Chapter 7: Pag-ibig Na Kaya (2)

182 30 13
                                    

Tuwing ika'y lalapit sa akin
Ako'y parang natutulala

Nakalipas na ang term break namin. Napag-usapan namin ni Mira na sabay kaming mag-take ng LIT1 ngayong term. Kasama na rin namin sina Chona, Tina, at Pierre.

Bukas na ang umpisa ng bagong term namin kaya napag-usapan naming magkakaibigan na mag-karaoke night bago simulan ang term. Isa pa, para na rin mabuhos ni Chona lahat ng galit niya sa ex niya sa kanta kaysa mabuntong niya sa ibang tao.

Kaka-break lang nila noong isang linggo. Nakipag-break yung boyfriend niya mismo kasi aalis daw siya ng bansa. Hindi raw niya kaya yung long distance relationship. Kaya ayan, hindi lang kumakanta si Chona. Humahagulgol pa habang damang-dama niya yung kanta.

"Where do broken hearts go? Can they find their way home?" birit ni Chona.

Napailing na lang ako sa kanya. Naaawa na ako sa kaibigan ko. Ngayon ko lang yata nakitang ganito damdamin ni Chona ang mga kanta sa karaoke.

Mahilig siyang kumanta ng mga senti songs pero hindi niya iniiyakan ang mga 'yon. Ngayon, grabe yung hagulgol niya eh.

"Ilang taon ba sila nung ex niya?" tanong ni Mira. Ngayon lang niya nalaman yung nangyari kay Chona.

Inalala ko yung kwento sa akin ni Chona dati. "Sa pagkakaalala ko, halos tatlong taon din naging sila." Okay naman para sa akin si Jerry nung sila pa. Alagang-alaga si Chona kay Jerry nung sila pa. Akala nga ni Chona si Jerry na mapapakasalan niya kasi botong-boto raw sa kanya yung mga magulang ni Jerry.

Tapos ganito iiwan ni Jerry si Chona. Sino ba namang hindi masasaktan dun 'di ba? Pero kahit sandali ko lang nakilala si Jerry, alam kong mabait 'yon. Nakakagalit lang na sinaktan niya yung kaibigan ko.

Matapos ang dalawang kanta ni Chona ay pumalit naman si Tina. Sakto namang dumating si Amy, ang nililigawan ni Pierre. Kita ko ang selos sa mata ng kaibigan kong si Tina. Binaling na lang niya ang tingin niya sa karaoke machine habang pinapatugtog ang kanta niya.

"Bakit ang lulungkot ng mga kaibigan mo ngayon?" nagtatakang tanong ni Mira. "Ikaw ba, malungkot ka rin ba?" Cute naman. Concerned?

Umiling ako. "Hindi naman. Malungkot lang ako para sa kanila. Hindi nila deserve yung ganitong trato." Mas lalo lang akong nalungkot nang isipin ko kung paano sila tratuhin ng mga taong mahal nila. "Dapat sa kanila, tinatratong mga prinsesa. Iyong tipong dapat umiiyak lang sila dahil sa tuwa, hindi dahil sa sakit."

Nang lumingon ako sa kanya ay nakita ko ang pinakamagandang ngiting nakita ko ngayong araw. Siguro dahil malungkot halos lahat ng tao sa paligid ko ngayon. "Ibang klase mo mahalin ang mga kaibigan mo, ano?" Nilingon niya ang kaibigan kong sawi. "Lalo na siguro sa mga naging girlfriend mo, 'no?" halos pabulong niyang sabi.

Napatingin ako sa kanya sa sinabi niya. Pabulong 'yon pero rinig na rinig ko. "Siguro. Hindi ko pa alam eh. Wala pa akong naging girlfriend eh." Nagulat siya sa sinabi ko. Ano bang kagulat-gulat d'on?

"Weh?" Bad trip.

"Wala pa nga." Hindi ba pani-paniwala? Nahulaan nga agad ni Chona nun na never pa ako nagkaroon ng jowa.

"Ano bang tipo mo sa babae?" tanong ni Mira. Unang beses yata naming pag-usapan yung ganito. Pinag-isipan kong mabuti ang isasagot ko.

"Simple lang," panimula ko, "gusto ko lang ng taong makakausap ko habambuhay ng iba't ibang topic. Iyon bang komportable akong makausap kahit ano pa ang pag-usapan namin." Naalala ko na naman yung na-imagine kong future ko. "Ikaw ba, anong tipo mo sa lalaki?"

Kahit medyo madilim, kita kong namula ang tenga niya. Hmm, cute naman. Matagal bago niya sagutin ang tanong ko. "Simple lang din," panggagaya niya sa sagot ko, "iyong tatratuhin ako nang tama. Iyong hindi ako iiwan."

Unti-unti niya akong nilingon. Hindi ko inalis ang pagtingin ko sa kanya. Kung sa nakaraang dalawang buwan ay malabo pa yung nakita kong future ko, ngayon ay malinaw na. Ang dating siguro sa akin ay sigurado na ngayon.

_____

Pagkatapos naming magkantahan ay hinatid ko na ang mga kaibigan ko. Una kong hinatid si Tina kasi siya yung pinakamalapit sa may karaoke hub. Pinauna ko na rin kanina sina Pierre at Amy. Alam ko naman didiskarte pa si Pierre kay Amy kaya hinayaan ko na.

"Bawal gumawa ng katangahan pagbalik mo sa kwarto mo," bilin ko kay Tina. Ibig sabihin, bawal niyang tawagan o i-text si Pierre dahil lasing na naman siya. Ibinilin ko sa kapatid niya yung cellphone ni Tina para siguradong wala siyang gagawin katangahan.

Sunod kong hinatid sa unit niya si Chona. Buti na lang nasa iisang building lang silang dalawa. "Ikaw naman, bawal ka nang uminom. May pasok pa tayo bukas." Nagreklamo pa siya pero bumagsak kaagad siya sa kama niya. Tinapon ko sa inidoro niya lahat ng nakita kong alcohol sa ref niya. Mahirap na. Mag-isa pa man din siya ngayon sa unit niya.

Nang maihatid namin ang dalawa kong lasing at sawing kaibigan ay sinunod ko naman si Mira. Buti na lang hindi rin siya naglalasing. May kasama akong mag-alaga ng mga kaibigan ko.

Tinext ko naman agad si Pierre para i-inform siya na naihatid ko na ang bestfriend niya.

Kino
Nakauwi na pala si Tina. Kagagaling lang namin sa building nila.

Pierre
Salamat, bro. Ingat kayo ni Mira sa pag-uwi.

Kino
Salamat. Ingat din kayo ni Amy.

Ayos naman si Pierre eh. Mabait nga siya, kaya nga nagustuhan ni Tina yung tao. Sadyang manhid lang sa pakiramdam ng kaibigan ko.

Nakausap ko minsan si Pierre tungkol kay Amy. Malinis naman ang intensyon niya sa tao. Mukhang tinamaan din si Pierre sa kanya eh. Kaya hindi ko rin masisi yung tao. Hay.

Nang malapit na kami sa bahay nila Mira ay kita naming nakaabang si Ninang Vicky. Parang matagal na yata siyang nag-aabang sa balkunahe nila kaya binilisan namin ang lakad namin.

Nung matanaw niya kami ay agad siyang napatayo mula sa upuan nila. Nakaramdam ako ng kaba nung makita kong nagbago ang ekspresyon ni Ninang Vicky.

"Ninang! Ano pong ginagawa niyo dito sa labas?"

"Mira," tawag niya sa Mira na may kasamang tono na hindi ko maipaliwanag. Ramdam ko ang kaba sa boses ni Ninang Vicky. "Tumawag ang nanay mo."

Lugaw at Ikaw (Karaoke Nights, #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon