WARNING: This story may contain strong language, adult content, depictions of sex, violence, religions, and elements that are not suitable for some audiences. Read at your own risk.
"LAKLAK ka nang laklak! Mukha ka nang parak!"
Hataw na hataw si Muyok sa pagbirit sa videoke. Palibhasa'y sinapian na ng espiritu ng alak kaya nagwawala na ang boses. Hindi niya alam, pati mga asong gala ay nagwawala na rin sa labas. Kulang na lang ay wasakin ang bakod niya para lang lapain siya.
Kabilin-bilinan ng lola
'Wag nang uminom ng serbesa
Ito'y hindi inuming pangbata
Mag-softdrinks ka na lang muna
Pero ngayon ako'y matanda na
Lola pahingi ng pantoma
Isang ale ang dumungaw sa bintana. "Hoy, Muyok! Magpatulog ka naman! Papatayin mo ba kami sa bangungot?"
Sakto ring natapos ang pag-awit ni Muyok kaya nakamit din ng mundo ang kapayapaan. Pati mga kainuman niyang namumula na sa pagkalasing ay lalo pang namula sa kakatawa sa kanya.
Birthday ni Muyok kaya nag-arkila siya ng videoke sa harap ng bahay. "Ano'ng masasabi n'yo? Ayos ba? Sagot! Ngayon narinig n'yo rin ang aking talento na hindi n'yo inakala!" pagmamayabang pa ni Muyok na hindi na alam kung saan uupo sa labis na kalasingan.
"Sa madaling salita, talentong ikaw lang ang naniniwala!" banat sa kanya ng isang barkadang mahilig mambara.
Isang palo sa ulo ang tinamo nito matapos insultuhin si Muyok. "Mainit na nga ang panahon, pinaiinit mo pa ang ulo kong hayop ka!" Tawanan ang iba pa nilang kasamahan.
Pare-parehong may saltik na sa utak ang magbabarkada kaya wala nang ginawa kundi pagtrip-an si Muyok. "Isa pa! Isa pa! More!"
Nagsalita ang isa sa kainuman niya at nag-request ng kanta. "Kantahin mo naman 'My Way' para matsugi ka na!"
Umugong muli ang tawanan. Sa lugar kasi nila ay may kumakalat na kuwento tungkol sa mga lalaking minamalas at namamatay matapos kantahin ang 'My Way' sa mga videokehan.
Pumili ng kanta si Muyok. Lumabas ang titulong "Halik ni Hudas" sa screen. Pagka-start ng tugtog ay humedbang ang mga kasama niya.
Mga asong naloloko
Nagpapanggap na tao
Pangakong matamis
Puro langaw at ipis
Sa bawat tabi at sulok
Pagkatao'y nabubulok
Nakalubog na sa kabaong
Lalo pang binabaon
Isang nagrorondang tanod ang napadaan sa kalsada. Parang mga pusang nabulabog ang magbabarkada at inawat si Muyok sa pagkanta. Alam kasi nilang bawal na ang mag-videoke pagdating ng hatinggabi. Si Muyok lang talaga ang pasaway at ayaw makinig. Hindi na rin nagtagal ang kanilang inuman matapos masabihan ng tanod.
Kinabukasan, habang naglalakad sa daan ay may nakasalubong na matabang lalaki si Muyok. May tulak itong kariton na punong-puno ng mga case ng alak. Huminto ang lalaki nang magkatinginan sila.
"Gusto mo bang bumili?" nakangiting tanong ng matabang lalaki.
"Ano ba'ng meron d'yan?"
"Mga alak na kung tawagin ay Black Dragon. Ako mismo ang nagtimpla at gumawa. Mura lang ito, bossing. Sa halagang isang daan, may limang bote ka na."
BINABASA MO ANG
Regal Shocker
Kinh dịBabala: Hindi pangkaraniwan ang mga kuwentong mababasa mo rito. Kung mahina ang iyong loob, huwag mo nang ituloy ang pagbabasa.