"PAG-IBIG KAPALIT AY SAKIT"

3 0 0
                                    


Hindi lahat ng sumusuko—
Duwag.
Hindi lahat ng lumalaban—
Matapang.
Hindi lahat ng nang-iiwan—
Tanga.
Hindi lahat ng naiiwanan—
Kawawa.
Hindi lahat ng nagmamahal—
Nasasaktan.
At hindi lahat ng nasasaktan—
Nagmamahal.

Sumuko ka lang,
Pero hindi ka duwag.
Bakit nga ba bumibitaw ang isang tao?
Siguro dahil napagod na?
Napagod nang umasa sa taong minahal lang naman pero binalewala ka lang.

Sa una,
Okay lang.
Sige lang,
Saktan mo lang.
Pero kahit ganoon,
Hindi parin siya nagbago.
Dahil ang laging nasa isip ay baka sakaling mag iba ang ikot ng mundo.
Na baka dumating oras na masuklian din ang pagmamahal sayo.

Hindi ka sigurado kung mamahalin ka rin niya.
Pero sumusugal ka pa rin kahit alam mong talo na.
Nagmahal ka lang naman pero bakit sakit ang kapalit ng lahat.
Kapalit sa pag-ibig na binibigay pero 'di pa rin sapat.

Minsang hinihiling kung pwede bang ang atensyon ay sa iba nalang bumaling.
Na kung pwede ay iba nalang ang mahalin.
Pero hindi natuturuan ang pusong umiibig sa iba.
Gusto mo ng tumigil pero 'pag nakita mo ulit siya,
Nagsisimula ka na naman maging tanga.

Sumuko ka—
Pero hindi ka duwag,
Napagod kalang.

Lumaban ka—
Hindi dahil matapang ka,
Kundi dahil patuloy ka paring umaasa.

Iniwanan mo ang lahat sa kanya—
Ngunit hindi tanga,
Sadyang hindi mo lang kinaya.

Naiwanan ka na—
Pero hindi ka kawawa,
Iniwan ka dahil hindi siya para sayo, binigyan ka lang ng aral sa buhay mo.

Nagmahal ka lang—
Pero hindi ka nasaktan.
Dahil dinurog at pinatay ka ng tuluyan.

At nasaktan ka—
Pero 'wag mong isipin na dahil nagmahal ka sa taong binalewala ka.
Nasaktan ka kasi hindi mo na minahal ang sarili mo na nawalan nang halaga.

Hindi lahat ng nagmamahal,
Minamahal din.
Kaya matuto kang sumuko at ang sarili'y 'wag ipilit.
Sa taong inalayan mo ng pag-ibig kapalit ay sakit.

-Binibining Baybayin
@zuoram

Green Pen - Binibining BaybayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon