///
Kitang kita ko ang malakas na pagtulak ng batang nakaheadband na pink sa kaibigan kong si Maris.
Napaupo ito sa lupa dahilan para pagtawanan siya ng nakapalibot sa kanila. "Hoy hala!" Sigaw ko habang tumatakbo sa kinapupwestuhan nila. Pagkalapit ko, agad kong tinulungan makatayo si Maris.
"So sino ka naman?" Maarteng tanong sakin ng batang nasa likod ko. Agad akong humarap dito, "Bakit mo siya tinulak ha?" Malakas na tanong ko dito.
Mas matangkad siya sakin ng konti pero mas malaman naman ako sa kanya. Nainis ako ng ginalaw galaw niya ang mukha niya na parang nang aasar.
"Hindi ka naman mukang poor ah. bakit kilala mo sila?" Nakapamewang na tanong niya sakin. Nakataas pa ang kilay niya habang tinitignan ako mula ulo hanggang paa.
Tinignan ko rin siya mula ulo hanggang paa. Nakaheadband na pink, kwintas na ginto, nakadress siyang dilaw at nakasandals na silver.
"Birthday mo ba bata?" nagtatakhang tanong ko dito. Mukhang naguluhan rin siya sa tanong ko dahil halata sa mukha niya na hindi alam ang sasabihin.
Nakarinig ako ng tawa mula kay Maris. Nilingon ko 'to pero tinaas niya lang ang hinlalaki niya. Nagtataka man ay ngumiti ako dito.
"No! Hindi ko birthday! Ganto lang talaga kagaganda ang mga dress ko kase ayaw ni mommy na matulad ako sa inyong mga poor!" Napalingon ako sa batang maarte dahil sa sigaw nito. Malalaki na ang mga mata niya.
Teka, bakit siya nagagalit eh nagtanong lang naman ako? Tsaka poor? Ano yun? Magtatanong pa sana ako pero nagulat ako dahil nagpauna sakin si Maris at tinulak ang bata.
"Salamat bata!" Bago pa ko makagalaw ay nahatak nako ni Maris habang tawa ng tawa. Narinig ko pa ang iyak ng bata pero hindi ko na 'to pinansin dahil tumatakbo na kami.
Napatingin ako sa mukha ni Maris, nakangit siya. "Bakit mo siya ti--"
Huminto siya, "Maglaro tayo ngayon Aiyang!" Masiglang sigaw nito kaya nahinto ko rin ang dapat kong sasabihin. LAROOOO!
Napangiti akong tumango. "Sige!" ngayon mas mabilis na ang takbo namin. Matagal tagal ko na rin kase silang 'di nakalaro kaya ang saya kong maglalaro ulit kami.
Nakilala ko si Maris ng isang beses na nang agaw siya ng pagkain sa isang bata. Kaya sinaway ko siya pero inaway niya ako.
"Bakit bibigyan mo ba ako ng pagkain pag binalik ko to sa kanya? nagugutom na ko eh!"
Kaya binigay ko sa kanya ang Singkwentang binigay ni Mama. Simula non lagi ko na siyang binibigyan ng pera. Nung nagtagal sinabi niya na hindi na siya hihingi ng pera, bigyan ko na lang daw siya ng pagkain. Naging magkalaro na rin kami at magkaibigan.
Huminto kami dahil nasa harap na kami ng bahay nila. Ang ngiti sa labi ko ay nanatili pa ring malaki.
Sabay kaming nagulat ng malakas na bumukas ang pinto nila. May lumabas ditong lalaking walang suot pang-itaas. Paatras itong lumabas habang buhat-buhat ang malaking kahon.
Pagharap nito samin, "oh, anong nangyari sa inyo?" natatawang tanong nito. Nilapag niya ang kahon sa gilid ng pintuan nila.
Siya si kuya Marcus. Mas matanda siya ng limang taon samin. "A-ah nagulat lang kami kuya!" sagot ni Maris.Hatak hatak ako ni Maris nang magtuloy tuloy sa bahay nila.
Huhubarin ko na sana ang tsinelas ko, "Huwag ka ng magyapak Aiyang, pumasok ka na lang." sabi ng kuya ni Maris. Tumango lang ako dito.
Pagpasok ko sa loob, inikot ko pa rin ang paningin ko. Pang ilang beses ko na 'tong punta sa kanila pero hanggang ngayon wala pa ring pinagbago.
Maliit lang ang bahay nila. Pinagtagpi-tagping kahoy ang kanilang kisame. Ang bubong nila ay yero na hinarangan ng karton. At ang sahig ay punit punit na yung pang sa sahig.
Nung unang dinala ako dito ni Maris, tinanong ko siya kung bakit ganito ang bahay nila. Sabi niya, kase daw hindi sila katulad samin. Mahirap lang daw sila.
Hindi na rin ako nagtanong simula non dahil parang nalulungkot si Maris. Siya lang ang kaibigan ko kaya ayaw kong napapalungkot ko siya.
Kumuha siya ng karton sa gilid ng pintuan nila. Tinignan niya muna kung malinis ito bago inalapag sa sahig. Alam kong para yun sakin, pag dun ako umupo.
"Aiyang ang galing mo pala makipag away nuh?" natatawang sabi niya. Tumalikod siya sakin at pumunta sa maliit na lamesang gawa sa kahoy. Tinignan niya ang mga kaldero at plato na nandon.
"Hindi naman ako nakipag away 'non. Nagtanong lang naman ako,magagalit si Papa pag nalaman niyang nakipag away na naman ako." sagot ko dito.
Binalik niya ang takip ng kaldero at humarap sakin. "Pag di ka nakipag away magiging lampa ka pag laki mo---KUYAAAAA WALANG MERYENDA??" tuloy tuloy na sabi nito at nilipat sa pintuan ang tingin.
Pumasok ang kuya niya, "Hindi pako nakapangalakal Maris, ikalma mo yang bulate mo sa tiyan." seryosong tugon nito sa kanya.
Ngumuso lang si Maris. Bigla kong naalala na may inabot si Mama sakin na pera, pambili ko daw yon ng pagkain pag nagutom ako kakalaro.
Dinukot ko ito sa bulsa ng short ko, "Ito pala, binigay ni mama!" Nakangiting sabi ko habang itinaas ang kamay kong may hawak na pera.
Lumaki ang ngiti ni Maris at lumapit sakin. "Teka Aiyang hindi na, bigay yan ng mama mo!" Sermon ni kuya Marcus pero nakuha na ni Maris sa kamay ko ang pera.
"Hoy Isang ibalik mo yan kay Aiyang!--"
"Kuya binigay na niya eh! hawak ko na oh!" sagot ni Maris na nasa labas na ng pintuan nila.
Nagpapalipat lipat lang ang tingin ko sa kanila. Nagugutom na rin kase ako. Natigilan ako ng tumunog ng malakas ang tiyan ko, napahawak ako dito.
Si Maris na nasa labas ay humagalpak ng tawa. Si kuya Marcus ay nakatingin sakin, "Nagugutom ka na?" hala mama ko po nakakahiyaaaa. Baka sabihin ginugutom ako samin.
Dahan dahan akong tumango. "O sige na Isang ibili mo na yan, samahan mo ng pagkain ni Aiyang, yung malinis ah! Mamaya maempacho to lagot ka sa magulang niyan!" Pagtatalak ni kuya Marcus.
Tumakbo na agad si Maris kaya naiwan ako dito sa kanila. "Nagpaalam ka ba sa inyo na pupunta ka dito?" tanong ni kuya Marcus habang nag tatanggal ng agiw sa sulok sulok.
Hindi ako nakasagot dahil hindi ako nagpaalam. Ang sinabi ko lang kay mama ay sa plaza lang ako pero hinila ako ni Maris papunta dito sa bahay nila.
"Aiyang?" nakatingin na siya sakin ngayon. Umiling ako. Hindi ko alam kung magaalit siya pero paniguradong sesermunan niya ako.
"Ano? Bakit ka--" bigla siyang tumigil. Bumuntong hininga siya at nagkamot sa ulo. "Pagkatapos niyo kumain, umuwi ka na sa inyo." Tumango ako.