///
"You know people, sa tagalog ha. There's a saying, libre lang naman ang mangarap--" tuluyan nakong tumayo at hindi na pinakinggan pa ang sinasabi ng matandang lalaki. Walang ka-kwenta-kwenta lang naman ang mga lumalabas sa bibig niya.
"Tanga ba siya? tss." Mukha bang nangangarap ang isang tao dahil libre lang? Napatigil ako sa pinto at nilingon siya. Patuloy pa rin siya sa pagsasalita sa kanyang kinakatayuan habang may nakatutok na ilaw dito.
Maayos na polo, pantalong ilang beses pa atang dinaanan ng plantsa, relong kanina pa kumikislap tuwing natatamaan ng ilaw, at sapatos na halos pwede mo ng salaminan sa sobrang kintab. English ang madalas niyang salita kumpara sa pagtatagalog.
Ah kaya... Kaya pala ganyan na lang siya kung magsalita. Base sa postura at pananalita niya, hindi kami magkatulad ng estado sa buhay at posibleng ganon din sa mga taong dumalo sa "seminar" daw na 'to.
Napangisi ako. Pupusta ako, kaya siya nasa gitna ng entablado na 'yan hindi dahil gusto niya kaming maliwanagan o matulungan. Sinasabi niya lang 'yan dahil bayad siyang tumayo dyan sa gitna at magwaldas ng laway sa harap ng mga taong walang kaalam-alam na inuuto lang pala sila.
Malamang rin, kabisado na niya 'yang mga pinagsasasabi niya. Nakakatawa. Trabaho bang matatawag ang manloko ng tao? Para lang din siyang magnanakaw sa kalsada.
Ang pinagkaiba lang, may pinagaralan ang isang 'to. Marunong magpaikot ng tao kahit hindi tumatakbo. Siya yung tipo ng magnanakaw na makapal ang mukha. Buti di naging politiko 'to.
Tumalikod na'ko at lumabas na sa kwarto na 'yon. Hinanap ko agad ang daan papunta sa elevator ng building na 'to. Saktong pababa ito sa floor kung nasaan ako.
Pagpasok sa elevator ay pinindot ko ang ground floor. Napatingin ako sa repleksyon ko sa pinto nito. Hays. Minsan na nga lang ako mag suot ng matinong damit, masasayang pa.
Blouse na bihira ko lang suotin para 'di agad maluma, pantalon na binili ko pa sa ukay-ukay dahil wala akong pantalon kahit isa gawa ng hindi naman talaga ako nagpapantalon. at sneaker na hiniram ko lang sa kaibigan ko.
Magkano yung pamasahe papunta dito, trenta! eh pag uwi pa? edi sisenta na! Makakabili na sana ako ng tatlong delata 'don kung hindi lang ako pumunta sa seminar na 'to, na wala naman palang kwenta. kainis.
Napairap ako sa kawalan. Saktong bumukas na ang elevator at dire-diretso akong naglakad palabas pero napahinto ako nang matapat sa Reception Area ng building na to.
Alas kwatro na!? Anong oras akong umalis sa bahay kanina, mga alas dose! Mahigit apat na oras akong nagsayang sa wala!? peste. Tumuloy ako sa paglabas.
Napahilamos ako saking mukha at nagpameywang. Sa tagal ko sa loob, malamang nasanay sa malamig na temperatura ang katawan ko. Kaya daig ko pa ang pinasok sa loob ng takure sa init na nararamdaman ko ngayon.
May nakita akong 7/11 sa tawid kaya agad akong tumakbo at nakipagpatintero sa mga dumadaan na sasakyan. May narinig pakong bumusina dahil bigla siyang napapreno. Bahala ka dyan.
Binuksan ko ang pintong salamin at pumasok sa loob. "Welcome ma'am!" agad na bati sakin ng babae sa kahera. Ngumiti ako pabalik sa kanya. Inikot ko ang paningin ko sa loob. Siya lang mag isa?
Bukod sa mainit sa labas eh, nagugutom na din ako sa ilang oras na pagtunganga. Buti na lang binigyan ako ni mama ng pera. Kumuha ako ng siopao asado at tubig mineral.
Nagpaikot-ikot muna ako sa mga stall bago lumapit sa kahera. Nilapag ko ang binili ko at sinimulan niyang presyuhan. "Sheila bakit mag isa ka lang na empleyado?" tanong ko sa kanya.