.
"Tumayo kana dyan na batugan ka tanghali na!"
"Putangina! Yung bunganga mo napakaingay!"
Dahil sa bumungad na ingay na yon ay unti-unti nang nagigising ang diwa ko. Pero nanatili akong nakapikit at nakiramdam sa paligid.
May naramdaman akong mainit sa kanang pisngi ko hanggang sa balikat kaya tuluyan ko nang naidilat ang aking mata.
Bukas na pala ang bintana kaya tumagos na ang sinag ng araw na humahalik ngayon sa balat ko. Ibig sabihin gising na si mama?
Nagunat-unat ako at dahan-dahang bumangon sa kutsyon at umupo. Teka, anong oras--
"Nakakasawa na yung bunganga mong putak ng putak!" Napalingon ako sa pintuan ng kwarto. Sino naman yun?
Mula sa pagkakaupo ay dali-dali akong lumabas ng kwarto. Agad kong nilibot ang paningin ko sa sala. oh, asan yung mga tao dito?
Napakunot ang noo ko ng makarinig ulit ako ng ingay. "Gago! Wala kang kwenta!" takte.
Napalingon ako sa malaking bintana na nakasentro sa gitna ng bahay namin. Rinig na rinig ko ang mga sigaw at malalakas na mura na nanggagaling sa--- na naman!?
Dahan-dahan akong humakbang papunta sa bintana para makita ang nangyayari sa labas.
Napangiti ako, ang gandang tanawin naman. Ngayon ko lang nalaman na hindi lang pala mga hayop ang may pakpak.
Dahil natatanaw ko ngayon ang mga lumilipad na baso, plato, kaldero at--- kutsilyo!? ampota.
"Oy! teka Ate Grasya!" Malakas na sigaw ko sabay turo sa kanila. Natigil sa ere ang kamay ni Ate Gracia na may hawak na kutsilyo.
Sabay silang tumingin sa'kin ng masama. Ay wao. "Huwag niyo kong tignan ng ganyan!" Naghanap agad ako ng pangpusod.
Saktong may nakapatong sa ibabaw ng hunos sunos sa gilid, dinampot ko 'to, "Sandali lang ah!" Minuwestra ko ang kamay ko sa kanilang dalawa sabay talikod.
Tumakbo ako sa gawi ng hagdan habang nagpupusod ng buhok at nagmadaling nagsuot ng tsinelas tsaka daliang bumaba.
Pagkaapak ko sa baba, nagulat pa ako dahil nakatingin sakin ang mga nag kakape sa kapihan ni Mama. Si Mama ay napalingon na rin sa gawi ko, "Huwag ka nang mangialam--!"
Dire-diretso lang akong tumakbo at hindi siya pinansin. Paglagpas ko sa linya ng bakod namin, marami na rin palang nakatunghay sa bintana nila Ate Gracia.
Winawasiwas pa rin nito ang kutsilyo sa harap ng asawa niya. Lumingon sila sa gawi ko. "Aiyang huwag mo na--" Tinaas ko ang palad ko kay Mang Ador kaya napatigil siya.
Tinawid ko ang kalsada at pumasok sa bakod nila. Dinoble ko na rin ang baitang na hinahakbang ko para mabilis na makaayat sa taas. Pagdating sa pintuan, malakas ko itong tinulak. Tangina.
Napangiwi ako sa nadatnan ko. Nagkalat na sa sahig ang mga nagkapirapirasong plato, bubog ng basag-basag na baso at ang mga damit na hinabol pa 'ata ng plantsa.
"Aiyang huwag kang mangialam papatayin ko na 'to!" Napaangat ang tingin ko kay Ate Gracia nang isigaw niya 'yon.
Lumapit ako sa gawi nila. Dahilan para itaas pa lalo ni Ate Gracia ang kamay niyang may hawak na kutsilyo.
Pero hindi ko sila pinansin at nilagpasan lang. Lumapit ako sa kuna at maingat na binuhat ang pumapalahaw ng iyak na sanggol.
Iyak pa rin ito ng iyak kaya hinele ko, "Sakin ka muna. Walang pakialam sa mundo yung mga tao dito." Pagkausap ko dito habang inuugoy nang naglalakad.
Nang mapatapat ulit ako sa mag-asawa, tinignan ko sila. "Tuloy niyo na yan, wala akong pake kahit magpatayan pa kayo."
