FADE IN.
INTERIOR. BANYO NG ISANG MALL SA QC. 2019. HAPON.
Makikita natin ang pagkairita sa mukha ni Christine. Halos limang minuto na siyang naghihintay, ngunit hindi pa rin lumalabas ang nasa loob ng cubicle. Kanina pa niya tinitiis ang kaniyang pag-ihi. Wala naman talaga siyang balak pumunta sa mall na ito, subalit nang huminto ang bus na sinasakyan niya dahil sa traffic, naisipan niyang bumaba na rito upang magbanyo bago pa pumutok nang tuluyan ang kaniyang pantog.
EXTERIOR. BAKURAN NG KAIBIGAN NI CHRISTINE. 1992. TANGHALI.
Binubugbog si Christine ng kaniyang tatay. Kagagaling lang kasi nito mula sa pagkatalo sa sabong kaya mainit ang ulo. At habang papauwi sa kanilang bahay, nakita nito ang bunsong anak na nakasuot ng koronang gawa sa santan. Sumasayaw-sayaw pa kagaya ng bidang babae sa teleseryeng kanilang pinanonood. Dali-dali nitong pinuntahan si Christine at sinikmuraan.
Wala akong anak na bakla! paulit-ulit nitong sigaw.
INTERIOR. SILID-ARALAN NINA CHRISTINE. 1994. HAPON.
Makikita natin sa sulat na hawak ni Ramon ang katagang "I like you". Matatawa ito. Gugusutin ang sulat at itatapon sa mukha ni Christine. Pupunta ito sa kaniyang mga katropa na tuwang-tuwa sa kanilang nasakihan. Maiiwan si Christine mag-isa. Lumuluha.
INTERIOR. BANYO NG ISANG MALL SA QC. 2019. HAPON.
Lumiwanag ang mukha ni Christine nang lumabas na ang babae sa cubicle. Sinamaan pa siya nito ng tingin bago tuluyang umalis sa banyo. Kung sa normal na pagkakataon, aawayin ito ni Christine, ngunit dahil ihing-ihi na siya, hindi na lamang niya ito pinansin.
ZOOM IN.
Mukha ni Christine na maligayang-maligaya habang inilalabas ang kanina pa gustong kumawala sa kaniyang pantog.
EXTERIOR. LABAS NG PARLOR NI BEBANG. 2010. UMAGA.
Hinahawak-hawakan ni Bebang ang dibdib ni Christine. Paulit-ulit itong nagtatanong kung saan siya nagpagawa. Sa Thailand? Umiling siya. USA? Umiling ulit. E, saan ba kasi? Binatukan ito ni Christine. Gaga, dito lang. Alam mo na, dapat tangkilikin ang sariling atin. Puntahan mo na nga ang customer mo sa loob, puro ka tsismis!
Napangiti si Christine pagkaalis ni Bebang. Hinawakan niya ang kaliwang dibdib. Babaeng-babae na ako, bulong niya sa sarili.
INTERIOR. BANYO NG ISANG MALL SA QC. 2019. HAPON.
Natapos ang pag-alaala ni Christine sa nakalipas. Hindi niya inaakalang sa kaniyang pag-ihi ay muli niyang maaalala ang mapait at makulay niyang karanasan. Ngunit ang mahalaga, narito na siya ngayon. Ang nakaraan ay nakaraan.
Nakangiti siyang lumabas ng banyo. Sa wakas, maginhawa na ang kaniyang pakiramdam.
FADE OUT.
BINABASA MO ANG
Hagibis
Short StoryMga kuwentong paspasan. Nabuo kasabay ng hagibis ng mundo. . . at walang malay na kamalayan.