ang nagsalita para makita ang kaklase kong umiinom ng gatas kanina. Hindi ko siya pinansin.

"Gusto mo ng Nestlé?"

Sinimangutan ko ang pagngiti niya ng malawak, kita pa rin ang bunging ngipin. Mas umusad siya palapit sa akin.

"Anong spelling ng pangalan mo? Kagaya rin nung sa inumin?"

Lumingon ako sa paligid para tignan kung may nakapapansin ng panggugulo sa akin pero karamihan sa estudyante, nasa court na tanaw rito. Akala ko ba, dapat sa waiting area lang pag wala pang sundo? At nasaan na ba si Ate?

"Transferee rin ako." kwento niya kahit hindi tinatanong. "Teacher kasi dito si Mama, sa highschool. Bakit ka lumipat dito?"

Kapag ba hindi ko siya pinansin, ako naman ang may makakaaway na anak ng teacher? Napilitan akong sumagot.

"Gusto ng mama ko."

Nilipat ko ang tingin sa sapatos kong hindi abot ang sahig na may puting tiles dahil sa taas ng bench.

"Ah, parehas tayo," ngumiti siya ulit. "Paano nga ang spelling ng pangalan mo?"

Bumuntong hininga ako at tumingin ulit sa paligid. Wala pa ba si Ate?

"Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko.

Nakangiti pa rin siya. "Hinihintay ko si Mama. Mamaya pa uwian ng highschool. Four."

Napatingin ako sa orasang nakasabit sa labas ng office. Alas tres palang mahigit. Ang tagal naman. Pati si Ate ang tagal.

"Ikaw? Bakit hindi ka pa umuuwi?"

"Ang daldal mo 'no?" puna kong tinawanan niya lang.

"Paano nga i-spell ang Neslie?"

Ang kulit. Tumayo ako sa bench. Naglakad patungo sa de-gulong na bag. Sumunod naman siya.

"Saan ka pupunta?"

Hindi ko pinansin. Tuloy ang lakad papunta sa bag. Kinuha ko ang isang notebook at lapis. Binuksan ang notebook sa likuran at pinatong sa bag.

Nagsimula akong magsulat.

N E S L I E

Pinunit ko ang papel at inabot sa kanya. Ibabalik ko na ang notebook at lapis sa bag nang hablutin niya't nagsulat din.

"Neslie!"

Palabas ng court si Ate nang tawagin ako. May dalawa siyang kasama. Isang babae, isang lalaki. Baka mga bagong kaibigan. Nakita kong nagpaalam siya nang makalapit sa akin.

Napalingon siya sa nagsusulat sa may bag ko kaya napalingon din ako.

"Sino—"

Hindi nakatapos ng sasabihin si Ate ng tumakbo ang kaklase ko papuntang court habang kumakaway. Kunot ang noong tumingin ako kay Ate, nagkibit balikat. Ngumiti siya sa akin.

"Sorry natagalan! Uwi na tayo!" masigla siyang umakbay sa akin, mabigat dahil nadadala rin ang backpack niya.

"Wala pang service," pagbabalita ko.

"Malapit na yon! Tinext ko na, eh."

"Okay."

Lumuhod ako para iligpit na ang notebook at lapis. Napansin ko ang malinaw na sulat sa likuran.

J A R E D

Tumaas ang kilay ko. Tumingin sa court para tignan kung nandoon pa ang kaklase pero wala na.

"Bakit?" Napatingin din si Ate sa court.

Umiling ako. "Wala. Uwi na tayo."

---

A/N: First part na in-edit after n years. I'm gonna change the POV from second to first so please bear with me as I edit this story! Look forward to changes and more detailed scenes of Neslie and Jared.

Yavu all.

Telling You A Story (Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon