Chapter 08

2.6K 154 1
                                    

"KAYA na naman nating dalawa rito sa bahay pero pinapunta pa ni Papa sina Tita Rosa," inis pa ring bulong sa kanya ng kapatid na si Reynald.

"Ano ka ba? 'Wag ka ng maingay riyan at baka marinig pa nina Tita, malalagot ka pa kay Papa."

"Badtrip ako, eh."

Tinapik niya ito sa balikat. "Wala na tayong magagawa. Narito na sila."

Napatingin si Reynald sa may entrance door ng bahay nila ng pumasok mula roon ang pamilya Salcedo. "Sina Tita Yumi nariyan na."

Mabilis tuloy siyang nagbaling doon ng tingin. Nakangiting tumayo siya mula sa pagkakaupo at sinalubong ang mga dumating. Kompleto ang mga ito maliban sa isang tao. Pasimpleng tumingin siya sa likuran ng mga ito. Ngunit wala si Ash.

"Tita, diretso na po kayo sa may pool area," ani Reynald na in-assist na ang mga ito.

Siya naman ay nagpaiwan sa may sala. Umaasam na darating pa si Ash. Ngunit ng tawagin na siya ng maid nila ay napilitan na siyang sumunod sa may pool area, kung saan gaganapin ang munting salo-salo ng gabing iyon.

Buffet ang style ng set-up ng mga pagkain na pinagtulungan nila kaninang ayusin. Ang style naman ng lamesang kakainan nila ay pahaba. Umupo siya sa katabi ng kapatid niya. Sa kabilang side naman niya ay bakante ang silya.

"Ate Yusumi, dito ka na umupo sa tabi ko."

"Dito na lang," anito na naupo sa kasunod ng bakanteng upuan sa tabi niya.

"Eh, si Marco iupo mo rito sa tabi ko."

"Kakalungin ko na lang," nakangiti pa rin nitong tanggi.

Napatingin tuloy siya kay Lanie na nakaupo sa may tapat niya. Nahuli pa niya ang pagtaas ng kilay nito. Nginitian na lang niya ang pinsan.

"Okay. Kompleto na ba ang lahat?" anang papa niya na kalalabas lang buhat sa loob ng bahay.

"Papa may–"

"Sorry I'm late."

Napalunok siya ng makita si Ash. Argh! Bakit ba ang guwapo-guwapo niya? Hindi niya mapigilan ang sarili na hindi kiligin. Tiningnan lang siya nito saglit. Pagkuwan ay nagbaling na rin sa iba ng tingin.

"Wala na bang ibang hahabol?"

"Wala na," sagot ni Andro.

"Then let's all raise for the prayer before we start our family dinner."

"Ash, dito ka na sa tabi ko umupo," anang Ate nito.

Lihim siyang nagdiwang. Kaya pala ayaw umupo ni Yusumi sa tabi niya ay dahil para iyon kay Ash. Mahahalikan niya ito sa pisngi. Pero ng mapatingin siya kay Lanie ay lihim siyang nainis. Paano ba namang hindi? Eh, sa klase ng titig nito kay Ash ay parang tutunawin na nito.

Siniko siya ni Reynald. "Tawag ka ni Papa."

"P-Po?" Baling niya sa ama.

"Lead the prayer."

Huminga muna siya ng malalim bago nagsalita. "In the name of the Father, the Son and the Holy Spirit. Amen," pumikit siya pagkatapos mag-sign of the cross. "Maraming salamat po dahil nagkaroon kami ng pagkakataon na magsama-sama uli para sa isang hapunan. Maraming salamat po sa lahat ng blessings na dumarating sa buhay namin. Sana rin po ay gabayan Ninyo ang aming mga magulang sa pag-alis nila bukas. 'Wag Niyo po silang pababayaan at laging ilayo sa kapahamakan. Hangad po namin ang kaligtasan nila habang malayo sila sa amin. Maging kami rin po na miiwan ay gabayan Niyo rin po. Maraming salamat po." Pagkatapos mag-sign of the cross ay nagmulat na siya ng mga mata. "Amen."

"Thank you, hija," anang mga ito

"You're welcome po."

Nag-play ang ama niya ng isang slow music. "Kumain na tayong lahat."

"Kulang 'yung dasal mo," bulong sa kanya ni Reynald.

"Bakit?"

"Sasabihin ko sa iyo mamaya."

"Bakit 'di pa ngayon?"

Inilapit nito ang mukha sa bandang tainga niya at bumulong. "Dapat isinama mo na sana umuwi na sina Tita Rosa."

Natatawang natampal niya ang noo nito. "Adik ka talaga."

Sumunod na rin siya sa may buffet table para kumuha ng kanyang pagkain. Napasulyap siya kay Ash na kumukuha ng adobong baboy. Lumapit siya rito. Si Lanie na balak ding lapitan ang binata ay lihim na nayamot ng maunahan niya.

"Paborito mo rin pala 'yan?"

"Not really," anito na hindi siya tinitingnan.

"Ako paborito ko." Inilahad pa niya ang kinuhang pinggan. "Puwede mo ba akong lagyan sa plato ko?"

"Hindi mo ba kayang kumuhang mag-isa?" Mahina lang ang pagkakasabi nito na sapat lamang upang marinig niya.

Nasaktan man ay nanahimik na lang siya at kumuha na lang ng kanin. Subalit sa pagkagulat niya ay nilagyan pa rin ni Ash ang pinggan niya ng adobong baboy. Hindi niya napigilan ang kumuwalang ngiti sa labi niya.

"Wuy, ano 'yan, huh?" natatawang kantiyaw ni Yusumi. Napatingin tuloy sa kanila ang lahat.

Idinaan na lang niya ang pagkahiya sa pagtawa habang si Ash naman ay medyo dumistansiya sa kanya.

"Kids, later na 'yang chocolate," saway niya sa mga bata na nagdudut-dutan sa chocolate fountain.

"Tita Syra, puwede akin na lang 'yung chocolate?" ani Sumi.

"Hati tayo," ungot ni Maxine na kinalabit pa si Sumi sa braso.

"Pagkatapos kumain ng kanin. Walang chocolate kapag hindi kumain ng kanin. Understand?"

"Opo!"

"Ate, puwede ka ng mag-asawa," biro pa ni Reynald sa kanya.

"Mauna ka." Kumuha muna siya ng ilang putahe bago bumalik sa puwesto niya. "Baka ayaw mo akong katabi kaya lilipat na lang ako ng upuan," aniya kay Ash ng akmang ipapatong na niya sa tabi nito ang pinggan niya.

"Wala akong sinasabi."

Kinagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang nagbabantang ngiti. Umupo na siya sa katabi nitong bangko. Nang magbalikan na ang iba ay magana na silang kumain. Siyempre pa ay hindi mawawala ang masayang kuwentuhan ng pamilya.

"Syra, kinukulit ka pa rin ba ni Kevin?"

Napatingin siya kay Tito Andro na nasa kabilang kabisera. "Hindi na po." Napasulyap siya kay Ash ng tumingin ito sa kanya.

"Sino 'yon?" He simple ask.

"Nanliligaw kay Ate Syra. Isa sa mga doctor sa SMC," sabad ni Reynald.

Kimi na lang na nginitian niya si Ash. Muli niyang itinuon ang atensiyon sa pagkain.

Sakto namang katatapos lang niyang kumain ng lapitan siya ng kawaksi.

"Señorita, nasa labas po si Miss Mary Ann."

"Don't tell me desidido ka talagang sumali doon, Ate?"

"Saan naman 'yon, Reynald?" anang Mama Lolit nila.

Bahagya niyang sinipa sa ilalim ng lamesa ang kapatid ngunit nagsalita pa rin ito. Hindi pa rin kasi niya nauulit sa kanyang ina ang pag-aalok ni Mary Ann na sumali siya sa Super Bods sa kanilang village.

"The other day po kasi ay pinuntahan siya rito ni Mary Ann para pasalihin sa Super Bods ng VEV." Napasinghap ito ng hampasin na niya ito sa braso. "Ang bigat ng kamay mo, Ate," reklamo nito na hinimas ang brasong nasaktan.

"Ang ingay mo kasi."

"Sumali ka na Syra."

Napatingin siya sa kanyang ina. "Okay lang po?"

"Oo naman. Kahit hindi na kami manood ng Tita Yumi mo ay alam ko na kaya mo iyong ipanalo. Puntahan mo na si Mary Ann."

Ikaw Pa Rin | Published under Precious Hearts RomancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon