"I, Marvin Suarez take you, Elizabeth Reyes to be my wife, to have and to hold, from this day forward, for better, for worse, for richer, for poorer, in sickness and in health, to love and to cherish, 'til death us do part, according to God's holy law. In the presence of God I make this vow."
Nagpapaulit-ulit sa aking pandinig ang habang-buhay na sumpaan naming dalawa para sa isa't isa. Nakangiti ko itong inaalala ngunit naroon ang kirot sa'king dibdib.
'Til death us do part...'
Napahawak ako sa aking dibdib nang sumikip ito. Pinilit kong maging malakas habang pinagmamasdan ang aking asawa na si Marvin, malaki ang kaniyang ngiti na tila nahuhumaling sa isang magandang bulaklak habang nakatanaw sa aking pinakamatalik na kaibigan na si Mae. Ang magandang bulaklak sa kaniyang paningin.
Hindi na ito ang unang beses na masilayan ko ang ganitong ngiti ni Marvin, noong una pa lamang kaming magkakilalang tatlo'y batid ko na ang pagtingin niya kay Mae. Hindi ko siya masisi dahil ang katotohanan ay ako lang naman ang may gusto na makasal kaming dalawa. Magmula nang malaman ko na... may leukemia ako, dalawang taon na ang nakalilipas.
Minsan ko na ring nakita sa mga mata ni Mae ang parehong pagtingin sa kaniya ni Marvin. Hindi man nila sabihin gamit ang kanilang bibig, ang kanilang mga mata na mismo ang nagsasabi sa'kin ng totoo. Ang katotohanang unti-unting pumapatay sa'kin.
Pinilit kong tawanan ang aking sarili dahil ngayo'y pinagmamasdan ko ang taong mahal ko na nakatanaw naman sa iba, sa taong totoong minamahal niya.
"Eli! Halika na maligo ka na rin!" Si Mae, kanina pa siya masayang nagatatampisaw sa dagat suot ang kaniyang pulang two piece. Napalingon sa'kin si Marvin, nginitian ko silang dalawa.
"Ano ka ba naman, Eli! Nasaan ang swimsuit mo?! 'Wag mo sabihin 'yan na ang panlangoy mo?" Inis niyang sita sa leggings at long sleeves ko.
Hinila niya ako sa papunta sa C.R. at pinilit na magpalit. Tumanggi ako dahil ayokong malaman nila ang totoo. Ayokong makita nila ang magbubunyag sa sikretong matagal ko nang itinatago sa kanila. Ang sakit ko.
"E-Eli, ba't andami mong pasa?! Sinasaktan ka ba ni Marvin?!" Singhal niya nang sapilitang hinubad niya ang damit ko.
"Hindi, Mae." Malungkot kong tugon.
"Anong hinde?! 'Wag mo 'kong lokohin Elizabeth Reyes! Saan manggagaling ang mga pasang 'yan?!" Napangiti ako dahil mayroon akong kaibigan na katulad ni Mae. Kaya hindi na ako magtataka kung bakit nahulog sa kaniya ang asawa ko.
Itinago ko ang sakit ko dahil ayokong mag-alala sila. Ayokong malungkot si Mae, dahil sinabi ko sa sarili ko na gagaling at gagaling din ako sa huli kaya hindi nila kailangang malaman pa ang kondisyon ko. Ngunit mali pala ako.
"At saka ang putla-putla mo! Kumakain ka ba?!"
Napakabuting kaibigan ni Mae. Lagi siyang nariyan kapag kailangan ko siya o kahit hindi, kapatid na ang turing namin sa isa't isa. Napakabuti niyang tao, napaka-mapagmahal at totoo. Masaya ako dahil alam ko na hindi ko sila maiiwang malungkot. Hindi ko maiiwan si Marvin na malungkot.
'Malulungkot nga ba siya 'pag nawala na ako?'
Hindi ko pa man naririnig sa kaniya ang mga salitang gusto kong marinig, masaya na ako dahil hindi naman niya ako pinababayaan at tinuturing niya naman akong asawa. Nang pakasalan niya pa lang ako ay napakasaya ko na. Pakiramdam ko nabuhay ako sa isang magandang panaginip.
Naramdaman ko ang pagtapik ni Mae sa'king pisngi nang hindi ko namalayang natumba ako, mabuti na lamang at nasapo niya ako. Unti-unting nagdidilim ang aking paningin at ang kaniyang tinig ang huli kong narinig.

BINABASA MO ANG
ONE SHOT Love Stories
RomanceDifferent Kinds of Love Stories you'll surely love and hate. © All Rights Reserved 2020