—Route—
(Maling Ruta sa Tamang Tao)Oh! Quiapo! Quiapo! Sakay na! Dalawa na lang kulang! Lalarga na!—Sigaw ng dispatser ng jeep na nag-aabang, nagtatawag sa mga taong dumadaan, umaasang sasakayan.
At sa araw-araw na kalakaran dito sa terminal ng jeep. May tatlong bagay akong nakita. Tatlong bagay na pumukaw sa aking diwa.
Una, nagsusumiksik—pinipilit ang sarili kahit hindi na puwede, nagtatanga-tangahan para lang masakyan, jeep na papunta sa ruta ng binibining nilalaman ng puso't isipan.
Pangalawa, nagtutulakan—hindi inda sakit na nadarama sapagkat ang tanging hangarin ay ang makapiling ka!
Disperado't disperada, lahat na yata, kaya walang puwang dito ang taong mahina. Kaya't ano pa ang hinihintay mo? Oo ikaw—ikaw na taong takot ipaglaban ang taong iyong tinatawag na MAHAL! Kaya atras—umatras ka na lamang at sabihing—"Paalam, Patawad, Di kita kayang ipaglaban."Pangatlo. . .pangatlo na siyang huli, nag-uunahan—gawin mo ang una't pangalawa, MAGSUMIKSIK KA! ITULAK MO SILA! wala ng awa-awa dahil dihado ka kung mahina ka!
Unahin ang sarili bago ang iba, yan ang nakita ko sa kanya. Makasarili man kung inyong iisipin, ngunit siya'y nagmahal lang naman din.
At ngayon siya'y nauna na, kitang-kita ang ngiti sa kanyang mga mata. Sa wakas at nakasakay na, sa ruta na papunta sa kaniyang sinisinta.
Ngunit—sabi nga nila, katumbas ng kaligayan ay kalungkutan.
Tadhana'y mapagbiro, jeep na sinasakyan ay lumiko—lumiko sa rutang di naman ginusto!
Paano na to? Puso'y naghuhurumintado, luha'y nangingilid na sa mata ng ginoo.
Paano na? Paano. . .
Pero, di niya alam, tadhana siya'y tinulungan—Maling ruta na kanyang napuntahan, tamang tao pala ang hantungan.
At dahil dito aking nagpagtanto, sa buhay, minsan tahana'y dadalhin ka sa MALING RUTA para lang iyong makita ang TAMANG TAO, sayo nakatadhana.
©DnyxHeiress🍁