"Kahel"

8 1 0
                                        

Pabalik-balik ang lakad ko dahil sa kaba, hindi ko na alam ang gagawin.

"Pa, dadalhin ka na namin sa ospital! 'Wag ka nang magmatigas! Hindi ka namin pwedeng pabayaan na lang dito!" Determinadong saad ko. Nabaling sa akin ang lumuluhang si Mama.

Nanatili ang tingin ko kay Papa, pursigido niya akong inilingan. Nagbalik na naman ang inis ko. Lumalala na ang lagay niya, ayaw niyang pumunta sa ospital dahil wala kaming pera. Ang sabi niya ay hayaan na lang namin siya sa gusto niya. Ngunit hindi kami pabor, hindi namin siya hahayaang mamatay na lang.

"Hermano, tama ang anak mo... Kailangan mo nang magpa-doktor. 'Wag ka naman nang tumanggi." Pagmamakaawa ni Mama.

"Hindi na..." Iling muli ni Papa.

"Papa naman!" Singhal ko. Nag-igting ang aking panga. Mariin kong naihilamos ang palad sa aking mukha.

"Kung ayaw mong magpa-ospital, isa na lang ang naiisip kong paraan!" Desperado na rin si Mama.

"Ano 'yon, Ma?" Mabilis kong baling kay Mama. Kahit ano pa 'yon ay gagawin ko na. Pareho na kaming desperado, maging maayos lang ang kalagayan ni Papa.

"Lita, 'yan ang 'wag na 'wag niyong gagawin!" Hirap na hirap na bigkas ni Papa. Bumakas sa kaniyang mukha ang galit, hindi ko alam kung ano ang pinanggagalingan.

"'Yon na lang ang tanging paraan, Hermano!" Galit ding bwelta ni Mama. Bumaling siya sa akin at agad na lumapit.

"Victor!" Iniilingan ako ni Papa, hindi ko iyon pinansin.

"Ang sabi-sabi noon ng mga matatanda, ang pakpak daw ng mga anghel ay may kakayahang makapag-pagaling ng kahit anong sakit." Paliwanag ni Mama. Kumunot ang noo ko.

"Saan naman ako makakahanap ng anghel, Ma?" Hindi naniniwalang tanong ko. Hindi na lingid sa kaalaman ko ang kwentong iyon ng mga anghel na nagpapakita di umano sa mga tao noon. Kung totoo man ang mga kwentong iyon, hindi ko alam kung dapat ko bang paniwalaan iyon ngayon.

"Ang kwento sa akin ng Papa mo, nakakita raw siya ng anghel noong kabataan niya sa bundok ng Kahel." Agad kong nilingon si Papa, lungkot at paghihirap lang ang nababakas sa kaniyang mukha.

"Pakiusap, 'wag mong gagawin 'yan, anak." Nagmamakaawang wika ni Papa. Ngunit hindi ko kayang panuorin na lang na hanggang sa maubusan siya ng hininga. Kung iyon na lang ang paraan, gagawin ko.

Madaling araw nang nagpasya akong magtungo sa bundok. Hindi ko iyon ipinaalam kanino man. Totoo man iyon o hindi, desperado na ako. Kailangan kong sumugal para sa buhay ng aking ama.

Matarik ang bundok ng kahel, hindi iyon naging madaling akyatin. Ngunit dahil pursigido ako, narating ko ang tuktok matapos ang anim na oras. Natulala ako dahil sa paligid, para iyong paraiso! Samu't sari ang punongkahoy ng mga kahel, hitik din ang mga iyon sa bunga. Nagkalat ang mga makukulay na bulalak, gayundin ang mga paru-paro na iba-iba ang kulay. Puno ng ulap ang paligid, dahilan para ang tuktok lang ng bundok ang namamasdan ko.

Isang saglit pa ay naestatwa ako nang marinig ang isang pagaspas sa 'di kalayuan. Nakakasilaw ang liwanag na dala niyon, hindi rin nagtagal ay naging tama na lang ang liwanag para makita ng aking paningin. Hindi ako makapaniwala sa nakikita. Totoo nga ang mga anghel! Dahil ang isa sa kanila'y nasa harap ko ngayon.

Tumigil ang tibok ng aking puso nang magtama ang aming paningin, hindi man lang siya nagulat nang makita ako. Nang magbalik ang tibok ng aking puso ay nagkarera naman iyon sa bilis nang ngitian niya ako. Natulala ako dahil sa kaniyang ganda. Mula sa dilaw na mga mata, mahahaba at pilantik na mga pilikmata, matangos at maliit na ilong, perpektong hugis ng manipis at mapulang labi, maputi at makinis na balat na sadyang kumikinang sa tuwing nasisinagan ng araw at ang kaniyang buhok na sumasayaw sa ihip ng hangin na kakulay din ng sinag ng araw sa umaga.

ONE SHOT Love StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon