Prologue

550 26 0
                                    

Nilibot ko ng tingin ang buong paligid. Nagbabakasakaling nakatakas sa impyernong lugar na 'yon. Lahat ay kulay puti, maliban sa itim na kama na aking kinalalagyan. Maingay din ang paligid. Nakakabingi ang malakas na ihip ng hangin. Nasa'n ba ako? Anong lugar na naman ba 'to?

Dahan-dahan akong tumayo at nang biglang umuga ang silid na aking kinalalagyan, agad kong napagtanto na ako'y nasa loob ng isang yate. Teka, bakit ako napunta rito?

Tiningnan ko ang aking kabuuan at agad na napabuntong-hininga nang makitang may saplot pa ako, pero laking gulat ko na lang nang mapagtantong iba na 'yong damit na suot-suot ko.

Lumapit ako sa pintuan at sinubukan itong buksan, ngunit ayaw. Nakuha na naman ba nila ako? Unti-unting gumapang ang takot sa aking buong pagkatao. Ngunit sa pagkakaalala ko ay nakatakas na ako.

"Ysabelle!"

Kasabay ng kaniyang pagsigaw ay siyang pagkahulog ko sa bangin.

Sa bangin. Tama, nahulog ako sa bangin. Ngunit papaano ako napunta rito? Posible kayang may tumulong sa'kin? Pero papaano kung nakuha na naman nila ako?

Bigla akong napayakap sa aking sarili at nagsumiksik sa may dulo ng silid ng may bumukas sa pintuan. Isang matandang lalaki ang pumasok kasama ang mga armadong tauhan. Kasabwat din ba sila ng mga demonyong 'yon?

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong ng matanda sa'kin.

Bakas ang kapangyarihan sa kaniyang tindig at boses. Sino ba siya? At bakit nasa kaniya ako? Dahil sa panginginig dala ng takot ay hindi ko na nagawang sagutin ang kaniyang tanong.

"Marahil ikaw ay naguguluhan kung sino ako at bakit ka nandito, ako si Don Gibran Alcala at nakita ka namin kanina roon sa may batuhan malapit sa pampang. Batid ko'y tumakas ka. Ano ba ang nangyari sa'yo?"

Bigla akong napaiyak sa tanong niya. Ngayon ko lang naramdaman ang pananakit ng aking katawan. Sa sobrang pag-iisip ko kung paano ako makakatakas at kung saang lupalop ako ng mundo, hindi ko namalayan ang mga pasa at sugat na aking natamo. Mga hayop sila!

"I-Isa ka rin ba sa kanila? G-Gagahasain mo rin ba ako at p-papatayin?" utal-utal na tanong ko.

Natatakot akong baka ito na talaga ang katapusan ko. Hindi pa ako handang mamatay. Kailangan pa nilang magbayad sa mga kasalanang ginawa nila.

"HAHAHAHAHAHAHAHA."

Kinilabutan ako sa biglaang pagtawa niya. Tawa ng parang isang demonyo. Patuloy lang siya sa pagtawa hanggang sa naging seryoso ang kaniyang mukha. Tiningnan niya ako sa aking mga mata at bigla siyang ngumiti. Ngiting nagsasabi na kaya niyang gawin ang mga bagay na 'yon.

"Hindi ako nanggagahasa, pero pumapatay ako," seryosong sabi niya.

Takot, kaba, galit, at pagkamuhi. Lahat ng 'yan ay nararamdaman ko ngayon. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong humantong sa ganito. Kailangan kong makaalis sa lugar na 'to. Alam kong imposible, pero kailangan kong subukan.

"Parang awa n'yo na po... Tulungan ninyo akong makaalis dito. Papatayin po nila ako."

Hindi ko mapigilang maiyak habang nakikiusap sa taong nasa harapan ko. Hindi ko na alam ang aking gagawin. Nababalot na ng takot at galit ang puso ko.

"Tutulungan kita, pero may kapalit," nakangiting sagot ni Don Gibran. "Kailangan mong pumatay para sa'kin."

Nanlaki 'yong mga mata ko sa sinabi niya. Sumabay din ang paninikip ng aking dibdib. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang gano'n ang kapalit. Kahit kailan hindi ko inisip na maging isang kriminal. Hindi ko maatim na makita ang sarili kong pumapatay ng tao.

"K-Kailangan ko ba talagang pumatay?" Naluluhang tanong ko. Ayoko. Kahit ilang beses na akong pinagtangkaang patayin, ayoko pa ring pumatay.

"You'll kill them, or they'll kill you."

Natigilan ako sa sinabi niya. Para bang sinampal sa'kin ang katotohanan na kapag hindi ako lumaban, haharapin ko ang aking katapusan. Kailangan ko silang maunahan bago mahuli ang lahat. Tama siya, kailangan kong pumatay para mabuhay. Kailangan nilang pagbayaran lahat ng mga kahayupang ginawa nila sa'kin.

"Huwag kang mag-alala... Sa bawat pagpatay mo ay may katumbas na napakalaking pera. Pero bago ka pumatay, kailangan mo munang dumaan sa pagsasanay," dugtong niya pa.

Hanggang kailan ako papatay? Hanggang kailan ako gagawa ng mga gawaing kailanma'y hindi ko aakalaing gagawin ko? Hanggang kailan ko maaabot ang hustisya para sa sarili ko?

Hindi na lang ako umimik matapos niyang sabihin ang mga katagang 'yon. Tama siya. Ngayon, sigurado na ako. Kailangan kong pumatay. Kailangan kong sanayin ang sarili ko para mabuhay sa mundong 'to. Kailangan kong magising sa katotohanang masayadong marahas ang mundong aking ginagalawan. Sisiguraduhin kong lahat sila ay magbabayad. Lahat sila ay magdudusa.

"Wait 'cause I'll be back, and I'll make sure that vengeance is mine."

Vengeance Is MineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon