Chapter 05

2.9K 164 4
                                    

"HI, Ash!" Ubod tamis pa ng ngumiti si Syra dito ng makita ito. "Magandang hapon. Gusto mong mamasyal?"

Nagtuloy-tuloy lang ito sa paglalakad papunta sa may lanai, as if, wala siya sa paligid at hindi nito narinig na nagsalita siya.

"Hindi naman siguro siya bingi?" mahina niyang anas. Dahil may kakulitan siyang taglay kaya naman sinundan niya ito. "Maraming magagandang pasyalan dito sa Pagbilao City. Kaya kung gusto mo ipapasyal kita." Umupo siya sa katabing sofa na inuupuan nito. Hindi pa rin ito namansin. Binuklat-buklat pa nito ang nakuhang magazine. "Ayaw mo ba talaga akong pansinin? Galit ka ba dahil hindi ko isinusuli 'yung panyo mo? Sige ibabalik ko na 'yon mamaya."

Ibinaba nito ang magazine at mataman siyang tinitigan. "Para sa kaalaman mo, Miss. Sawang-sawa na ako sa mga babaeng wala ng ginawa kundi ang pansinin ako at magpapansin. Kaya sana 'wag ka ng dumagdag pa."

Sabi nila gumaganda raw siyang lalo basta ngumingiti siya. Ang ganda-ganda raw kasi lalo ng mga mata niya. Kaya naman hindi niya pinalis ang ngiti. Baka sakaling tumalab kay Ash.

"Hindi naman lahat ay iyon ang intensiyon dahil nilalapitan ka. Tulad ko, gusto ko lang namang makipagkaibigan sa iyo."

"Hindi ko kailangan ng kaibigan," malamig pa rin nitong sabi.

Hindi niya pinansin ang sinabi nito. "Bakit hindi mo nilalaro ang mga cute mong pamangkin?" Pag-iiba niya sa topic.

Dinampot uli nito ang magazine. "I hate kids."

"H-Huh?" Ito ayaw sa mga bata? Tumikhim siya. "Pero pamangkin mo naman sila. Hindi naman iyon iba sa iyo, eh. Paano na lang kapag nagkaroon ka ng sarili mong anak?"

"That won't happen. Wala sa plano ko ang magkaroon ng anak."

"Hindi puwede iyon!" Speechless siya ng balingan siya nito. "A-Ang ibig kong sabihin s-sayang naman ang genes mo." Paano 'yon? Gusto ko, eh, ikaw ang magiging ama ng mga anak ko? reklamo niya sa kanyang isipan. Tinamaan na talaga siya rito.

"'Wag ka na lang makulit."

"Sabihin mo muna kung bakit?" Tinitigan niya itong mabuti. Lalaking-lalaki naman ito pati sa pagkilos nito. Kaya imposible na bading ito. Pero karamihan sa mga bading ay parang alergy sa mga babae. "B-Bakla ka ba?" Sa isip niya ay para siyang nakarinig ng mga nangabasag na mga pinggan.

Marahas na huminga si Ash. "Sinasayang mo lang ang oras mo. Isipin mo na ang gusto mong isipin basta umuwi ka na sa inyo."

Bakit ba palagi na lang malamig ang pakikitungo nito sa kanya? Ayaw ba talaga nito sa kanya? Mabait naman siya. Maganda pa.

Sumandal siya sa may sofa at tinanaw ang mga pamangkin nito na naglalaro sa may garden.

"Sa ngayon nasasabi mo lang na ayaw mo sa mga bata. Pero kapag nagkaroon ka na ng sarili mong bata," napatawa siya. "I mean ng sarili mong anak. Magugustuhan mo rin sila. May tatawag sa iyong Daddy or Papa. Nakakatuwa kaya 'yon."

Napatiim bagang ito. Kaya ng bumaling siya rito ay natahimik siya. Mukhang nagalit yata ito. Ibinagsak nito sa lamesita ang magazine kaya napaiktad siya.

"Ayoko ng maririnig pa ang boses mo," iyon lang at tumayo na ito. Walang lingon likod na nagtuloy-tuloy ito sa pagpasok sa loob ng mansiyon.

Napabuntong hininga siya. Medyo nasaktan siya sa sinabi nito. He's so mean and she don't know why. Kung kailan nakahanap na siya ng inspirasyon sa katauhan nito ay kasing lamig naman ng yelo ang pakikitungo nito sa kanya. Nasaan ang hustisya?

Tumayo na siya mula sa pagkakaupo at pumasok na rin sa loob. Nakita niya si Ash na paakyat na ng hagdanan.

Para talaga itong hindi totoo. Mukha lang itong prinsipe na umaakyat sa grand staircase. "Sana ako ang prinsesa niya." Nabanggit sa kanya ni Yusumi na wala itong girlfriend kaya malakas ang loob niya na magpapansin dito. "Papansinin mo rin ako Ash Salcedo. Tss, if I know pinipigilan lang niya ang sarili niya na pansinin ako."

Nang mawala na ito sa paningin niya ay umuwi na lang siya sa kanila. Two days from now ay paalis na ang mga magulang nila para sa isang buwang bakasyon sa Europe.

Papasok pa lang siya sa bahay nila ng salubungin siya ng kawaksi nila.

"Señorita, may bisita po kayo."

"Bisita?"

Tumango ito. "Nasa sala po."

Si Mary Ann Catausan ang tinutukoy nito. Isa sa mga kapitbahay nila. Kumaway pa ito ng makita siya. Gumanti siya ng kaway. Pagkuwan ay nakangiting nilapitan ito.

"Naligaw ka?"

"May sasabihin lang ako."

Umupo siya sa tabi nito. "And what is it?"

"Two weeks from now ay may gaganaping super bods sa Valle Encantado Village Club House. Isa ako sa mga mag-o-organize ng show. At dahil taga rito lang sa village natin ang mga participants ay hihikayatin sana kitang sumali. Puro babae lang ang mga 'yon kaya sumali ka na."

Napaisip siya. "Pagandahan ng katawan ang labanan," wala sa sariling naibulalas niya. Pagdating naman sa bagay na iyon ay may panlaban siya.

"Alam ko naman na makapal din ang mukha mo kaya sumali ka na. Matalino ka rin naman, maganda at sexy."

Tumawa siya sa pagiging taklesa nito. "Over ka naman, Mary Ann. Puwedeng pag-isipan?"

"May genern? Okay, sige. Pero hanggang bukas lang. Dahil may screening na gagawin the other day."

"Okay."

"Sige, Syra. Hindi na rin ako magtatagal. I have to go. Marami pa kasi akong gagawin. Sinadya lang talaga kita rito dahil ikaw ang manok ko. Salamat din sa meryenda."

Ngumiti siya. "You're welcome."

Hinatid muna niya ito hanggang sa labas ng gate at agad ding pumasok sa loob ng bahay.

"Narinig ko 'yung sinabi sa iyo ni Mary Ann," ani Reynald na prente ng nakaupo sa may sala. "Sasali ka?"

Nagkibit siya ng balikat. "Hindi ko pa alam."

"Yuck! Magkakalat ka lang doon."

"Tse!" Ilang beses na rin naman siyang sumali sa kanilang school. Dahil palagi siyang isinasali sa mga labanan. "Nasaan nga pala sina mama at papa?"

"May inaasikaso sila ni papa kaya lumabas muna."

Hihingin sana niya ang approval ng kanyang ina kung papayagan siyang sumali sa event na iyon ng village.

"Magkakalat ka lang doon," kantiyaw pa rin ni Reynald sa kanya bago nagtatakbo paakyat sa taas ng hagdan.

"Pang-asar ka talaga Reynaldo!"

Idinaan na lang niya sa pagtugtog ng piano ang kanyang pag-iisip.

Ikaw Pa Rin | Published under Precious Hearts RomancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon