Third Quarter

2.5K 225 214
                                    

Back to normal na dahil kailangang kumayod, pero hindi naman ako hipokrita para makalimutan lang basta-basta 'yong nangyari no'ng Linggo. At paano ko naman makakalimutan 'yong sinabi niya? Sinong lalaki ang magsasabi ng "I will only touch you if you want me to touch you" nang diretso sa mga mata ko?

Hindi ako manhid. Nahuhuli ko nga ang sarili kong napapangiti kapag inaalala ang mga sinabi niya, at umiikot ang mga laman-loob ko t'wing naalala ko si Champ.

"A, Loooooord," sigaw ko. "Kaya ko na ba? Am I ready? Genuine ba talaga siya? Parang tanga naman kasi." Kausap ko ang sarili ko habang nagmamadaling magsuklay. Napatingin ako sa salamin.

Nakangiti ako.

Sinampal ko nang malakas ang pisngi ko. Paano na? Dalawang linggo pa lang simula nang naging close kami. Paano kung hanggang ngayon lang 'to? Pa'no kapag pinayagan ko siyang makatapak sa personal space ko tapos biglang magiging toxic kami?

Hindi ko matanggal sa isip ko ang mga 'to kahit nang nagtatrabaho ako. Ang lungkot dahil tatlo lang ang pasiyente ko sa clinic, pero buti na lang at may home care ako. Pagkatapos kong i-treat ang home-care patient kong lola, binigyan ako ng juice at tinapay ng anak niya, si Tita Alma. Sila ang unang home-care patient ko, at dahil sa recommendation nila kaya nagkaro'n din ako ng mas maraming home-care patients. Kung tutuusin, mas malaki ang kinikita ko rito kaysa sa PT clinic mismo, pero ayaw ko namang bitawan 'yong isa.

Nagkukuwentuhan kami tungkol sa balita sa TV habang kumakain ako ng meryenda na binigay niya. Nagulat na lang ako sa biglaang talon ng topic. "'Nak," tawag niya sa 'kin, "single ka pa ba?"

Ngumiti lang ako. Iniiwasan ko kasi ang magkuwento tungkol sa personal kong buhay lalo na sa mga pasiyente. Pero si Tita Alma at ang pamilya niya ang pinaka-naging close ko at kumare din kasi siya ni Mama.

"Gusto mo may ipakilala ako sa 'yo?" dagdag niya.

"Single pa, Tita. Pero 'wag na po at hindi ako magaling sa ganyan-ganyan."

"May nanliligaw ba sa 'yo?"

"May . . . nagpaparamdam po."

"Ay, mumu?"

"Tita naman, e."

Tumawa si Tita Alma. "'Yong anak ng kumare kong nurse, pogi 'yon." Hindi ko naman hinihingi 'yong picture, pero si Tita na mismo ang lumapit para ipakita.

Mas guwapo si Champ, sabi ko sa utak ko.

"Sino si Champ?" tanong niya—na ikinalaki ng mata ko. Alam ko talaga sa sarili ko 'yon sinabi. "'Yong mumu ba 'to?" biro pa niya.

"Tita talaga, o!" sagot ko na lang habang kinakabahang natatawa. Napakagat ako sa kinakain ko. "Pero in fairness, guwapo nga 'yan."

"Di ba? Sabi sa 'yo, pogi, e."

Pinagpawisan ako ro'n. Buti na lang at nakalusot pa ako. Tango lang ako nang tango para hindi na niya maungkat ang tungkol sa sinabi ko. Siguro mga sampung minuto rin 'yon bago ako tuluyang nagpaalam. Habang pakomyut pauwi sa bahay, napasabi na lang ako ng "Wew, kamuntikan na 'yon."

Pero totoo namang mas guwapo si Champ kaysa do'n sa nirereto niya sa 'kin. Napa-reactivate tuloy ako ng Facebook nang wala sa oras dahil . . . wala lang. Gusto ko lang tingnan ang profile ni Champ. Come to think of it, puro kami chat sa Messenger kahit hindi naman kami contacts dito sa Facebook dahil nga nag-deactivate ko.

Ngayon ko lang makikita nang maigi ang profile picture niya. Thumbnail lang naman kasi sa Messenger. Kuha pala ng isang sports photojournalist—na contact din niya. Pagtingin ko sa profile niya—poof.

'Yong latest na post ay isang public album mula sa isang babae na ang pangalan ay Cheradee Feliz. Naka-tag kasi 'yong picture nilang tatlo—siya, si iPhone guy, at si DSLR guy. E, na-curious ako. Pagtingin ko sa ibang pictures, may isa na nakaakbay siya do'n sa Cheradee, tapos may apat pa na sila lang dalawa. Pero si Champ lang lagi 'yong kasama ni Cheradee. Birthday yata, e.

Buzzer BeaterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon