Patuloy na naglalakbay sa gitna ng kadiliman. Hindi alintana kung may paroroonan man o wala ang kaniyang tinatahak na daan. Tanging mga sariling yabag lamang ang naririnig sa walang hanggan na kadiliman, walang pakialam sa kung ano man ang nasa kaniyang paligid.
Sa gitna ng kaniyang paglalakbay, siya'y huminto sa paghakbang at pinagmasdan ang taong nasa kaniyang harapan gamit ang walang emosyon niyang mga mata. Mga matang walang matatagpuang bakas ng anumang emosyon,maliban sa dalawa. Lungkot at takot, pinagmasdan niyang maigi ang lalaking nasa harapan niya. Batid niyang ito ay lumuluha.
Nakakabinging katahimikan ang pumagitna sa dalawa, hanggang sa basagin na niya ang katahimikang kanina pa nag iingay sa kanilang pagitan.
"Bakit ka umiiyak?"walang emosyon niyang tanong sa lalaking kaharap niya na.
"Natatakot ako" maikling sagot ng lalaki.
"Ano ang iyong kinakatakot?" tanong niya muli.
"Natatakot akong maligaw dito sa kadilimang ito, natatakot ako na mawala at maging mag-isa na lamang sa loob ng madilim na kwartong ito. Ikaw hindi ka ba natatakot?" sabi ng lalaki habang ang kaniyang mga luha ay patuloy pa rin sa pag-agos.
Hindi nga ba ako natatakot?
Inilibot niya ang kaniyang mga mata sa madilim na silid bago niya binigyan ng kasagutan ang lalaking nasa harap niya.
"Hindi ako natatakot" hindi niya nilingon ang lalaki bagkus ay tumingin lamang siya sa kawalan habang binibigkas ang bawat salita.
"Bakit naman hindi? Nakakatakot kaya sa lugar na ito, hindi mo alam kung saan ka dapat magtungo, wala man lang makakausap dito. Wala rin liwanag dito, punong puno ito ng kadiliman." tugon ng lalaki.
"Hindi ako natatakot dito,dahil dito ako komportable. Kahit na alam kong walang paroroonan ang lugar na ito kundi puro kadiliman. Hindi ako natatakot dito kahit wala akong nakakausap dito, dahil mas mainam pang walang ibang taong kausap kaysa mahusgahan ng mga taong hindi kayang intindihin ang kalagayan ko. Oo tama ka, walang liwanag dito. Katulad mo, gusto ko rin dati sa liwanag, nagbago ang lahat ng iyon dahil sa mga bagay na hindi kayang initindihin ng iba. Kung kaya't mas ginusto ko na lamang na magkulong dito sa silid na ito, sa silid na walang ibang laman kundi kadiliman."sagot niya sa lalaki, hanggang sa naramdaman na niya ang kaniyang mga mata ay lumuluha na rin.
Sa bawat patak ng luha sa kaniyang mga mata, makikita ang iba't ibang dahilan ng kaniyang dinaramdam. Mga patak ng luha na ayaw magpatalo sa karera ng buhay.
"Masakit ba?" tanong ng lalaki, hindi na niya alam ang itutugon sa winika ng lalaki.
"Malungkot ba ang maging mag-isa dito sa loob ng madilim na silid na ito? Masakit ba na kahit saan ka man sulok tumingin puro itim na kulay lamang ang iyong nakikita?" muling tanong ng lalaki sa kaniya ngunit nabigo ang lalaki na makarinig ng tugon mula sa kaniyang kausap.
"Masaya ka ba?" muling tanong ng lalaki sa kaniya.
Matapos marinig ang huling katanungan ng lalaki, tila ba nakaramdam siya ng kurot sa kaniyang puso kung kaya't nagpag-isipan niyang sagutin ang huling katanungan ng lalaki sa kaniya.
Ngunit sa kaniyang pagbabalik ng tingin sa lalaki, isang imahe na lalaki na lamang ang kaniyang nakita. Siya ay nakatingin sa harap ng tila isang malaking salamin, naaaninag niya ang repleksiyon ng isang tao na kahawig niya. Mga luhang umaagos sa mga mata nito ang agad niyang napansin. Patuloy ito sa pagluha na tila naghahanap ng kasagutan sa lahat ng tanong.
Muli ay naalala niya ang mga huling katanungan ng lalaki.
"Oo...malungkot maging mag-isa sa madilim na silid na ito." pabulong na wika nito.
"Oo...masakit na puro madilim na lang ang nakikita ko dito." sa bawat salita na kaniyang bitawan ay nararamdaman na niya ang unti unting panlalambot ng kaniyang mga tuhod.
" Oo...Oo...hindi ako masaya. Pagod na pagod na ako na magpanggap na masaya ako. Ayokong mag-isa, ayoko na sa silid na ito. Gusto ko ng maging masaya, gusto ko ng masilayan ang liwanag na matagal ng itinatago ng kadiliman. Gusto ko ng maging malaya sa silid na ito na nagmistulang piitan ko sa matagal na panahon. Gusto ko ng maging malaya sa kalungkutan na gumapos sakin sa piitan ng kadiliman. Gusto ko ng maging masaya." umiyak siya na tila isang bata na naliligaw at hindi alam ang pupuntahan.
"Huwag kang mag-alala, sasamahan kita. Sasamahan kita na makatakas sa madilim na lugar na ito. Magkasama natin lalakbayin ang landas na ito, hanggang sa marating natin ang dulo. Ako ang liwanag sa madilim monng mundo." mahinang sabi ng lalaking kausap niya.
Nagpatuloy siya sa pagluha hanggang sa naramdaman niya ang unti-unting pagbigat ng mga talukap ng kaniyang mga mata.
Tila sinasabi ng kaniyang mga mata na tapos na ang lahat, oras na upang magpahinga.
Umaasa na sa pagmulat niya ng mata, hindi na kadiliman ang bubungad sa kaniya.Hinihintay na dumapo ang liwanag sa kadiliman ng silid, na siya niyang magiging gabay upang tuluyang makalaya sa kulungan na matagal niyang pinaglagian at makamtam ang matagal na niyang minimithi, ang maging masaya.
"Hindi kita iiwan, sapagkat ako ay ikaw. I finally found you. We're going to be okay." saad ng lalaki ng makita niyang mahimbing ang lalaking nakita na niya.
"Zion..."