Chapter 06

2.7K 161 1
                                    

KINAGABIHAN ng hindi pa rin dumarating ang mga magulang ni Syra ay pumunta uli siya sa kabilang mansiyon. Wala rin doon ang mag-asawang Salcedo, kasama ng kanyang mga magulang. Ang pamilya naman ni Yusumi ay bumisita raw sa bahay ng biyanan nito. Gayon din ang pamilya ni Andrei, umalis din.

So ibig lang sabihin ay si Ash lang ang narito bukod sa mga maids, aniya sa isip na ikinangiti niya. "Ate Helen, nasaan si Ash?" Muli niyang baling sa kawaksi.

"Nasa may pool area."

"Nagsu-swimming?"

Umiling ito. "Nagpapahangin."

"Ah, sige. Salamat po." Nangingiting pumunta siya sa may pool area. Naroon nga si Ash. Nakatayo ito paharap sa infinity pool. Maingat na nilapitan niya ito. Parang ang sarap-sarap yakapin ng likuran nito. Kung maaari nga lang, aniya sa isip.

Balak sana niya itong gulatin ng bigla namang may dumaang palaka sa harapan niya. Patalon-talon iyon na siyang naging dahilan ng pagtili niya. Napapikit pa siya ng mariin. Takot siya sa palaka.

"What the..." Napakunot-noo si Ash ng malingunan siya. "Anong–"

"May palaka!" Palirit pa rin niya.

"Palaka lang 'yon."

"I hate frogs," nanghihina niyang wika. Nanginginig ang mga tuhod na napaluhod siya sa damuhan. Naubos yata ang buong lakas niya dahil sa pagtili. Gugulatin ko lang naman si Ash pero ang bilis ng karma.

"Syra..." Lalapit sana sa kanya ang ilang katulong ng magsalita si Ash.

"Bumalik na kayo sa loob. Nothing serious happened. May nakita lang siyang palaka."

Natatawa tuloy na nagsipulasan ang mga kawaksi.

"Wala ng palaka kaya tumayo ka na riyan."

Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata at marahang inilibot ang tingin sa paligid. Wala na nga ang tumatalong palaka. Napahinga siya ng maluwag habang hawak ang dibdib. Napatingin siya kay Ash na hindi naman kalayuan sa kanya. Hindi niya magawang tumayo dahil nanlalambot pa ang mga tuhod niya.

Itinikom na lang niya ang bibig ng maalalang ayaw nitong marinig ang boses niya. Tuluyan na siyang napaupo sa damuan.

"Gabi na pero pumunta ka pa rin dito," anito na humarap na uli sa swimming pool.

Kasing lamig man ng North Pole ang pakikitungo nito sa kanya ay kontento na siya dahil kinausap siya nito. Bagaman at nagtataka pa rin siya kung bakit masyado itong stiff sa kanya. Sa kanya nga lang ba?

Makalipas ang ilan pang segundo ay ipinasya na niyang tumayo. Marahan na naglakad siya palapit dito. Puwede na kaya siyang magsalita? Tumikhim muna siya upang magtanggal ng bikig sa lalamunan.

"Ash, magsasalita na ako, huh? Baka kasi mapanisan ako ng laway." Tumayo siya isang dipa ang layo mula sa tabi nito. Tumingin din siya sa may pool. "Mag-isa ka lang pala rito sa bahay ninyo. Hindi ka ba naiinip? Dapat pumunta ka muna sa bahay namin para maka-jamming mo 'yung kapatid ko. Gusto kasi niyang magpaturo sa iyo ng ilang Japanese words. Kaso nahihiya siya dahil baka sungitan mo lang siya." Hindi naman totoo ang sinabi niya. Alibi lang niya iyon para may masabi rito.

She sigh. Daig pa niya ang nakipag-usap sa hangin ng hindi magsalita si Ash. Binalingan niya ito.

"Ayaw mo talaga akong kausapin?" Medyo nakagat niya ang ibabang labi ng hindi pa rin ito tumugon. Muli siyang tumingin sa tubig. Ano bang gagawin niya sa yelong ito? At isa pa ay hindi pa niya naririnig na banggitin nito ang pangalan niya. Imposible namang hindi nito alam iyon? Huminga uli siya ng malalim bago pinilit na ngumiti ng muli itong harapin. Inilahad niya ang kamay. "Hindi mo pa siguro alam ang pangalan ko. Ako si Syra Marie."

May nakita siyang lungkot sa mata nito ng balingan siya nito. Na mabilis naman nitong itinago sa pamamagitan ng pagsusungit. "You're wasting your time. Go home."

Stiff talaga ito. Gusto sana niyang makipagkaibigan dito ngunit hindi pa man niya nagagawa ay itinataboy naman siya nito palayo.

Malungkot na ibinaba niya ang kamay. Kasabay niyon ay ang unti-unti ring pagpalis ng ngiti sa labi niya. Nagbaba na rin siya ng tingin sa damuhan.

"Bakit ba ang sungit mo?"

"Dahil ayoko sa iyo."

Sa tahasang sinabi nito ay animo pinira-piraso ang puso niya dahil sa biglang lungkot na lumukob sa kanya. First time niya itong maramdaman. Ang masaktan dahil lang sa sinabi nito. Parang gusto niyang maiyak. Idagdag pa ang bigla-biglang pananakit ng kanyang lalamunan. Baka kung magsasalita siya ay mapapiyok pa siya. Masakit masyado.

Marahan na lang siyang tumango-tango bago nakayuko pa ring naglakad palayo rito. Sa gilid na ng mansiyon siya dumaan. Kinagat din niya ang ibabang labi para hindi mapahikbi ng tuluyan, habang ang mga luha naman niya ay hindi na niya napigilan pang kumuwala buhat sa nanlalabo niyang mga mata.

Nang makalabas ng gate ay nagtuloy-tuloy lang siya sa paglalakad at hindi dumiretso sa kanilang bahay. She want to breathe some cold air to ease the pain.

Humantong siya sa 'di kataasang burol malapit sa kanila. Buhat doon ay tanaw na tanaw ang magandang view ng Lineage Energy. Isang power plant sa Pagbilao na nagmimistulang City of Lights sa gabi dahil sa mga ilaw. Nasa tabing dagat iyon.

Pinalis niya ang namalisbis na luha sa kanyang pisngi. Naupo rin siya sa bench na karatig ng isang punong mangga na hindi pa ganoon katanda. Agad siyang lumanghap ng sariwang hangin para palisin ang paninikip ng dibdib.

Habang nakatanaw siya sa Lineage Energy ay bahagyang napawi ang sakit na kanyang nararamdaman. Gumaan ang pakiramdam niya. Ngunit ng maalala ang sinabi kanina ni Ash ay dagli na naman ang pag-iinit ng kanyang mga mata.

"Bakit ba ganoon siya?"



NAIYUKOM ni Ash ang dalawang palad. Ayaw niya sa lahat ay may taong umiiyak ng dahil sa kanya. Ano ba ang magagawa niya? Habang maaga pa ay ginagawa lang naman niya ang sa tingin niya ay tama. At iyon ay ang umiwas. Hindi puwedeng hayaan na lamang niya na magpatuloy si Syra sa paglapit-lapit sa kanya.

Hindi siya deserving para dito. Hindi siya manhid para hindi mahalata na may atraksiyon itong nararamdaman para sa kanya. Kung ang pagiging stiff ang tanging paraan para lumayo ito sa kanya ay wala na siyang iba pang pagpipilian.

Maiintindihan din naman nito iyon pagdating ng araw. Kung bakit kailangan niyang umiwas. Kung ano man ang matinding rason niya ay siya lamang ang nakakaalam. Hindi lang naman si Syra ang nakaranas ng kasungitan at pang-i-snob niya. Marami na rin way back in Japan. Higit sa lahat ay ayaw niyang magpaasa ng tao.

Mula sa ibaba ng burol na inakyat ni Syra ay nagpakawala siya ng buntong-hininga. "Spare me. Sana 'wag na lang ako."

Mapait siyang napangiti pagkaraan ng ilang sandali. Habang maaga pa ay siya na lang ang lalayo kung ayaw siya nitong layuan.

"Ah," napapangiwi niyang anas ng bigla na lang ay parang may pumitik sa kanyang sentido. Napahawak siya sa kanyang ulo.

Sumulyap muna siya sa kinaroroonan ni Syra. Hindi naman siguro ito mapapahamak kung babalik na siya sa kanila.

Ikaw Pa Rin | Published under Precious Hearts RomancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon