Palubog na ang araw, ang langit ay unti-unti nang niyayakap ng dilim. Hindi ko alintana ang oras habang patuloy na nagmamasid sa malawak na damuhan at nakasilong sa mayabong na puno ng acacia.
Malamig at malakas ang hangin dahilan para sumayaw ang mga damo sa ilalim ng aking mga paa, nakapikit kong dinadama ang paligid nang sa aking pagmulat, nagtama ang ating mga mata. Ang huni ng mga ibon ay nagmistulang musika sa aking tainga, kasabay ng muling pag-ihip ng hangin, ang pag-alon ng iyong mahabang buhok na kakulay ng iyong tsokolateng mga mata maging ang iyong bulaklakang bistida at koronang bulaklak na nakaragdag sa iyong ganda. Sa una nating pagkikita, ang aking puso'y nabihag mo na.
Dumaan ang maraming araw, tuwing hapon, nakagawian ko nang magtungo sa ilalim ng puno ng mangga para makita ka. Noong una'y naging mailap ka ngunit hindi nagtagal, unti-unti, nasanay ka rin sa 'king presensya.
Matagal bago ko nalaman ang iyong ngalan. "Thalia," kay gandang pangalan, na tila ba isang kanta na hindi na maalis sa aking isipan hanggang sumapit ang umaga. Nang unang beses kong masilayan ang iyong ngiti, ang aking puso'y tila lumundag sa saya, sinabi ko sa aking sarili, hindi na ako mag-aalinlangan pa hanggang ang tibok ng ating puso'y maging isa.
Noong una'y nakapagtataka sapagkat sa tuwing ika'y makikita, lagi kang may suot na bulaklak na korona. Minsan ko ring kinusot ang aking mga mata sa pag-aakalang ako'y namalikmata sa suot mong bistida. Ngunit hindi ko maipagkakaila na para bang nakakita ako ng anghel na bumaba sa lupa.
Sa paglipas ng mga buwan, totoong napakaswerte ko nang marinig ko rin sa'yo ang salitang "mahal kita." Tandang-tanda ko pa nang maluha ako sa sobrang saya habang yakap-yakap ka. Ngunit Isang araw, hindi ko nagawang magtungo sa ilalim ng puno ng acacia, ang lugar kung saan naging saksi sa ating unang pagkikita dahil dumating ang isang malakas na ulan pagsapit ng kinahapunan.
Sa aking pagbabalik kinabukasan, ang dating malawak at matingkad na berdeng damuhan ay nabawasan. Mas maaga akong nagtungo ngayon kaysa noong mga nakalipas na buwan, sa aking paghihintay, nahagip ng aking paningin ang isang patag na bato malapit sa puno ng acacia. Sa aking pagkakatanda'y ngayon ko lamang ito napansin magmula nang tayo'y magkita, ngunit sa aking hindi inaasahan, isa itong lapida.
Tanging ang malakas at mabilis na pagtibok ng aking puso ang nangingibabaw sa aking sistema nang mabasa ko ang nakaukit sa makinis na bato, "Thalia I. Gomez." Agad na nagbalik sa aking alaala ang lahat nang una tayong magkakilala, kaya pala lagi kang may suot na korona, hindi rin pala ako namamalikmata na lagi mong suot ang bulaklakan mong bistida at ang pagkikita natin sa tuwing palubog ng araw ay hindi nagkataon lang.
Unti-unti kong naramdaman ang pagdaloy ng mainit na likido mula sa aking mga mata, muli, nagtama ang ating paningin, ang iyong ngiti'y dahan-dahang napawi. Muli akong napaluha hindi na dahil sa saya kundi dahil sa katotohanang hindi mo sinabing wala ka na.
End
***
Note: Photo not mine, credits to the owner. :)
![](https://img.wattpad.com/cover/219190148-288-k441182.jpg)
BINABASA MO ANG
ONE SHOT Love Stories
RomanceDifferent Kinds of Love Stories you'll surely love and hate. © All Rights Reserved 2020