Simula

1.2K 18 0
                                    

Simula

Umpisa palang ay alam kong hindi magiging maganda ang pamumuhay namin dito sa Manila. Nais ko man makatulong sa aking mga magulang, ngunit alam kong hindi sila papayag na pagsabayin ko ang aking pag-aaral at trabaho.  Si Ate Almeah lamang ang inaprubahan nilang magtrabaho sa 'min. Kahit anong gawin kong pangungulit, alam kong walang pag-asa na payagan nila ako, kaya sa huli, tumigil na 'ko. 

"Ate, kakain na!" sigaw nang nakababata kong kapatid na si Yuan, napabangon ako mula sa masarap na pagkakahiga at saka lumabas ng kwarto. 

Ngayon ko lang namalayan kung anong oras na. Parang kanina lang ay ala-singko at nagmumuni-muni pa 'ko sa kwarto, at ngayon ay ala-syete na at oras na nang pagkain. Napansin kong wala pa si Ate Almeah, sa tingin ko'y nasa trabaho pa siya.

Umupo ako sa tabi ni Yuan at saka nagsandok na ng kanin. Napansin ko kaagad ang pagpapalitan ng tingin nila Mama't Papa na siyang ikinatakha ko. Para bang may nais silang sabihin. Napansin din iyon ni Yuan.

"May sasabihin kami sa inyo ng Mama mo," ani Papa at tumikhim. Mayamaya pa'y narinig ko ang pagbukas ng pintuan, senyales na merong pumasok. Bumungad sa 'min si Ate Almeah na mukhang dismayado. Inilapag muna niya iyong gamit niya at tumabi sa 'kin. 

"Ma, nagsara na iyong pinagtatrabahuhan ko. Maghahanap ulit ako--" kaagad na pinutol ni Mama ang sasabihin ni Ate.

"May sasabihin kami sa inyo." Huminga ng malalim si Mama.

"Ano 'yon, Ma?" nanguna kong tanong.

"Lilipat na tayo sa Samar."

Natahimik kaming tatlong magkakapatid. Naghari ang katahimikan sa aming lahat, wala ni isang nagsalita. Maski ako ay hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. 

"B-Bakit po?" tanong ko sa kanila. Sa totoo lang, naguguluhan ako. Bakit kami lilipat sa Samar?

"'Pag sa Samar tayo tumira, mas malaki ang matitipid natin. Hindi katulad dito sa Manila. Wala rin kasama ang Lola niyo ro'n sa Samar at kailangan niya nang mag-aalaga sa kaniya," pahayag ni Mama na ikinalungkot naming lahat. 

"Kaya ko naman pong maging working student--" pinutol ni Mama ang mga salita ko.

"Sariah, hindi ba't napag-usapan na natin 'to?" kalmadong tugon ni Mama na parang pinipigilan ang sariling mainis sa 'kin. Huminga ako ng malalim at napatango. Nilingon ko si Yuan, bakas sa kaniyang mga mata ang lungkot.

"E, paano po 'yung bahay natin dito sa Manila?" tanong ni Yuan kung kaya't binalingan namin siya.

"Ipapabenta na namin 'to," deklara ni Mama. Mukhang wala na kaming magagawa pa, mukhang buo na ang kanilang desisyon na lilipat kami. 

"K-Kelan po ba tayo lilipat?" tanong ko ulit sa kanila. Sa totoo lang, wala namang problema sa 'kin ang paglipat namin sa Samar. Iyon nga lang ay may mga kaibigan akong maiiwan dito sa Manila, mga taong naging parte na nang buhay ko. Nakakalungkot lang. 

"Sa susunod na bukas," tugon sa 'kin ni Mama. Nakayuko ngayon si Yuan, malungkot. Sa huli, wala kaming nagawang tatlong magkakapatid kung hindi ang pumayag at tanggapin. 

Pagkatapos kumain ay kaagad kaming dumiretsong tatlo sa kwarto namin. Isinarado ni Ate ang pinto at saka nagsalita. 

"Wala naman tayong magagawa," wika niya at mukhang malungkot. Nilingon ko si Yuan na tahimik sa tabi. Bukas nalang siguro kami magsisimulang magligpit nang gamit dahil gabi na ngayon at baka abutin kami nang anong oras. 

Kinaumagahan ay nagligpit kami nang mga gamit. Bukas na kami lilipat sa Samar, batid kong alam nila Mama na malungkot kami. Wala rito si Mama dahil inaasikaso niya iyong sa school namin. Mabigat ang bawat hininga ko. Hindi pa 'ko nakakapagpaalam sa mga kaibigan ko. Wala silang magiging ideya kung nasaan ako. Wala rin akong cellphone upang makapagpaalam sa kanila sa pamamagitan ng mensahe. Napailing-iling nalang ako at inilagay sa bag iyong mga damit. May kaunting gamit kami ditong iiwan, iyong iba naman ay ipapabenta raw. 

Freedom at LastTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon