Chapter 6: Pag-ibig Na Kaya (1)

216 41 37
                                    

Laging ikaw ang aking nakikita
Ano ba ang nadarama ko tuwing ikaw ay kasama

7:25 a.m.

Iyon ang basa ko sa orasan sa cellphone ko. Sinubukan kong bumangon kasi sobrang late na ako sa consultation period namin sa Rizal. Last day na namin yun. Doon din ipamimigay sa amin yung grades namin kaya required kami pumasok.

Kinusot ko ang mga mata ko kaya naramdaman kong mainit ako. Agad kong hinanap yung thermometer sa first aid kit na nilagay ni Kuya sa banyo ko. Inipit ko 'yon sa kili-kili ko at naghintay na lumabas ang resulta. Nang marinig ko beep sound nito ay agad kong tinignan ang temperatura ko—38°C.

Tinext ko agad si Chona nang malaman kong may sakit ako. Hingin ko na lang sa kanya yung grades ko sa Rizal.

Kino
Chona, hindi ako makaka-attend ng consul ngayon. May lagnat ako. Pakuha na lang ng grade ko sa mga subjects natin. Pag hindi naniwala yung prof, ipakita mo na lang yung picture na sinend ko.

Chona
Sige. Pahinga ka, friend.

Nag-send ako ng picture ng thermometer na ginamit ko para may pruweba si Chona. Itinulog ko na muna kasi medyo nagsisimulang sumakit yung ulo ko. Baka mauwi pa sa migraine. Hindi pwede.

_____

Nagising ako sa tunog ng doorbell ng unit ko. Tanghali na at kagigising ko lang. Nanghihina pa rin ako pero pinilit kong buksan yung pinto. Nagulat ako nang makita si Mira sa harap ko.

"Na-late ako kanina sa consul. Mga 5 minutes lang naman kaya abot sa grace period," pagkukwento niya. Hindi ko pa rin ma-digest na nandito siya sa harap ko. "May sakit ka raw?"

Wala na akong masabi kaya tumango na lang ako. She invited herself to my own place. Pumasok na lang siya kahit hindi ko pa siya pinapapasok. Napakamot na lang ako sa batok. First time kong may kasamang babae sa unit ko. Hindi ko alam ang gagawin ko.

Never kong inimbita dito sina Chona at Tina kahit na kaibigan ko sila. Silang dalawa lang ang pinagsabihan kong may sakit ako kaya hindi ko alam paano nalaman ni Mira. Alam din nilang dalawa na hindi ako nagdadala ng mga babae sa unit ko.

Agad akong nag-chat sa group chat namin para magtanong tungkol kay Mira.

Kino
Paano nalaman ni Mira?

Tina
Nagtanong eh. Malamang sinagot namin.

Kino
Bakit niyo naman pinayagang pumunta dito?

Chona
Nagpumilit eh. Sabi ko, ipapaabot na lang namin dun sa bantay sa lobby. Ayaw niya.

Tina
Alagaan ka na raw niya.

Napasalo na lang ako sa ulo ko sa katigasan ng ulo ng mga kaibigan ko. Nung inangat ko ang ulo ko, napakasama ng tingin sa akin ni Mira. "Nakapag-explain na ba sina Chona at Tina o kailangan mo pa yung explanation ko?"

This time, ako naman ang nagrolyo ng mata. Napakasungit.

"Mahiga ka na d'yan. Ipapainit ko lang yung pagkain na dala ko," utos niya sa akin.

Sinunod ko ang utos niya. Pinanood ko siya habang hinahanda niya yung pagkaing dala niya. Kung kumilos siya ay parang kabisado na niya yung unit ko kahit na unang beses palang niya nakapunta dito.

Itinali niya yung buhok niya para mas maging maaliwalas ang ginagawa niya. Kinuha niya yung kalderong katatapos ko lang hugasan kagabi. Tinignan niya kung basa pa 'yon o hindi saka nilagay sa kalan. Binuksan niya yung kalan nang walang kahirap-hirap saka ibinuhos ang sabaw na baon niya.

Naglabas siya ng pamunas saka pumunta sa banyo ko. Ano na naman kaya ng gagawin niya? Nako, buti na lang pala natanggal ko na yung mga sinampay kong brief kagabi. Kung hindi, nakakahiya kay Mira! Narinig kong binuksan niya ang gripo. Paglabas niya ay may dala na siyang maliit na palangganang may tubig.

Pinuntahan niya ako sa kama ko at piniga ang pamunas na dala niya. Pagkapiga ay agad niyang ipinunas ito sa mukha ko. Ramdam ko ang lamig ng tubig sa mukha ko kahit napiga niya na yung pamunas nang maigi.

Ngayon ko lang napagmasdan nang ganito kalapit si Mira. Ngayon ko lang napansin na hindi naman masyadong singkit si Mira; hindi rin sobrang bilog. Katamtaman lang. Hindi rin siya sobrang puti o sobrang itim. Sakto lang. Yung buhok niya naman, bagsak sa may bandang taas pero unti-unting nagiging wavy sa may dulo. Hindi rin siya sobrang payat, hindi rin sobrang taba. Tama lang.

Si Mira yung klase ng kapeng masarap inumin sa umaga—yung tamang tipla. Hindi masyadong mapait; hindi rin masyadong matamis. Walang labis, walang kulang.

Matapos niya akong punasan ay nilagay niya sa noo ko ang kapipigang pamunas. Agad niyang pinuntahan ang pinapainit niyang sabaw. Hanggang dito naaamoy ko yung niluluto niya. Buti na lang wala akong sipon. Natakam ako sa amoy nung pagkain.

Pagbalik niya ay may dala na siyang bowl ng sabaw. "Kumain ka muna," sabi ni Mira.

"Salamat, Mira," sabi ko sa kanya na may kasama panghihina. "Pwede ka nang mag—"

"Mag-asawa?" pagputol sa akin ni Mira.

"Maging nurse," tuloy ko. "Ikaw, ha. . . Hindi ba Nursing ang kinuha mong degree?"

Natawa na lang si Mira. Napahiya siguro. "Sorry. Iyan kasi ang laging sinasabi ni Ninang Vicky kapag inaalagaan ko siya tuwing inaatake siya ng altapresyon niya." Napaisip tuloy ako. Ano kayang itsura ni Mira kapag kinasal na siya?

Siguro ganito rin niya alagaan yung magiging asawa niya. Panigurado lulutuin niya yung paborito niyang pagkain para sa asawa niya at sabay nilang kakainin yun. Malamang kahit lugaw lang yung kinakain nila, masaya silang kumakain nun habang kung ano-ano ang pinagkukwentuhan nila.

Ganun kasi ang nararamdaman ko kapag kumakain ng lugaw kasama si Mira. Kahit na lugaw na siguro ang pinakamurang pagkain sa mundo, paulit-ulit ko itong kakain makasama't makausap ko lang si Mira. Hindi lang masarap kumain ng lugaw kasama siya, masarap din siyang kausap. Pakiramdam ko nga kahit anong topic, pwede kong kausapin si Mira. Mag-e-enjoy pa rin kaming mag-usap habang kumakain ng lugaw.

Iyon lang naman ang gusto ko sa isang relasyon—ang ma-enjoy kong kausapin ang tanging taong makakasama ko habambuhay. Iyon bang kahit ano pang pag-usapan niyo, komportable ka pa rin makipag-usap d'on sa taong 'yon. Ganun.

"Ayan, kumain ka muna ng lugaw bago ka bumalik sa tulog," sabi niya habang pinapakain ako. Gusto ko tuwing may sakit ako, ganito ako alagaan ng magiging asawa ko. Paglulutuan niya ako ng lugaw saka niya ako susubuan.

Sinubukan kong mag-imagine ng future ko, kapag kinasal na ako. Nandun ako sa bagong bahay namin. Kararating ko lang galing trabaho. Naaamoy ko ang lugaw na niluluto ng asawa ko. Kita ko ang likod niya sa kusina. Pinuntahan ko siya para lambingin. Niyakap ko siya mula sa kanyang likod para batiin. Nang humarap siya, nakita ko ang katamtamang bilog na mga mata ni Mira, ang saktong kayumanggi ng kanyang kutis, at ang bagsak na buhok niya sa itaas na kalaunang nagiging wavy sa dulo.

Doon ko napagtanto kung ano ang nakita ko sa future ko. Nandun si Mira.

Lugaw at Ikaw (Karaoke Nights, #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon