Chapter 3: Huwag Kang Matakot

320 44 14
                                    

Huwag kang matakot
Hindi mo ba alam nandito lang ako

"Mira! Gising na! May bisita ka sa baba," sigaw ni Ninang Vicky, ang kasama ni Mira sa bahay. Buti na lang maaga akong pumunta sa bahay ni Mira, kung hindi pati ako male-late.

"Ang aga pa eh! Sino ba yan?" sigaw pabalik ni Mira. Ganito ba talaga sila manggising? Totoo naman. Maaga pa talaga. Alas singko y media palang eh. Hindi pa nga ako kumakain ng umagahan. Sa campus na lang ako kakain.

Pansin ko na hindi na sinagot ni Ninang Vicky yung tanong ni Mira. Imbes na tawagin pang muli si Mira ay inalok niya ako ng pagkain. "Bababa rin 'yun. Kumain ka muna."

Nahihiya pa ako nung una pero hindi na ako tumanggi. Unang-una, pagkain yung inaalok sa akin. Sino ba namang tatanggi sa pagkain 'di ba? Pangalawa, libre 'to! Makakatipid pa ako ng breakfast. At least may panlugaw ako mamaya pagkatapos ng klase.

Nakita kong bumaba si Mira na nagkukusot ng mata niya. Hindi talaga sanay 'to magising nang maaga, ano? "Sino ba yan, Ninang?" Halatang naiirita siya na naistorbo ang tulog niya.

"Hala siya. Halika na dito't kumain ka na ng umagahan." Tuwang-tuwa ako na hindi pa rin sinasagot ng Ninang niya yung tanong niya. Nagpakilala naman ako kanina kaya nga niya ako pinapasok.

Bakas sa mukha niya ang gulat nang makita niya ako. "Anong ginagawa mo dito?"

Nginitian ko siya, pilit na pinipigilan ang tawa. "Sabi ko, tutulungan kita, 'di ba?"

Narinig ko yung buntong hininga niya. Napasalo pa nga siya ng mukha niya eh. Dahil dun, hindi ko na napigilan ang tawa ko.

Pagkatapos naming kumain at maghanda si Mira para pumasok, agad kaming umalis para pumasok na. Kanina pa nabubwisit si Mira sa akin. Nang nakalayo kami sa bahay nila, sinuntok ako ni Mira sa braso.

"Aray naman! Para saan 'yon?" reklamo ko habang hinihimas yung bandang sinuntok niya.

"Bwisit ka!" pagdadabog niya. "Panira ka ng tulog!"

Natawa ako sa pagdadabog niya. Okay, noted. Ayaw niya ng naiistorbo ang tulog niya. Eh kaso 'yun nga ang role ko sa buhay niya ngayon — ang manggising.

Sa sobrang inis niya sa akin, binilisan niyang maglakad. Hindi ko na siya hinabol para hindi kami sabay pumasok sa classroom. Baka maghinala sila amin. Mahirap na ma-issue sa panahon ngayon.

Pagpasok ko sa classroom, nakaupo na si Mira sa pwesto niya. Nang makita niya ako, sumama ang tingin niya sa akin. Pinigilan kong matawa habang papunta sa upuan ko.

Napansin ni Chona na maagang pumasok si Mira ngayon. "Ang aga ni Mira ngayon, ah? Naunahan ka pa niyang pumasok."

"Segundo lang pinagkaiba namin, eh!" Ako pa ngayon ang dehado? Ako na nga ang nanggising para maaga siyang pumasok ngayon!

"Kahit na. Bakit kaya siya maaga ngayon?" pagtataka ni Tina. Kung alam niyo lang.

Kaibigan ko sina Chona at Tina mula nung Senior High kami. Magkakaiba kami ng degree programs na pinasukan pero sinusubukan naming maging magkaklase kahit sa isang course lang. Usually, mga Gen Ed subjects ang ginagawa naming common schedule namin.

Hindi lang ang mga kaibigan ko ang nakapansin na maaga si Mira, pati ang iba naming mga kaklase. "Aga mo ngayon, ah?" sabi ni Shiela sa kanya, seatmate niya madalas sa subject na 'to.

Kita kong rumolyo ang mga mata ni Mira. "Meron kasing maagang mambwisit sa bahay." Natawa ako sa sagot niya. Dapat pala hindi mo binibigla 'tong gisingin.

"Edi dapat pala laging may bumibisita sa 'yo sa bahay para hindi ka nale-late!" natatawang sabi ni Shiela. Pati ako, natawa sa sinabi niya. Ayan, tama yan.

Napatingin sa akin si Mira habang tumatawa ako kaya pinigilan ko na yung tawa ko. "H'wag ka ngang maingay!" awat ni Mira kay Shiela.

Bago pa man makasagot si Shiela ay dumating na si Mr. Samaniego. Hindi lang ang mga kaklase ko ang nagulat kay Mira, pati ang prof namin! Napansin niya agad na maaga si Mira ngayong araw. Malimit na ngitian ni Mr. Samaniego si Mira saka tinanguan ito.

Nakita kong nilingon ako ni Mira. Napangiti na lang ako nang malawak kasi alam kong may nagawa akong tama. Aba, ang Milagro, nirolyohan na lang ako ng mata. Nakakatawa talaga umasta 'to. Baka ganun talaga siya magpasalamat? Sige na nga, welcome na lang.

Mag-iisang linggo na rin magmula nung unang beses ko siyang pinuntahan sa bahay niya para gisingin siya. May nakalaan na ngang breakfast para sa akin sa bahay nila eh. Napapansin din ng mga kaklase namin ang presensiya ni Mira. May mga naging kaibigan na nga ata siya sa Rizal course namin.

Isang linggo na rin kaming kumakain ng lugaw pagkatapos ng mga klase namin sa araw na yun. Sa tuwing kumakain kami ng lugaw, kung ano-ano napag-uusapan namin. Pero iba 'tong usapan namin ngayon.

Nag-aya kasi minsan si Mira mag-aral sa bahay isang beses para sa quiz namin sa Rizal pero tumanggi ako. "Bakit ayaw mo sa bahay niyo mag-aral? Mas okay nga yun eh. Walang istorbo."

Umiling ako. "Bawal akong mag-uwi ng babae sa unit ko," dahilan ko. Totoo naman 'yon. Pinagbawalan ako ng magulang ko na mag-uwi ng babae para siguradong hindi ako matutukso sa kanya. Bantay-sarado din ako ng Kuya ko kasi nagre-report lagi yung bantay sa lobby kung sino mga inuuwi ko sa unit.

"Nasaan nga pala yung pamilya mo?" tanong sa akin ni Mira sa pagitan ng mga pagsubo niya ng lugaw.

Napabuntong hininga ako sa pag-alala sa pamilya ko. Nagsimula akong nagkwento tungkol sa mga magulang ko. "Nasa abroad parehas yung magulang ko. Magre-retire na sila kapag nakapagtapos na ako sa pag-aaral." Bata palang ako, nagtrabaho na sila sa Dubai. Doon nga ako nabuo eh. Inuwi lang nila ako sa Pilipinas para makasama ang mga kapatid ko.

"Bale, bunso ka?" Tumango ako. "Ilan kayong magkakapatid?"

"Apat. Lahat may kanya-kanyang pamilya na, pwera sa isa kong kuya." Si Kuya Hero, panganay sa aming magkakapatid, ay nasa London kasama ang pamilya niya. Hindi talaga kami close ni Kuya kasi malayo ang agwat naming dalawa. Minsan lang din kaming mag-abot sa video call.

Nasa Amerika naman ang katangi-tangi kong kapatid na babae na si Ate Inna. Nakatanggap na kasi ng green card yung asawa niya kaya binigyan siya ng petition. Magmula nung natanggap niya yung petition mula sa asawa niya, hindi na siya nakabalik sa Pilipinas. Mahal daw kasi yung ticket.

Nasa Metro Manila naman si Kuya Jake, nagtatrabaho. Siya na siguro yung pinaka-close ko sa mga kapatid ko, pero hindi pa rin kami super close. Bumibisita siya sa akin kapag may one-week holiday sa Manila. Madalas niya akong tinatawagan para masigurong ayos lang ako. Mas madalas ko siyang makausap kumpara kina Mama at Papa.

"Oh." Nag-abot ng tissue si Mira. "H'wag kang umiyak."

Napahawak ako sa mukha ko. Wala namang luha eh. Binibiro lang pala ako ni Milagro.

"Alam mo ikaw. . ." sabi ko saka kinurot ang pisngi niya kaya napa-aray siya nang malakas.

Sabay na lang kaming natawa sa inasta naming dalawa. Paano ako iiyak nito kung lagi niya akong pinapatawa, 'di ba?

Lugaw at Ikaw (Karaoke Nights, #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon