Three Of Three

360 21 2
                                    

Samantha
04252020


Hindi ko alam kung paanong nakauwi ako nang maayos dahil hanggang ngayon ay wala pa rin ako sa tamang katinuan matapos ang nangyari kaninang umaga.

"Anak!"

Bumungad sa akin ang aking ina na halos madapa pa sa bilis nang paglapit sa akin. Hinaplos nito ang aking magkabilang pisngi at hinalikan ako sa noo. Sinuri pa ako nito ng tingin upang masigurado na walang anumang nangyaring masama sa akin saka ako niyakap nang mahigpit. Nasa likod nito ang aking ama na bakas sa mukha ang labis na pagaalala. Gusto kong umiyak sa harapan nila habang nasa loob ako ng kanilang bisig ngunit ni isang patak ay walang tumulo. Gusto kong isigaw lahat ng salitang nasa isip ko pero tila ba ay napipi ako at maski ibuka ang bibig ay hindi ko magawa. Gusto kong isumbong sa mga ito kung gaano kasakit yung nararamdaman ko pero para bang pakiramdam ko ay wala na akong buhay. Gusto ko na lang ipikit yung mga mata ko. Gusto ko na lang matulog nang matagal na sana ay sa muling pagmulat ng mga mata ay malaman kong panaginip lang ang lahat.

"Ayos ka lang ba Sam? Kausapin mo naman si mommy. Nagaalala na kami sa'yo." mangiyak-ngiyak na sabi nito sa akin habang hawak ang aking mukha.

Tinitigan ko lamang ito na para bang hindi naiintindihan ang mga sinasabi.

"Sam naman. Magsalita ka naman a-anak." nabasag na ang boses nito nang isa-isang nagpatakan ang mga luha sa mata niya.

Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Nakatayo lamang ako habang nakatingin at pinapanood ang mga nangyayari. Hindi ko na kayang iproseso ang lahat. Masyado nang maraming nangyari sa araw na ito. Sumasakit na ang ulo ko.

"Sam." tawag ng aking ama sa pangalan ko.

Hindi ko ito pinansin. Maglalakad na sana ako patungo sa aking kwarto ng bigla akong mapatigil at makaramdam ng hapdi sa may kaliwang pisngi ko. Nagawi ang tingin ko sa may gilid ko saka hinawakan ang pisngi.

"Akala mo ba ikaw lang ang nahihirapan sa sitwasyong ito? Akala mo ba ikaw lang ang nasasaktan? Sam sa tingin mo ba hindi kami nasasaktan kapag nakikita namin ang anak naming nagkakaganito? Mahigit isang taon ka rin naming nakitang wala sa sarili. Sa mahigit na isang taon na iyon, tiniis namin na huwag ipakita sa'yo yung nararamdaman namin dahil baka mas lalo lang lumala ang sitwasyon mo. Nahihirapan din kaming mga magulang mo sa tuwing nahihirapan ka." sabi nito sa akin habang pinipilit naman siyang pakalmahin ng aking ama.

Hindi ako makatingin ng deretso sa mga ito dahil sa sobrang hiya. Alam kong mali ako. Maling-mali ang mga pinaggagagawa ko.

"Hindi namin alam kung anong nangyayari sa'yo. Hindi namin alam kung ano bang nasa isip mo. Alalang-alala na kami ng tatay mo. Baka mamaya makita ka na lang namin na nakabulagta sa kung saan habang bumubula yang bibig mo." tumigil ito sandali. "Hindi ko kakayanin na bigla ka na lang mawawala sa amin. Hindi ko kayang makita ang sarili kong naglilibing ng sarili anak." sabi nito saka ako hinawakan sa mukha. "S-Sam, anak, kausapin mo naman kami. Makikinig naman kami sa'yo. Wag naman yung ganitong iiwan mo kaming walang kaalam-alam sa nangyayari. Gusto ka naming tulungan pero hindi namin yun magagawa kung wala kaming nalalaman." patuloy pa rin ang pag-iyak na sabi sa akin ng aking ina. Marami pa itong gustong sabihin ngunit pinili na lamang nitong pigilan ang sarili dahil baka may masabi pa itong hindi maganda.

Akala ko ay hindi na ako iiyak. Akala ko ay wala ng luhang papatak pa dahil naubos na kanina pero nang makita kong umiiyak ang aking magulang sa harapan ko habang nagmamakaawang kausapin ko sila ay parang dinudurog muli ang aking puso.

"S-orry, mom. Sorry, d-dad. I'm sorry. Sorry." ang kaninang tila napipi kong bibig ay biglang bumuka at nagsalita.

Napaluhod na lamang ako sa harapan nila atsaka humagulgol ng iyak. Ibinuhos ko ang lahat ng sakit sa pag-iyak. Lumuhod din ang mga magulang ko atsaka ako niyakap.

"S-Sorry po. H-Hindi ko po sinsadya. Ang s-sakit lang kasi t-talaga. S-Sobrang sakit." paulit-ulit lang akong humingi ng pasensya sa kanila.

Masyadong natuon ang atensyon ko sa nararamdaman ko para kay Elara na hindi ko na namalayan na hindi ko na pala nabibigyang pansin iyong mga taong nagmamahal sa akin na nasasaktan din sa tuwing nasasaktan ako. Gumawa ako ng mundo at ikinulong ang sarili ko sa pagaakalang ako lang ang makakaintindi sa sakit na nararamdaman ko pero nagkamali ako. Nakalimutan ko na sila nga pala yung unang naging kakampi ko noong mga panahong nagsisimula pa lamang akong buuin ang sarili ko.

Status Update Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon