SA PAGSAPIT ng mahal na araw, naisipang gumala ng magtotropa sa Baryo Kurusawa ng Gregorio City.
Dito matatagpuan ang puno na diumano'y nagmimilagro at nagbibigay ng lunas sa kahit anong sakit.
Puno ng hiwaga ang puno ng Baryo Kurusawa. Tuwing mahal na araw ay lumilitaw sa katawang kahoy nito ang mukha ng mga santo.
At sinumang humawak o magdasal sa punong iyon ay gagaling mula sa dinadalang karamdaman.
Marami na ring nakapagpatunay na totoo ang pagmimilagro ng puno kaya tuwing holy week ay dinadayo ito at pinagkakaguluhan.
Kahit mga walang sakit ay dumadalaw na rin at nag-aalay ng dasal sa pagbabakasakaling makakatanggap ng biyaya.
Si Anya Shan ay kanina pa balisa habang nakatanaw sa bintana ng kotse. Napansin ito ng nobyo niyang si Jayvee kaya umakbay ito sa kanya.
"Ayos ka lang ba?"
"Medyo kinakabahan lang," hindi maiwasang magduda ni Anya Shan sa milagrosong puno. Tumitindi ang sakit niya sa puso at ayon sa duktor ay nanganganib pa siyang maoperahan.
"Bakit ka naman kinakabahan?" usisa ng nobyo niya.
"Alam mo namang hindi ako naniniwala sa milagro. Napilitan lang ako dahil sa sakit ko. Kinakabahan ako kasi baka walang mangyari."
"Huwag ka mag-isip ng ganyan at lalo lang lalala ang sakit mo. Always think positive." Inilapit ng lalaki ang ulo nito sa kanya sabay halik sa balikat niya. "I'm always here for you."
"Thank you." Puno pa rin ng pag-aalala ang isip ni Anya Shan. Hindi siya mapapanatag hangga't hindi dumadapo ang milagro sa kanyang kalagayan.
Pasadong alas-dos na ng tanghali nakarating ang kanilang sasakyan sa baryo. Naghanap muna sila ng makakainan bago pinuntahan ang banal na puno.
"Isang kanin at giniling pa nga!" tawag ni Rhiko sa tindera ng karinderya."Ano ka ba! Kaya lalong lumolobo 'yang katawan mo dahil sa katakawan mo!" sita sa kanya ni Erika.
"Hayaan mo na. Hindi na naman siguro nakapag-almusal 'to kaya gutom na gutom," tumatawang pakli ni Jayvee na nakaabay pa rin sa nobya.
Pagkatapos kumain ay nilakad na ng apat ang tulay patungo sa Baryo Kurusawa. Sa di kalayuan pa lang ay tanaw na nila ang banal na puno.
Bilang na lang sa daliri ang nakapila rito.
Bago pa sila makalapit dito, isang matangkad na lalaki ang humarang sa kanila. "Dayo rin ba kayo rito?"
"Opo," mabilis na sagot ni Anya Shan.
"Ngayon pa lang kayo nagpunta rito?"
"Opo. Medyo natagalan kasi kami dahil sa traffic."
"Bakit ngayon pa? Dapat kahapon na lang sana o kaya sa mga nakaraang araw. Hindi ngayong Biyernes Santo."
Nagkatinginan ang apat.
"Bakit naman po?""Wala ba kayong alam sa lugar na 'to?"
Pawang nablangko ang utak nilang apat. Lahat sila ay nagtaka sa sinasabi ng lalaki.
"Tuwing alas-tres ng hapon lahat ng tao rito nagiging halimaw! Nagpapatayan sila at lahat ng nilalang na makita ay kakainin nila nang buhay, kauri man o hindi!"
"A-ano po?" pilit na kinalma ni Anya Shan ang sarili gawa ng karamdaman sa puso. Ayaw niyang dapuan ng takot.
"Delikado ang lugar na 'to sa tuwing sasapit ang Biyernes Santo. Kahit mga pulis ay hindi nagpupunta rito. Kaya kung ako sa inyo, bilisan n'yo na ang pakay n'yo sa banal na puno tapos umalis na kayo agad! Huwag n'yo na hintaying pumatak ang alas-tres at baka sa Linggo na kayo makaalis!"
BINABASA MO ANG
Regal Shocker
HorrorBabala: Hindi pangkaraniwan ang mga kuwentong mababasa mo rito. Kung mahina ang iyong loob, huwag mo nang ituloy ang pagbabasa.