"Ang mga diyos at diyosa ay totoo," rinig kong wika ng isang matandang Manong na nagkukwento sa mga bata na nakikinig sa mga kalokohan na sinasabi niya.
"Ang mga kalahating diyos at diyosa ang nakakahalubilo natin dito sa lupa nang hindi natin nalalaman." Patuloy niya, mas lalong napasinghap ang mga bata sa pagkamangha.
Napailing ako at napalatik ang aking dila.
"Manong, hindi sila totoo!" Singit ko sa kanila. Nabaling sa'kin ang tingin nilang lahat.
"Paano ka nakakasiguro, hijo?" Tanong ng Manong.
"Paano rin ho kayo nakakasiguro na totoo sila? Nakita niyo na ba kahit isa lang sa kanila?" Buwelta ko. Napangiti lang ang Manong, dahil doon ay kumunot ang noo ko.
"Hindi sila totoo, mga bata. Kathang isip lang ang mga gano'n!" Paalala ko sa mga bata saka sila iiling-iling na tinalikuran.
Isinuot ko na ang sumbrerong buri saka dumiretso na ako sa bukid. Nakangiti ko itong tinatahak dahil sa pagkasabik na makita ang aking kasintahan. Sa bukirin kami laging nagkikita sa tuwing sasapit ang umaga, nagpapalipas kami ng oras doon hanggang sa lumubog ang araw.
Bitbit ko ang almusal, pananghalian at meryenda namin sa kaliwang kamay. Nang matanaw ko ang damara, natanaw ko na rin siya roon dahil ang maliit na kubo'ng iyon ang nagsisilbing tagpuan at silungan naming dal'wa.
Ang ngiti ko ay napalitan ng pagtatakha nang makitang may kausap siyang dalawang babae. Ang isa ay puti at mahaba ang buhok, ang isa naman ay itim din ang buhok tulad ng aking kasintahan ngunit mas maikli ang buhok na kulot ng babaeng kausap niya. Pare-pareho ang kulay porselana nilang balat.
Nang makalapit ako ay siyang pag-alis ng mga kausap niya. Agad na nagbalik ang ngiti ko nang mabaling ang tingin niya sa'kin. Kumikinang ang balat niya habang tinatamaan ito ng sinag ng araw, tinangay ng hangin ang mahaba at alon-alon niyang buhok. Kumikislap sa puti ang kaniyang magandang ngipin at tumingkad ang pagka-pula ng kaniyang manipis na labi.
Perpekto ang panlabas niyang anyo, napakaswerte ko dahil ako ang pinili niya. Kung maniniwala man ako sa sinasabi ng Manong kanina na may mga diyos at diyosa, siya na ang diyosang nakilala ko.
"Hanan," Nakangiting salubong ko sa kaniya.
"Gani," ngiti niya rin.
Maingat kong inilapag ang mga dalahin sa damara saka siya hinagkan, na mahigpit niya ring tinugon.
"Sino ang mga kausap mo kanina?" Diretso ko siyang tiningnan sa mga mata.
"Mga kapatid ko." Nakangiti niyang tugon.
"Totoo? Sana'y pinakilala mo man lang ako sa kanila." Tukso ko. Nawala ang ngiti niya kaya naman nag-alala ako. Lumamlam ang mga mata niya, sumilip doon ang lungkot.
"Bakit?" Nag-aalalang tanong ko saka sinapo ang pisngi niya.
"Hindi pa sila handang makilala ka. Ngunit, pangako. Ipapakilala kita sa kanila." Ngiti niyang muli, maging ako'y napangiti rin dahil sa ganda ng ngiti niya. Napatango ako.
Masaya naming pinagsaluhan ang mumunting pagkain. Sa gano'n kasimpleng paraan ay kontento na kami at masaya. Gustuhin ko man siyang agad na makasal na sa'kin ngunit isa lamang akong hamak na magsasaka at wala pa akong sapat na pera para roon.
Kinabukasan, muli akong naghanda para sa pagpunta sa bukid. Muli kong natanawan ang dalawang babae na kausap niya kahapon, ang sabi niya ay mga kapatid niya. Babatiin ko na sana sila ngunit napansin kong seryoso ang usapan nila, hindi ko ito sinasadyang marinig.
"Hanan, hindi tayo maaaring magmahal ng mga mortal! Kapag nalaman ito ni Ama, siguradong itatakwil ka niya!" Wika ng babaeng puti ang buhok.
"Kapag nangyari 'yon, tuluyan ka na rin magiging isang mortal! Mamatay ka, Hanan. Tulad ng mga mortal na may hangganan ang buhay. Hindi namin nais na mamatay ka!" Dagdag pa nito. Nakayuko lamang si Hanan. Naguluhan ako sa mga sinasabi nila.
![](https://img.wattpad.com/cover/219190148-288-k441182.jpg)
BINABASA MO ANG
ONE SHOT Love Stories
RomantizmDifferent Kinds of Love Stories you'll surely love and hate. © All Rights Reserved 2020