CHAPTER 2 - ROAD TO REACHING ONE'S DREAM

21 1 0
                                    

(Bright's Point of View)

Ako si Vachirawit "Bright" Chivaaree, 22 taong gulang. Matagal na akong nag-aartista at masasabi kong mahirap ang trabahong ito dahil talagang puyatan sa shooting, pero ganoon pa man ay nasasanay na ang katawan ko. Wala rin kasi akong karapatang magreklamo sapagkat ito na ang naging bread and butter ko at ng aking pamilya. Simula noong iniwanan kami ni papa noong bata pa lang ako ay nakita ko kung gaano naging mahirap ito para kay mama sa emosyonal at pisikal na aspeto. Dahil nag-iisa lang naman akong anak ay kaming dalawa lang ang naiwang magkasama kaya sobrang lungkot ng mama ko noon. Palagi siyang umiiyak, madalas niya akong yakapin ng mahigpit kaya masasabi kong sobrang pighati ang dala ng nangyaring iyon sa amin. Hindi naman ako ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig kaya nagtrabaho siyang mag-isa upang maitaguyod niya lamang ako at matugunan ang mga pangangailangan naming mag-ina. Doon nag-umpisa kung bakit sa murang edad ko pa lamang ay namulat na agad ako sa mga bagay na nararapat at hindi. Bata pa lamang ay naiintindihan ko na ang lahat, kagaya ng pagiging isang responsableng tao para sa mga mahal ko sa buhay. Kaya noong tumungtong ako sa tamang gulang ay pinilit ko si mama na pumasok ako sa pag-aartista. Sadyang pinagbutihan ko upang kung makaipon ako ay hindi na niya kailangan pang mahirapan sa pagtatrabaho. Ipinangako ko iyon sa kanya, na ako ang tatayong breadwinner ano man ang mangyari, at aalagaan ko siya hanggang pagtanda niya. Naihanda na ang utak ko sa ganitong sitwasyon noon pa lamang kaya hindi ko na halos naranasan ang maglaro, pero kailanman ay hindi ako nagsisisi dahil ang ngiti ng mama ko ang pinaka-importanteng bagay para sa akin.

Tandang tanda ko pa noon, isang araw, habang namamasyal kami ni mama sa mall ay nagkataong may gumagawa ng pelikula doon. Hinila ko ang aking ina palapit sa direktor at doon ay lakas loob akong nagpakilala. Nagbaka sakaling mapapansin niya ako at may dasal sa aking loob na sana ay mapasama ako sa susunod niyang gagawing proyekto. Si mama naman ay todo suporta sa akin, sa totoo nga niyan ay ibinibida niya ang mga bagay na kaya kong gawin. Hindi naman ako nabigo dahil sa ilang buwan kong paghihintay ay tinawagan ako ng direktor na iyon at dala ang balitang nagpabago ng husto sa buhay ko at ni mama. Hindi naging madali sa akin ang humarap sa camera, mahiyain naman kasi talaga ako, siguro ay dahil walang ama na nagpapalakas ng loob sa akin habang ako ay lumakaki. Sumugal lang talaga ako para sa magandang hinaharap na ninanais ko. Sumuot talaga ako sa butas ng karayom dahil marami akong naging kasabayan na ka-edad ko, kaya kahit pa nga maliliit na role ay tinanggap ko na para hindi ako mawalan ng kita. Aaminin kong hindi talaga sasapat ang mga naibibigay ko kay mama dahil madalas ay extra roles lang naman ang napupunta sa akin. Tuloy ay tumatanggap na rin ako ng mga sidelines kagaya ng modeling, pero dahil bata pa naman ako noon ay madalang lang akong mabigyan ng proyekto dahil hindi raw angkop sa isang 17 year old na bata ang kailangan nila. Sinubukan ko ring maging online seller noong teenager ako, pandagdag rin sana sa baon ko. Pero dahil hindi naman talaga ako mahilig magsalita sapagkat likas na mahiyain ay kakaunti lang ang bumibili, minsan nga ay wala pa. Pinagsabay ko ang trabaho at ang pag-aaral, ayoko kasing masayang ang oras ko, sa ganoon rin ay pinagtatrabahuhan ko pa rin ang pag-abot sa aking pangarap na makakuha ng degree sa kolehiyo kahit pa kumikita na ako ng pera. Literal kasing mataas ang pangarap ko, dahil gusto kong maging isang astronaut balang araw, maging scientist din kung papalarin. Pangarap ng isang bata na malawak na ang kaisipan dahil sa mga pagsubok na pinagdaanan. Nangako ako kay mama na bibigyan ko siya ng isang maginhawa at masayang buhay paglaki ko, kaya gagawin ko ang lahat upang makatapos ako.

Malaki ang tampo ko sa aking ama pero sa kabila noon ay nagpapasalamat ako dahil kung hindi dahil sa kanya ay hindi ako magiging ganito kasigasig at katatag. Malayo man siya ngayon sa amin ni mama ay may isang bagay siyang naipamana sa akin, iyon ay ang hilig sa musika. Sa kanya ako unang natutong tumugtog ng gitara at pinaunlad ko na lamang ang kaalaman ko dito noong nawala na siya. Lagi kong kinakantahan si mama bago kami matulog upang sa ganoon ay mawala ang kanyang lungkot, nakakatuwa nga kasi siya ang tangi kong tagahanga habang tila nagkoconcert ako sa kwarto namin. Sasabihin nitong magiging magaling akong mang-aawit balang araw kaya naman naging pangarap ko na rin iyon. Kumuha ako ng Engineering pagsapit ko ng college. Isa kasi ito sa accredited na course para makapagsimula sa pagiging astronaut. Mahirap nga lang balansehin ang oras ko sa trabaho at pag-aaral, kaya upang makapag hanap buhay rin ako, matapos ang dalawang taon ko sa kolehiyo ay nagdesisyon akong lumipat sa mas magaan na kurso at ito ay ang Marketing. Nakakalungkot lang kasi isang pangarap ko ang kailanman ay hindi ko na maaabot. Habang tumatagal kasi ay lalong dumarami ang gastusin namin ni mama, kasama na dyan ang tuition ko sa university, kaya hindi ako maaaring tumigil sa paghahanap-buhay. Buti na lamang nga at isang araw, lumapit sa akin ang direktor mula sa ginawa kong proyekto dati at sinabi sa akin na naghahanap ang isang TV network ng mga bagong artista. Hindi ko ito pinalagpas dala ng aking pangangailangan noong panahong iyon. Kahit pa nga ilang daang tao pa ang pumila sa audition ay nagtiyaga ako sa ilalim ng init ng araw, nagbakasakaling mabigyan ako ng mas malaking oportunidad upang mapadaling matupad ang pangako ko sa aking ina. Hindi naman ako nabigo dahil ilang linggo lamang ang lumipas ay nakatanggap ako ng magandang balita mula sa pamunuan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 04, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

2GETHER (Start Of Forever)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon