Hindi makapaniwala si Mary Ann sa kanyang nakita, kung kaya't nabitawan niya ang kanyang hawak-hawak na tambo at dustpan na kanina lang ay inihampas niya sa binata.
"Ahhh, Sir kayo po pala, ano pong ginagawa niyo dito nang ganito kaaga?''- tanong niya na may pagtataka 'pagkat ngayon lang ito napasugod sa kanyang apartment at sa ganitong oras pa.
"Ang sabi mo kasi sa phone call kanina, masama ang pakiramdam mo, kaya napasugod agad ako dito para dalhan ka ng gamot"- tugon nito habang ipinapakita sa kanya ang dalang supot. Napansin niya na tila hindi pa ito nakakapag - ayos ng sarili.
Hmmm, nakapagtataka naman itong si Sir, hindi man lang nag - ayos ng sarili niya bago pumunta rito -sabi niya sa kanyang isip habang sinusuyod niya ng tingin ang binata mula ulo hanggang paa.
"Ehem, pasensya ka na at hindi na ako nag - abala pang mag-ayos, kasi nagmamadali akong pumunta sa pharmacy kanina para makabili ako ng gamot matapos kong malaman na masama ang pakiramdam mo"-paghingi ng paumanhin ng lalaki para sa kanyang kasuotan nang mapansin niyang tinitingnan siya ng dalaga.
"Ayos lang ho, tuloy kayo," pagpapa-pasok niya sa binata at ipinagsawalang - bahala na lang muna niya ang kanyang iniisip, at pinapasok ang panauhin sa kanyang munting apartment.
At pumasok ang binata sa kanyang apartment at medyo nag - aalinlangan pa si Mary Ann dahil hindi pa siya nakakapaglinis, pero nakakahiya naman kung hindi niya papasukin ang lalaki gayong nag - aalala lang naman ito sa kanya. Dinalhan din siya nito ng gamot, kahit na sa totoo lamang ay dahilan lang niya kanina na masama ang kanyang pakiramdam upang hindi na siya nito papasukin, sa kadahilanang nahihiya siya sa binata sa nangyari nitong nagdaang gabi.
"Sir, upo muna po kayo d'yan at ikukuha ko lang po kayo nang maiinom"- sabi ng dalaga. Tumango naman ang binata sa sinabi ng babae at saka umupo ito sa kanyang sofa malapit sa pintuan ng apartment dahil hindi naman gano'n kalakihan ang kanyang inuupahan.
So, dito pala siya nakatira. Pero, masyado itong maliit para sa kanya - anang ng lalaki sa kanyang isip habang tahimik na pinagmamasdan ang kabuuhan ng apartment.
Sa pagiikot - ikot ng mata ng binata, biglang naagaw ang kanyang pansin ng isang pintuan na katapat lamang ng banyo at bigla siyang tumayo upang puntahan sana ito nang biglang dumating ang babae.
"Sir Gab, pasensya na kayo, kape lang ang meron dito, hindi pa kasi ako nakakapag - grocery at medyo natagalan pa dahil nagpainit pa po 'ko ng tubig"- paghingi ng paumanhin ng dalaga na nagpatigil naman sa binata upang puntahan ang kwarto nito.
"It's okay"- matipid na tugon nito at saka lumapit sa dalaga upang kunin ang dala nitong tasa ng tinimplang kape. Muli itong umupo sa kanyang kinauupuan kanina matapos makuha ng binata ang tasa. Babalik na sana ang dalaga sa kusina upang ituloy ang kanyang pagluluto nang bigla nagsalita ang binata.
"Hindi ako magtatagal, aalis din ako kasi kailangan kong pumasok ng maaga. 'Wag ka na muna pumasok at magpahinga ka na lang. Saka ka na pumasok kapag maayos na ang pakiramdam mo - sabay abot sa kanya ng supot na dala - dala nito kanina na kanya namang kinuha.
"Pumili ka na lang d'yan sa mga gamot na binili ko kung ano ang iniinom mo, hindi ko naman alam kung ano ang gamot mo kapag nagkakasakit ka"- habol pa nito, kaya naman ay biglang tiningnan ng dalaga ang laman ng supot.
Laking gulat niya nang makita ang supot na naglalaman ng iba't - ibang gamot.
"Sir, okay lang naman po ako, sana hindi na kayo nag - abala pa" - medyo nahihiya niyang wika sa binata.
"No, ako ang may kasalanan kung bakit masama ang pakiramdam mo, kaya hayaan mo na lang ako. Isa pa, ayaw ko na nagkakasakit ka"- tugon ni Gab. Matapos niyang sabihin ito ay inilapag nito sa maliit na lamesa na katapat ng sofa ang tasa na kalahati na lamang ang laman. Bigla itong tumayo at naglakad patungo sa pintuan. Ngunit, bago ito tuluyang lumabas ay nagsalita itong muli.
"I - lock mo agad ang pintuan pagka - alis ko, may nakita akong tambay d'yan sa kanto, baka pasukin ka dito"- saka tuluyang lumabas ang binata sa kanyang apartment.
Magsasalita pa sana ang dalaga nang biglang sumakay ang binata sa kanyang sasakyan. Itatanong niya sana kung totoo ang sinasabi nitong may tambay sa kanilang kanto, gayong wala naman siyang nakita kanina sa kanyang paglalakad pauwi.
Kaya naman, isinarado na lamang niya ang kanyang pintuan at ini - lock ito, at bumalik sa kanyang naiwan na lutuin dala ang pagtataka sa ikinikilos ng kanyang boss.