TASTE TEN

847 33 5
                                    

Abala si mamang sa pagluluto ng mga pagkain para sa munting salo-salo na magaganap mamaya. Kaya't lagi akong nasa tabi niya at nakaalalay sa kung ano man ang iuutos niya sa akin.

"Ang sabi ko ay ko ay huwag ka na dine at kaya ko naman ito." Pagtataboy nito sa akin.

Sumimangot ako sa sinabi nito pero nanatili pa rin akong nakatayo sa puwesto ko. Kadalasan talaga ay  ganito si mamang, tipong lahat na lang ng gawaing bahay pati na ang pagluluto ay gusto niya siya lang ang gagawa.

"Wala rin ho kasing akong magawa 'mang kaya gusto kong tulungan ka na lang dito." Kinuha ko sa lamesa iyong bawang at umupo sa silyang nasa tabi nito bago ko sinimulang balatan para mahiwa ko ito.

Napansin ni mamang ang ginagawa ko at nakita ko ang pag-iling nito sa akin.

"Nako ka talagang bata ka at napaka-tigas ng ulo mo. Dapat ay maupo ka na lang roon at hintayin ang mga bisita mo." Patuloy na sermon nito sa akin.

"'Mang naman..dalawa nga lang ho kasi ang bisita ko, eh." Tugon ko rito habang binabalatan ko ang bawang na hawak ko.

"Ito ang unang kaarawan mo na may bisita ka dine kaya dapat ay sila ang iniisip mo." Hindi ko na lang pinansin pa ang sintemyento ni mamang dahil hindi rin naman ako makikinig sa sasabihin niya.

Kaarawan ko kasi ngayon at pupunta si Merit at Edmar kaya't ganito na lang ang preperasyon na ginagawa ni mamang. Iba kasi ang araw na ito dahil ito ang unang beses na may dadalo sa espesyal na okasyon ng buhay ko.

Sa tuwing sasapit kasi ang aking kaarawan ay laging si mamang lang ang kasama ko upang ipagdiwang ang aking kapanganakan. Wala naman kasing may gusto na pumunta sa kaarawan ng isang babaeng 'malas' sa baryong ito kahit na imbitado ang ilan sa mga kakilala o kaklase ko. Sanay na akong walang bumabati sa akin o nagbibigay ng regalo sa tuwing birthday ko. Malungkot isipin, ngunit nakasanayan ko na ang mga tagpong iyon.

Kaya nga malaki ang pasasalamat ko dahil hindi nawala si mamang sa tabi ko na laging nandiyan para sa akin. At hindi ko makakaya kung mawala ito dahil simula't sapul ay siya na iyong tumayong magulang at kaibigan ko.

Wala sa sariling tumayo ako sa aking kinauupuan at lumapit rito upang bigyan ito ng napaka-higpit na yakap  habang iniiwas ang kamay kong nangangamoy bawang.

"Maraming salamat Mamang.." Sambit ko habang yakap-yakap ko ito.

Maraming bagay ang dapat kong ipagpasalamat rito dahil saksi ako sa mga sakripisyo na ginawa nito para sa akin.

Mas lalo ko itong yinakap ng mahigpit ng maramdaman ko ang butil ng luha na unti-unting dumaloy sa aking mga mata.

"Maraming salamat rin apo dahil narine ka lagi sa aking tabi kahit na matanda na ako. Lagi mong tandaan na ikaw ang pinaka magandang bagay na ipinagkaloob sa akin."  Mas lalo akong napaluha sa sinabi niya sa akin.

Ipinatong nito ang nangungulubot nitong kamay sa nakapalibot kong braso at marahang tinapik-tapik iyon.

"Huwag ka na umiyak at baka magtaka ang bisita mo kung bakit maga nare ang mata mo at akalain nila na pinaiyak kita." Natawa ako sa sinabi nito bago dahan-dahang pinakawalan ito sa mahigpit kong pagkakayakap.

"Mamang naman, eh!" Napuno ng tawanan ang maliit naming kusina bago namin tuluyang itinuloy ang naudlot naming ginagawa.


SUOT ko ang isang lumang pulang bestida na matagal ng nakatago sa tukador namin ni mamang na hinanap ko pa kagabi para sa okasyon na ito. Inilagay ko rin sa aking ulo ang pulang ribbon na minsan kong nabili sa tapat ng aming eskwelahan. At hinayaan ko lang na nakalugay ang itim na itim at mahaba kong buhok.

Taste HerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon