Kabanata 08
Tahimik akong kumakain ng agahan habang naririnig ang pag-uusap nilang tatlo mismo sa hapag-kainan na gusto ko sanang punahin. Sa totoo lang, hirap akong lunukin ang pagkain sa bibig ko dahil pinipigilan kong huwag maiyak.
Nakakahiya kay Jackson at Tito Jack.
Simula pag-uwi namin noong nakaraang araw, pati na ang bawat agahan, tanghalian at hapunan, isama na pati ngayon, puro problema sa negosyo ang pinag-uusapan nila.
Dapat ini-enjoy namin ang lugar na ito pero parang malabo iyon ngayong araw at sa mga susunod pa. Limang araw na kami rito pero dalawang tourist spot pa lang ang napupuntahan namin.
"What are we going to do now?" rinig kong sabi ni Tito bago ibinaba ang hawak na kutsara.
Nang dahil sa isang empleyadong biglang nag-resigned at nag-apply sa kakompetensiyang kompanya nina Papa ang dahilan ng lahat ng ito. Siya rin pala ang dahilan ng pagkawala ng ilang daang libo sa kompanya ni Papa, kasabwat ang mga tao sa Accounting at Finance.
At tulad ng kompanya nina Papa, maliit pa lang ito, nagsisimula pa lang at hindi pa ganoong kilala tulad ng iba.
"Kailangan nating bumalik sa Manila," sabi ni Papa dahilan para kagatin ko ang labi ko.
Maiiwan na naman ba ako rito? Kung ikukumpara kasi sa bahay namin, mas tahimik dito at ayoko ng ganoon. Wala akong nakakausap kung 'di si Jackson, na minsan ay busy dahil inuutusan ni Tito.
Ayoko sa tahimik. Delikado.
Gusto kong makausap si Donnie! Ayaw kong maramdaman na mag-isa na naman ako at ilayo ko ang sarili ko sa iba. Tapos na ako sa pahinang iyon ng buhay ko at ayoko ng bumalik!
Dapat masaya ako ngayon. Dapat nag-re-relax lang ako ngayon dahil iyon ang gusto namin, pero bakit ganito? Bakit may nangyayaring ganito?
"C-Caily..."
Gulat akong nag-angat ng tingin sa kanila. Lahat sila ay nagtatakang nakatingin sa akin, sumulyap ako kay Jackson na yumuko bago umiling. Lalo lang akong kinabahan ng tumayo si Mama at lumapit sa akin.
Alam ba nila ang tumatakbo sa isip ko?
"M-Ma, I'm okay," bulong ko, nakangiti.
Kumunot ang noo ko at mapait na napangiti ng yumakap si Mama sa akin at humalik sa sintido ko. Yumakap din ako sa kanya at mas kinagat ang pang ibabang labi.
Walang iiyak. Hindi ako iiyak. Hindi iiyak si Caily.
"Gusto mong lumabas, 'nak?" bulong niya, tumango ako.
Mahigpit ang hawak ni Mama sa kamay ko habang naglalakad kami palabas ng bahay. Walang sumunod, walang nagtanong at walang nagsalita kung bakit gusto naming lumabas ni Mama, kahit si Papa tikom ang bibig.
Kung ano man ang dahilan ni Mama para ayain ako palabas, hindi ko alam pero may hinala ako kung ano. Hihingi siya ng tawad o kung ano man dahil sa problema nila.
Dumiretsyo kami sa gazebo at tahimik na umupo. Nakapatong ang baba ko sa sandalan ng sofa at tinitingnan ang iba't ibang klase ng bulaklak na nakatanim sa paligid ng gazebo.
Ang ganda talaga dito. Hindi ko inaakala na magugustuhan ko ang mga bulaklak ngayon. Ang ganda kasi talaga nilang tingnan.
"Caily, 'nak."
Sumulyap ako kay Mama na diretsyo ang tingin sa unahan. Kita ko pa ang pagbuntong-hininga niya at ang pag-iling. Mukhang tama ang hinala ko.
Binabagabag si Mama dahil napansin niya siguro ang kinikilos ko. Ako ang problema.
YOU ARE READING
See You Again Memories | Memories #2
Teen Fiction"May mga taong dadaan lang sa buhay natin hindi para makasama natin pagtanda, kung 'di para magbigay lang ng leksyon sa atin." Masarap magmahal kung ikaw ang mahal. Masayang isipin na may isang taong takot na mapahamak at mawala ka. Lahat ng tao ay...