Chapter 07

2.6K 154 0
                                    

"MAMAYA na ang padespidida nina mama, papa at nina Tita Yumi. Baka gusto mong tumulong sa baba?"

Nahawakan ni Syra ang ulo. Ang sakit ng ulo niya dulot ng magdamag na pagda-drama. Kaya heto siya ngayon at daig pa ang lasing na may hang-over. Nakapikit na naupo siya mula sa pagkakahiga sa kanyang kama.

"Mamayang gabi pa naman 'yon."

"Kahit na. Dito gaganapin ang salo-salo kaya bumangon ka na riyan. Mag-ayos ka na rin kung puwede dahil may bakat pa ng laway ang pisngi mo. Kadiri ka talaga."

Kung totoo man o hindi ang sinabi ng kapatid ay hindi na lang niya pinansin. Nang mapag-isa ay ipinasya na rin niyang pumunta sa banyo.

Sa paggising niyang iyon ay paano ba niya sisimulan ang kanyang araw? Parang ang hirap magkunwari na okay lang siya. Pakiramdam niya ay tamad na tamad siyang kumilos. How she wish na masamang panaginip lang ang nangyari sa kanya kagabi.

Nang presentable na siyang tingnan ay bumaba na rin siya. Hindi niya mahagilap kung nasaan ang ina kaya naman pumunta na lang siya sa may pool side kung saan prenteng nakaupo ang kanyang ama sa harap ng coffee table.

"Good morning, papa. Nasaan po si mama?"

Mula sa binabasang newspaper ay nag-angat ito ng tingin sa kanya. "Kasama ng Tita Yumi mo. May binibili lang sila. Nag-almusal ka na ba, hija?"

Humalik muna siya sa pisngi ng ama bago umiling. "Hindi pa po."

"Pumunta ka na sa kusina at mag-almusal."

"Sige po. Ahm, papa, puwedeng..." Napabuntong hininga na lamang siya. Hindi naman puwedeng sumama pa siya sa mga ito. Bukod sa wala ng time para kumuha ng visa, ay alalahanin lang siya ng mga ito kung sasama siya sa Europe. "Mag-enjoy po kayo sa long vacation ninyo nina mama."

Nakangiting tumango ito. "Isang buwan din kaming mawawala ng mama mo kaya ikaw na ang bahala rito sa bahay. Lalo na sa kapatid mo. Mag-iingat din kayo palagi. Si Manang Choleng na ang bahala sa lahat ng kailangan ninyong magkapatid. Wala sana sa inyong pasaway."

"Si papa talaga." Niyapos niya ito. "Mami-miss ko po kayo."

"Mami-miss din namin kayo ng mama mo."

Hinalikan muna niya ito sa pisngi bago siya pumunta sa loob ng bahay.

Nang matapos mag-almusal ay siya namang lapit sa kanya ng papa niya.

"Syra, pakibigay nga nito sa Tito Andro mo sa kabila."

"H-Ho?" Napatingin siya sa papel na inabot nito. "S-Sa kabila po?"

"Oo. May problema ba?"

Mabilis siyang umiling. "Wala po. Sige po at ibibigay ko na ito kay Tito Andro." Kung maaari nga lamang ay ayaw niyang pumunta muna sa kabila. Ipaabot na lang kaya niya sa maid ng mga Salcedo? Pero sabi ng kanyang ama ay kay Tito Andro niya ibigay. No choice siya.

Urong-sulong pa ang paa niya pagtapak sa bakuran ng mga Salcedo. Ngayon lang siya nakaramdam ng pagkailang. Malinaw pa rin kasi ang nangyari kagabi. Sana nga ay lumabo na lang. Huminga muna siya ng malalim bago tumuloy sa loob.

Ayon sa kawaksi ay nasa Study Room daw ang hinahanap niya. Kaya naman nagmamadali siyang pumunta roon.

"Papa, naisip ko na bumalik na lang muna sa Japan. Tutal ay isang buwan naman kayong mawawala rito."

Napatigil si Syra sa akmang pagpasok sa loob ng Study Room ng marinig ang sinabing iyon ni Ash. Medyo nakasiwang kasi ang pinto kaya hindi na siya nag-abala pang kumatok. Nasa loob din pala ito. Sabi kasi ng napagtanungan niyang kawaksi ay mag-isa lang ang matanda sa loob.

Ikaw Pa Rin | Published under Precious Hearts RomancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon