"Was there a lifetime waiting for us, in the world where I was yours?"Malugod kang ginising mula sa mahimbing mong pagkakatulog.
Ipinagtimpla ka nang kape.
Ipinaghanda ka nang makakain.
At dahan-dahang iniabot ang isang palumpon ng pulang rosas.Ang kaninang nakasimangot na mukha dahil sa pagkagising ay napalitan ng tuwa.
"Teka, teka. May kasama pa iyan" pambibitin ko rito.
"Ano yan Fred? Ikaw ha. May pasurprise surprise ka pang nalalaman. Ano 'yan?"
Dahan-dahan kong kinuha mula sa aking bulsa ang maliit na kahon na naglalaman ng isang gintong singsing.
Kasabay nito ay ang pagpatak ng mga luha ko.
Agad kang natuwa at nabalutan ng galak ang mukha mo.
Bigla kang tumakbo hindi para takasan ako kundi yakapin ang lalaking nasa likod ko.
"Oo, Andrew, Magpapakasal ako sa'yo". Mahina mong banggit na may kasamang ngiti sa labi mo.
"Salamat pre sa tulong mo. Kung hindi dahil sa'yo ay hindi ko maisasakatuparan ang plano ko".
Boses ng isang lalaking nakapag pahina sa aking buong pagkatao.Dahan dahan akong tumayo mula sa pagkakaluhod at pilit na pinipigilan ang pagpatak ng mga susunod kong luha.
"Fred, salamat ha. Mahigit limang taon na tayong mag bestfriend pero hindi ka parin nagbabago. Ikaw parin yung Fred na nakilala ko, na walang ibang ginawa kundi ang pasayahin ako".
"Wala 'yon Fae, ano ka ba naman, kung saan ka masaya syempre doon rin ako".
Pilit akong ngumiti at inabot ang singsing kay andrew upang maisuot na sa daliri ni Fae.
"Mauna na ako, nga pala yung bulaklak na pinabibigay mo andrew nasa kama ni Fae. Sige pre, congrats sa inyo".
Tumalikod ako at kasabay nun ay ang tuloy tuloy na daloy ng luha mula sa mga mata ko.
–
Alas otso na nang gabi.
Nagmumuni-muni sa rooftop, iniisip kung sa'n at ano ang kulang. Habang naka abang ang aking labi sa labas-masok na usok mula sa isang sigarilyong marlboro.
Paubos na ito kagaya ng aking pagkatao.Pilit na sinasabayan bawat dulo ng kantang "lifetime" kahit ako'y nagiging sintunado.
Mahirap, oo mahirap at hindi madali, pero...
Ako'y nagtataka, maaari nga bang maging ikaw at ako?
Bakit nga ba hindi ako at bakit hindi nalang tayo?Maaari bang malaman kung sa'n at papaanong ako'y nagkulang?
Maaari bang malaman kung d'yan sa puso mo, ako'y nagkaroon ng puwang?
Katanungang walang ibang sumagot kundi ako lang rin.
Katanungang alam kong walang kasagutan mula sayo kaya't pinilit kong sagutin.
Ako lang at hindi ka kasama.
Paano nga ba naman kita isasama kung sa iba ka na sumang-ayon, hindi ba?
Paano ko ibibigay ang oras na nais mo kung oras nya ang gusto mo?
Paano magkakaroon ng saysay ang pagkatao ko kung ibang tao ang hinahangad mo?
Pabalik na ako sa aking silid subalit ika'y aking nadatnan.
Dahan-dahan kang lumapit sa akin mula sa pintong kanina'y aking dinaanan.
Nang ika'y makalapit ay agad kitang niyakap
"Gusto kita, Fae. Gustong gusto kita matagal na pero wala akong lakas ng loob na sabihin sayo lahat kasi mas gusto mo ang oras nya, mas gusto mo sya".
Pumiglas ka mula sa pagkakayakap ko at dahan-dahan mong iniabot sa akin ang isang boteng pilsen habang maluha luha kang nagsasalita.
"B-bakit kasi ngayon lang? Alam mo bang pinilit kong gustuhin si Andrew dahil gusto kong maka move-on sayo? Gusto kong mamuhay nang normal at hindi ka iniisip. Pilit kong binalewala ang presensya mo dahil ayokong magbakasakali, ayokong magbakasakali na gusto mo rin ako".
"Sorry fred, pero, hindi ko na kayang ibalik kung ano man iyang nararamdaman mo, marahil nga't huli na ang lahat. Maaari ngang tayo'y pinagtagpo lang pero hindi tayo itinadhana" marahan mong banggit.
"Hmm... ano ka ba, wala 'yon"
Pilit kong itinaas ang bote ng alak, kahit masakit ay aking tinanggap.
"Pilsen, para sa taong hindi mapa-sa-atin" pabiro kong sambit.
Agad akong tumalikod upang maitago ang pagpatak ng luha kong kanina ko pa pinipigilan.
Patuloy na naglakad pabalik sa aking silid.
Pilit na kini-kimkim ang galit na sa akin lang din dapat isisi.
Ako'y naging bulag at pipi nang mga panahong may pag-asa pa tapos ngayong wala na saka ako magtataka.
Nakakapang hinayang hindi ba? Muntik na eh.
Muntik na kitang nasalo,
muntik na akong mamuhay kasama mo,
at muntik nang maging ikaw at ako.
Pero nawala ang pagkakataong iyon dahil sa kaduwagang nangibabaw sa aking pagkatao.
