Chapter 8

135 12 0
                                    

Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang tahimik na kapaligiran. Napakasarap sa pakiramdam, lalong-lalo na ang pagdampi ng preskong hangin sa aking balat. Hindi rin masyadong mainit dahil sa mga naglalakihang puno sa paligid.

Umupo ako sa damuhan at binuksan ang isang pack ng chips. Gutom na ako. Ala-una na kasi ng hapon nang makarating kami rito. Actually, isa't kalahating oras lamang ang byahe, ngunit natagalan kami ng dahil sa traffic.

"Hoy Vergara! Halika rito," tawag ko sa kaniya.

Nakasandal lang kasi siya sa kaniyang sasakyan habang nakatitig sa'kin. Ano na naman kaya ang iniisip ng isang 'to? Hindi nagtagal ay lumapit siya sa'kin at umupo sa aking tabi.

"Parang gutom na gutom ka yata," puna niya.

Subo lang kasi ako ng subo ng chips. Inirapan ko na lamang siya at ipinagpatuloy ang pagkain.

"Sinabihan naman kitang kumain muna tayo ng lunch, ayaw mo naman," dagdag pa niya.

"Ayos na 'to. Kumain ka na rin."

Inabot ko sa kaniya ang isa pang pack ng chips at tinanggap din naman niya ito.

"Alam mo bang gustong-gusto ko ang lugar na 'to? Napakaganda kasi. Tahimik, at higit sa lahat, kitang-kita ang buong syudad," pagsasalita ko.

Tahimik lang si Jansen habang nagsasalita ako. Hindi ko alam kung nakikinig ba siya o ano. Ilang saglit pa ay kinuha ko ang beer at ininom ito.

"Nahihirapan na ako at nagugulahan. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin... Sinisira nila 'yong buhay ko para sa karangyaan at kaligayahang matatamasa nila."

Unti-unting pumatak ang aking mga luha kaya mabilis ko itong pinahid. Ngunit kahit anong pahid ang gawin ko, patuloy pa rin ito sa pagbuhos.

"Sobrang bigat sa pakiramdam noong nalaman kong ampon lang ako. Gusto kong sabihin nila na hindi 'yon totoo... Na hindi ako isang ampon. Ayokong tanggapin kasi sobrang sakit."

Hindi siya nagsalita. Ilang saglit pa ay naramdaman ko ang dahan-dahang paghawak niya sa aking ulo at saka iginiya ito sa kaniyang balikat.

Patuloy lang ako sa pag-iyak habang siya ay tahimik lang at marahang hinahaplos ang aking mga buhok. Nakadalawang can na ako ng beer at nararamdaman kong unti-unti nang umiinit 'yong likuran ko. Siguradong pupula at tutubo na naman ang mga rashes dito. Mahina kasi ako pagdating sa inuman kaya medyo nahihilo na rin ako.

"Sorry," mahinang sambit ko.

"Sorry?"

"Sorry kasi isinama pa kita rito... at sorry kasi ikaw 'yong naaabala ko palagi," sinserong paghingi ko ng tawad.

"Mahalaga ka sa'kin kaya huwag kang humingi ng tawad. Ginusto kong sumama sa'yo rito kasi kaibigan kita."

"Hindi ka ba nagsasawa sa'kin?"

"Sa matagal na panahon na naging magkaibigan tayo ay ngayon mo lang talaga naitanong 'yan?" Natatawang tanong niya.

Tiningnan ko naman siya ng masama dahil do'n.

"Seryoso ako dito tapos tatawanan mo lang ako?"

Nakakainis naman ang lalaking 'to.

"Sorry na," natatawa pa ring sabi niya.

Hindi ko siya pinansin at nahiga ako sa damuhan. Sinubukan kong matulog ngunit hindi ko magawa, kaya naisipan kong tanungin siya.

"Paano kung bibigyan ka ng isa pang pagkakataon para mabuhay muli at magkaroon ng isang kaibigan, would it still be me?" Tanong ko.

Kasi ako, kung bibigyan ako ng pagkakataong mabuhay muli ay siya pa rin ang pipiliin kong maging kaibigan. Kung hindi ko man siya makita ay alam kong gagawa ang tadhana ng paraan para kami'y magtagpo.

"Why not?"

Tulad ko ay nahiga rin siya sa damuhan. Pareho kaming nakatingin sa mga ulap. Naging tahimik ulit ang paligid. Tanging ingay ng mga ibon lamang ang maririnig. Maganda sana kung ganito na lang palagi. 'Yong tipong malayo ka sa mga taong mapanakit. Malayo sa magulo at marahas na paligid.

Mabilis lumipas ang oras at papalubog na ang araw. Umupo ako at tinanaw sa malayo ang napakandang tanawin. Unti-unting nagiging kulay kahel ang kalangitan. Kinuha ko ang aking cellphone at agad kumuha ng litrato.

"Picture tayo," sabi ko kay Jansen.

Agad naman siyang umupo at dumikit sa'kin. Nang matapos ako sa pagkuha ng mga litrato, ay agad ko ring ibinulsa ang aking cellphone. Nasa airplane mode ito kaya hindi ako nakakatanggap ng text o tawag. Tiyak akong hinahanap na nila ako ngayon.

"Hindi pa ba tayo uuwi?" Seryosong tanong niya.

Sa totoo lang ay ayoko pang umuwi. Mas pipiliin ko pang manatili sa lugar na 'to kaysa bumalik do'n sa bahay. Pakiramdam ko ay isa akong bilanggo at ang bahay ang nagsisilbing kulungan ko.

"Konting minuto pa."

Nanatili kami sa lugar ng ilang mga minuto at pinanood ang paglubog ng araw. Nang medyo madilim na ay napagpasyahan naming umuwi. Tulad kanina ay traffic pa rin sa daan.

"Nasa bag mo na pala 'yong power bank. Salamat talaga," sinserong sabi ko sa kaniya.

Habang nasa gitna kami ng traffic ay napapakamot ako sa likod ko. Hindi pa pala ako nakainom ng gamot.

"Namumula ka na. Hindi ka pa ba uminom ng gamot?"

Agad naman akong umiling bilang sagot. Hinalungkat ko ang aking bag at hinanap ang gamot. Mabilis ko rin naman itong nakita at ito'y binuksan. Matapos kong inumin ang gamot ay nakahinga ako ng maluwag.

"Okay ka lang? Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?" Nag-aalalang tanong niya.

"Hindi na, magiging okay lang ako."

Pamumula at rashes lang naman ang aabutin ko kaya hindi ko na kailangan pang pumunta ng ospital.

Nang unti-unti nang umuusad ang mga sasakyan ay naisipan kong buksan ang aking cellphone. Pinatay ko ang airplane mode at agad akong nakatanggap ng isang text mula kay Papa.

Abot-abot ang aking kaba nang pindutin ko ang kaniyang mensahe. Nanginginig ang aking mga kamay nang mabasa ko ang laman nito. Kailangan ko na talagang umuwi.

"Jansen, pakibilisan."

Vengeance Is MineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon